HINDI NA MALINAW kung joke din lang ang sinabi ni Duterte noong 2020 na wala na tayong pera. “Wala na tayong pera. Hindi tayo mayaman,” diin niya noon para ipahiwatig na hindi na natin kaya ang panibagong lockdown dahil wala nang pera para sa ayuda.
Una kasi ay binanggit niya rin na wala tayong problema sa pera. “Alam mo sa totoo lang, itong gobyernong ‘to, may pera tayo. Ayaw lang sabihin ni Secretary Dominguez kung magkano. Pero kung sabi mo lang pera kasing haba ng runway nito, meron tayo. May pera tayo.”
Ano ba talaga ang totoo mang Kanor, tanong ng mga tao. Puro ka joke.
Huwag nang hintayin ang sagot at hindi naman na niya maalala ang kanyang mga sinabi. Isipin na lang natin na may pera. Saka na magduda na wala, dahil kung babasahin ang mga balita, may pera pa at trilyones na ang nautang ni Digong. Sa pinakahuling ulat ay umabot na ito sa P10.7 trilyon nitong Marso.
So, may pera! Ang utang ay pera, kahit na hindi magandang polisiya ang pangungutang dahil sinasalo lamang ng mamamayan at ng susunod na mga henerasyon ang epekto nito sa ekonomiya at sa social services.
Bukod sa utang ay meron pang taxes. Ito ang regular na pinagkukunan ng pondo ng bansa. Sa ulat ng BIR at Customs ay nakakolekta ang mga ito ng P2.43 trilyon noong 2020 kahit na may pandemya. Kapos lang ito ng P825B mula sa orihinal na target na P3.255 trilyon.
Ngunit siyempre ang pera ay nauubos habang ginagastos. Maliban na lamang kung ito ay ginagamit na investment o kapital para tumubo. Pero hindi naman na nagnenegosyo ang gubyerno. Ang alam nito ngayon ay gumastos o magwaldas ng pera ng bayan. Hanggang sa maubos. Sa katunayan, ang mga dating GOCC o mga korporasyon na pag-aari ng gubyerno ay naisapribado na, at ang mga nakabili ng mga ito ang sila nang kumikita ng bilyones sa nakalipas na dalawang dekada.
Katulad nina Ramon Ang ng San Miguel na nasiyang nakabili ng Petron, mga planta ng Napocor, at maging mga highway; Manny Pangilinan ng PLDT, Maynilad, at NLEX; Ricky Razon ng NGCP na ibinenta rin naman kay Henry Sy; Ayala ng Manila Water; Lucio Tan ng PAL; Aboitiz na nakakuha ng ating mga hydropower plants; at ang mga Lopez na nakabili sa PNOC-EDC. Ang pagyaman nila sa mga negosyong ito ay patunay na hindi lugi ang magnegosyo sa mga batayang serbisyo na dating hawak ng gubyerno.
Isama na rin natin dito si Manny Villar na tumatabo ng bilyones sa low-cost housing dahil hanggang P4 bilyong na lamang ang kayang ilaan ng gubyerno sa programang pabahay na may 6.5 milyong yunit na backlog hanggang ngayon. Wala raw kasing pondo na siyang kadalasang sagot sa mga hinaing ng mahihirap.
Ang mga nabanggit na pangalan ay kabilang sa pinakamamayamang Pilipino sa listahan ng mga bilyonaryo ng Forbes Magazine. Ang pinagsamang yaman ng 17 lamang sa mga ito ay hindi bababa sa P2.2 trilyon o halos kalahati na ng P4.5 trilyong badyet ng bansa ngayong 2021. Sila ang mga negosyanteng kahit may pandemya ay patuloy ang pagyaman. Sila ang tinagurian ni Duterte noon na mga oligarko na gusto niyang singilin.
Sa kanilang mga oligarko maaring kunin ang dagdag na pondo ng bayan sa pamamagitan ng wealth tax. Sa kalkulasyon sa Nagkaisa Labor Coalition ay hindi bababa sa P200 bilyon hanggang P1 trilyon ang maaring malikom ng gubyerno mula sa wealth tax kung papatawan ng 1% pataas ang yaman nila, katulad ng iminungkahi ng ilang grupo at ekonomista.
Maghihirap ba sila kapag pinatawan ng wealth tax? Hindi. Mananatili pa rin silang bilyonaryo. Malulutas ba ang kagutuman kapag may wealth tax? Lagpas pa riyan. Kung ganoon ay oras na para sa wealth tax!
Ang nautang at kinita ng gubyerno noong nakaraang taon ay kulang para labanan ang pandemya at ibangon ang naghihingalong ekonomiya ng bansa. Kapos at paltos lalo ito kung mali ang paggamit katulad sa mga bagay na hindi prayoridad.
Paano kung hindi na lang joke kundi pondo na ang tuluyang maubos kay Digong? May mauutang pa mula sa iba? May maisasangla pa bang isla? May mapipiga pa bang buwis lalo na at ipatutupad na ang reduction ng corporate income tax sa ilalim na CREATE law? Mapapatawan pa ba ng bagong buwis ang masa? May mag-iisip pa ba ng pondo para sa bayan o sa pondo na sa kampanya abala ang mga honorable?
Sa susunod ay magkwentuhan at magkwentahan na tayo ng wealth tax. ###
The post Wealth tax na! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: