Facebook

Bong Go: Mag-ingat sa vaccines for sale scheme; local leaders binalaan

BINALAAN ni Senator Christopher Bong Go ang mga local leader na kumukunsinti sa kanilang constituents sa paglabag sa health protocols laban sa COVID-19 upang hindi sila maparusahan kasabay ng pagpapaalala sa publiko na mag-ingat sa mga nag-aalok ng vacine slots kapalit ng salapi.

Sa ambush interview matapos pangunahan ang pagbubukas ng 114th Malasakit Center sa Batangas Medical Center sa Batangas City, sinabi ni Go na malaki ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa local leaders na istriktong naipatutupad ang health protocols sa kani-kanilang hurisdiksyon bilang bahagi ng responsibilidad ng barangay officials.

“Kayo po ang nasa baba, kayo po ang nakakaalam sa mga kapitbahay ninyo kung sino po ang nag-iinuman, sino ang nagpa-party, ibig sabihin sitahin niyo po at ‘wag n’yo payagan sa inyong lugar dahil ‘pag tumaas ang kaso kulong po kayo,” sabi ni Go.

“Sino ba naman ang aasahan ng ating Pangulo kung hindi kayo po, ‘yung persons in authority. Kayo po ang mayroong otoridad na manghuli diyan sa inyong lugar … kayo po ang mananagot kung ‘di niyo ipapatupad ang batas sa inyong lugar,” anang senador.

Ginawa ni Go ang pahayag na ito dahil sa report na maraming barangay officials ang sinasabing bigong iimplementa ang health protocols sa kanilang mga nasasakupan, gaya ng pagpayag sa mga mass gatherings at iba pang okasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang Talk to the Nation noong Miyerkoles, nagbabala rin si Pangulong Duterte sa mga barangay official na inutil sa mga nangyayaring mass gatherings sa kanilang erya.

“Hindi naman talaga krimen na may ginawa kayo but most of you are committing a crime kasi alam ninyo na after a gathering, after swimming together, a lot you will get positive na for COVID-19,” ayon kay Duterte.

“Binabalewala ninyo ang pakiusap ng gobyerno, and it’s criminal for you to get the COVID and pass it on to another innocent person. It is really a crime. Ipakulong ko kayo. I will look for a suitable law because you are now forcing my hand to get into this thing and control it,” dagdag ng Pangulo.

Tiwala pa rin sa barangay leaders, iginiit ni Go sa mga ito na sundin ang kautusan ng Pangulo sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng health guidelines.

“Ako naman po, malaki ang tiwala ko sa mga barangay captains. Sa mga kapitan, pakiusap naman po ‘yung kay Pangulong Duterte na ipatupad n’yo po ang batas sa inyong mga lugar,” ani Go.

Nagbabala rin si Go sa mga indibidwal na nagbebenta ng COVID-19 vaccines at iligal na nag-aalok ng vaccination slots kapalit ng pera dahil may kalalagyan sila kapag naaresto.

Ipinaalala ni Go sa mga Filipino na ang pagbabakuna ay isinasagawa o ibinibigay nang libre ng gobyerno.

“Bawal ‘yan. Bawal po ‘yang nagbebenta. Pwede po kayong kasuhan at pwede kayong makulong d’yan at ‘wag kayo maniwala kapag nagbebenta ng bakuna. Peke ‘yan, ‘di yan totoo,” sabi ni Go.

“Malay n’yo isasaksak sa inyo peke. ‘Wag kayo magpapaloko at sa mga nanloloko po, ingat kayo baka kapag umabot ang karma sa inyo, ibabakuna sa inyo ang mga anti-rabies kaya ‘wag n’yo po pagsamantalahan ang pagkakataong ito dahil naghihirap ang Pilipino,” ang babala ng senador. (PFT Team)

The post Bong Go: Mag-ingat sa vaccines for sale scheme; local leaders binalaan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Mag-ingat sa vaccines for sale scheme; local leaders binalaan Bong Go: Mag-ingat sa vaccines for sale scheme; local leaders binalaan Reviewed by misfitgympal on Mayo 28, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.