ODIONGAN, ROMBLON — ENERO pa lamang, nagdesisyon na si Bise Presidente Leni Robredo na hindi tatakbo bilang pangulo sa 2022. Wala siyang salapi na itutustos sa magastos na halalan. Wala siyang malaking organisasyon na itatapat sa sindikato ng Davao City. Hindi siya sigurado sa katapatan ng mga kasama sa pulitika. Alam niya ang kanyang limitasyon sa tungkulin.
Mas gusto niya na tumakbo bilang gobernador ng Camarines Sur. Mas nais niyang magiba ang political dynasty ng mga Villlafuerte sa kanyang lalawigan. Hindi umuunlad ang Camarines Sur sapagkat hindi maayos ang liderato ng mga Villafuerte. Alam niya ang gagawin kung siya ang magiging timon ng lalawigan.
Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga kapanalig ang kanyang desisyon. Marami ang umasa na siya ang ilalaban ng oposisyon sa 2022. Sapagkat siya ang pangalawang pangulo, natural na ambisyunin niya ang pinakamataas na puwesto sa bansa. Ngunit hindi ganoon kaambisyosa si Leni. Hindi siya kakagat sa hindi niya kaya na nguyain.
Mabuti nandiyan si Sonny Trillanes. Siya ang magdadala ng bandila ng oposisyon sa 2022. Mandirigma si Sonny Trillanes. Matapang at buo ang loob. Hindi umuurong sa laban. Siya ang pangkontra sa naghaharing sindikato ng Davao City. Maraming maka-Leni ang sasama ang loob ngunit hindi masamang pamalit si Sonny Trillanes.
Maigi na si Sonny Trillanes ang kandidato ng oposisyon imbes na ang mga kaparis ni Manny Pacquiao, Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Bebot Alvarez, at Ping Lacson ang umangkin at magpanggap na kandidato ng oposisyon. Hindi sila oposisyon at, ayon sa isang kaibigan, “pumoposisyon lang.” Walang mandirigma kahit isa sa kanila. Oportunista, yes.
***
MARAMING umaway sa amin na panatikong tagasunod ni Leni Robredo. Pawang mga abusado at abusada at ang tingin sa sarili, sila ang tama. Marunong kami na manindigan at magtimpi. Ayaw nilang maniwala na hindi tatakbo si Leni. Pero iyan ang totoo. Hindi handa si Leni na pumalaot sa panguluhan.
Sagad sa buto ang kanilang labis na panatisismo. Hindi sila malayo sa maiingay pero walang kautak-utak na tagasunod ni Rodrigo Duterte. Teka nga pala, sila ang mga tagasunod na tinawag ni Rodrigo Duterte na “istupido” dahil naniwala sila sa kanyang mga biro noong kampanya ng 2016. Istupido rin ba ang mga panatikong maka-Leni?
May basehan ang ganitong pananaw. Marami ang nagpipilit na Leni pa rin. Walang problema diyan ngunit hindi desidido si Leni na tumakbo. Pero malinaw ang pahayag ni Sonny Trillanes na nakahanda siyang umurong kung magdesisyon si Leni Robredo na tumakbo sa halalang pampanguluhan. Hindi niya hangad na mahati ang boto ng puwersang demokratiko sa 2022. Hindi niya ambisyon ang maging isang Grace Poe.
Kahit ang pinipitagang Joe America ay nainis sa ingay ng mga nakakatureteng maka-Leni. Ani Joe America sa isang tweet: “So Sonny Trillanes asks the Carpio coalition to include him on their list as a principle candidate for President, with his understanding that VP Robredo is running for governor of Camarines Sur and purists (my polite term for pro-democracy opposition) criticize him for being over-anxious. I tell you, you purists are the worst team players I’ve ever seen in my life. Bunch of ball hog losers. Read his statement, for godsake, before pissing on him.” Supalpal ang mga panatiko.
***
PARA sa mga panatiko, hindi masamang tinapay si Sonny Trillanes. May magandamng credential si Sonny upang pumalaot sa panguluhan. Hindi pipitsugin at patapon tulad ni Pacquiao, Gordon, Cayetano, at iba pa. Naging senador ng dalawang termino, o 12 taon sa kabuuan (2007-2019). Propesor ngayon sa University of the Philippines at Ateneo University. Manilenyo dahil isinilang at lumaki sa Caloocan City; 50 anyos sa ika-6 ng Agosto.
Habang senador, nag-aral ng dalawang kurso sa Harvard University sa Estados Unidos noong 2014 at 2015. Tinapos ang kanyang master of public administration noong 2014 sa University of the Philippines. Nagtapos sa Philippine Military Academy noong 1995. Napabilang sa pag-aalsa na tinawag na Oakwood Mutiny at nakulong ng pito at kalahating taon kasama ang mga sundalo at ibang opisyales na lumahok sa pag-aaklas.
Mahigit limang taon ang karanasan si Sonny Trillanes sa Philippine Navy. Kasama sa hukbong nanghuli sa mga dayuhan na ilegal na pumasok sa teritoryo ng bansa at nangisda. Kasama siya sa mga nanghuli ng mga dayuhan kasangkot sa smuggling, at ilegal human trafficking.
Lumaya noong huling bahagi ng 2010 at naging isa sa mga mapunyagi at masipag na senador. Pangunahing may-akda o kasamang may-akda ng mga batas na pinakikinabangan ngayon ng maraming mamamayan. Iniakda niya ang AFP Modernization Law, Archipelagic Baselines Law, at ang Increase in Subsistence Allowance for Soldiers and Policemen.
Siya ang may-akda ng Salary Standardization Law 3, Immediate Release of Retirement Benefits of Government Employees, at Magna Carta of the Poor na kinilala ang mga karapatan ng mga mahihirap na magkaroon ng puwang sa lipunan. Iniakda niya ang Institutionalized Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) , Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act, Magna Carta for Persons with Disability, Anti-Bullying Act, at Gun Control Act.
***
NASA kulungan si Sonny Trillanes ng tumakbo bilang senador noon 2007. Pinigilan sa kanyang balak si Sonny Trillanes ng mga kamag-anak, kaibigan, kapanalig at kakilalang malalapit. Wala siyang pera at walang lapian. Nagpilit at nanalo kahit hindi nangampanya dahil nakapiit. Ginamit ang social media na nag-uumpisa maging tatak ng lipunan. Katulong niya ang network ng mga sundalo at kanilang pamilya sa unang bulusok niya sa pulitika.
Kumuha siya ng mahigit 11 milyon na boto at tinalo ang mga pulitiko tulad nina Ralph Recto, Mike Defensor, Tito Sotto, at Prospero Pichay. Muling nahalal noong 2013 at ibinoto ng mahigit 14 milyon si Sonny Trillanes; tinalo ang beterano na sina Migs Zubiri, Dick Gordon, at Jun Magsaysay. Tumakbo bilang pangalawang pangulo noong 2016 at bagaman natalo, tumingkad sa alaala ng mga mamamayan ang posibilidad na tatakbo siya sa panguluhan.
***
MAY ilang tagpo sa Senado na kinakitaan ng tapang si Sonny Trillanes. Nang minsan batikusin ni Joker Arroyo dahil sa gastos ng kanyang opisina, ipinamukha ni Sonny Trillanes sa kanya na hindi siya nagpagamit at nag-abugado kay GMA. Tumigil si Joker.
Minsan hinarap niya si Angelo Reyes sa isang public hearing sa Senado. Naging mainit ang palitan ng mga pangungusap sa harap ng madla. Ilang linggo ang nakalipas, nagpakamatay si Angelo Reyes sa harap ng puntod ng kanyang ina at isinisi sa kanya. Nagkibit-balikat lamang si Sonny Trillanes sa mga akusasyon.
Dalawa sana sila ni Leila de Lima na tatayo sa pang-aabuso ni Duterte sa poder, ngunit ikinulong si Leila batay sa mga gawa-gawang pahayag ng ilang mga panginoon sa droga. Hinamon si Duterte na ilabas ang kanyang statement of asset and liablities (SALNs) at magbigay ng waiver upang malaman ang galaw ng salapi sa kanyang mga bank account. Hindi magawa ni Duterte sapagkat alam niya na magigisa siya sa sariling mantika.
Minsan naging maselan na tagpo sa Senado ang pagharap ni Paolo Duterte, anak ni Rodrigo, noong 2018. Sa isang public hearing, hiningi ni Trillanes na hbarin ni Paolo ang kanyang damit at ipakita ang kanyang tattoo. Lubhang ikinagulat ito ni Paolo sapagkat sa hinala ni Sonny Trillanes, nandoon sa kanyang tattoo sa likod ang mga marka o code na kasapi siya sa Chinese Triad. Tumanggi si Paolo sapagkat magpapatunay ito na siya ang Andres Escobar ng Filipinas.
Binalak ni Duterte na ikulong si Sonny Trillanes; hindi isa o dalawang beses ngunit pawang nabigo. Palagi siyang nauutakan ng batang Manilenyo sa laro. Nagsabwatan sila ni Solicitor General Jose Calida. Iwinala ang amnesty paper (o ninakaw?) at ipinalabas na wala na siyang amnestiya upang makulong. Ngunit napaghandaan siya ni Sonny Trillanes sapagkat may mga tao si Calida na hindi sa kanya at sinasabi sa kampo ni Trillanes ang mga balak niya.
The post Buo ang loob appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: