NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa taumbayan na kung ayaw nilang muling umiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa susunod na buwan (Hunyo) sa kanilang mga lugar ay maging disiplinado at sumunod sa ipinatutupad na health protocols ng gobyerno.
Sinabi ni Go na tiwala siyang ang bagong quarantine measures sa buong bansa na ipaiiral sa susunod na buwan ay nakabase sa ‘good science’ kaya ipinaalala niya sa publiko na huwag magkumpiyansa at sa halip ay manatiling nakabantay upang hindi mahawahan ng virus.
“It will be based on good science naman po parati ang pinag-aaralan ng ating gobyerno. Kaya po nakikiusap ako sa ating mga kababayan, kung ayaw n’yong mag-ECQ (enhanced community quarantine), disiplina po at kooperasyon ang kailangan,” sani ni Go matapos pangunahan ang pagbubukas ng ika-115 at 116 na Malasakit Center sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital at Jose Reyes Memorial Medical Center na kapwa nasa Sta. Cruz, Maynila.
“Sumunod tayo sa paalala ng gobyerno. Mask all the time, social distancing, face shield, hugas ng kamay at kung ‘di naman po kailangan, ‘wag muna umalis ng pamamahay habang nandiyan pa ang COVID-19 dahil delikado pa ang panahon,” ani Go.
Siniguro ni Go na ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at mga eksperto ay masusing nirerebyu ang paglalabas ng restrictions para mabalanse ang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga Filipino na labis na naaapektuhan ng mga ipinatutupad na patakaran.
“Pinag-aaralan po ‘yan ng IATF. Pinag-aaralan ng experts ‘yan. Binabalanse naman po ang lahat, so, trabaho po nila ‘yan na pag-aralan. Binabalanse po nila ang lahat, economy and health,” ayon sa senador.
Sinabi ni Go na bilang Health committee chair ay uunahin niya ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino dahi ang buhay aniya ay hindi na maibabalik.
“Itong GCQ, ECQ, MECQ, pabalik-balik na lang ‘yan…Pero ‘pag merong namamatay ay hindi nababalik kaya unahin natin ang buhay ng bawat Pilipino,” idinagdag ng mambabatas.
Kaugnay naman ng mga report na may mga indibidwal na nagsasagawa ng self-swab tests, ipinayo ni Go na itigil na ito at ipaubaya sa health experts.
“Kung ano po ang sinabi ng ating mga health experts, ‘yun po ang ating paniniwalaan at sundin dahil mahirap naman pong magself-swabbing tayo, ‘di natin alam kung ano ang magiging resulta, kung magiging accurate ba.”
“Mahabang proseso po ‘yan, lahat po ng swabber ay dumadaan sa training at hindi po basta basta ang trabaho na ‘yan,” paliwanag ni Go. (PFT Team)
The post Bong Go: Kung ayaw mag-ECQ, maging disiplinado appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: