TAMA si dating Defense Sec. Gilbert ‘Gibo’ Teodoro na sabihing walang magiging pakinabang sa bansa kung magdebate sina Presidente Rodrigo Roa Duterte at dating SC Associate Justice Antonio Carpio tungkol sa West Philippine Sea (South China Sea).
Maitatampok lang sa buong mundo kung gaano kalalim ang pagkakawatak-watak natin na sa pananalasa ng pandemyang COVID-19, dapat nga ay unahin muna ang pagkakaisa, saka na ang pagtatalo sa isyu kung atin nga ba ang WPS, na malinaw naman sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ay walang sinabi kung sa China o sa Pilipinas ang katubigang iyon.
Sinabi lang ng PCA na walang basehan sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang ‘nine-dash line’ na basehan ng China.
Iyon lang at sabihin man na “atin” nga ang WPS, e sino o anong pwersa o utos na magpapalayas sa China sa okupado nitong Scarborough Shoal at iba pang bahura.
Tayo lang naman ang nag-iingay sa ‘disputed islands’ pero tahimik lang ang Vietnam at Taiwan na okupado na rin ang ilang bahura sa WPS.
Bakit nga naman China lang ang ating kinakalampag sa paratang na ‘invasion’ sa ating teritoryo, pero wala tayong kibo sa pananakop din sa WPS ng Vietnam at Taiwan?
Kung sobrang ingay nina Carpio at mga katropa laban sa ‘pananakop’ ng China, pipi at bulag sila sa lantarang pagsakop at pag-agaw ng Malaysia sa totoong ating teritoryo – ang Sabah.
Bakit nga ba ang tahimik nyo, Carpio and company sa isyu ng Sabah na talagang atin noon pa man at hanggang ngayon!
Kasi, isyung pang-eleksiyon ang WPS, pero hindi ang muling pagbawi natin sa Sabah!
***
Dalawang aminadong galing sa hirap na sikat ngayon ang lutang na lutang na ambisyong maging Pangulo sa 2022; sila ay si 8-division world champion in hitory, Senator Emmanuel ‘Manny Pacman’ Pacquiao at basurero-matinee idol ngayon ay Manila Mayor Francisco Moreno Domagoso, mas kilalang si Yorme Isko Moreno.
Napapaligiran si Pacman ngayon ng santambak na PR at political operators, pinaputukan niya si Tatay Digong ng patutsadang nahihinaan at nakukulangan siya ginagawang aksiyon ni Duterte sa isyu ng WPS.
Sinabihan ni Pacman ang China na lumayas sa WPS at tigilan ang pambabraso sa atin: ano ito, boxing at ang hindi kaya ng US ay kaya niyang gawin?
Ok lang na pakiusapan niya si US Pres. Joe Biden na baka pwedeng mabigyan tayo ng bakunang Pfizer o Moderna, pero ang makialam sa Pangulo sa foreign policy ng bansa, sobrang epal na iyan.
Tulad ni Pacman, si Isko ay nasa No. 2 o No. 3 o No. 4 (depende sa survey) sa nangungunang si Davao Mayor Inday Sara Duterte-Carpio.
Kung si Pacquiao ay panay ang pa-epal e iba naman itong si Yorme Kois na walang kapaguran sa pagtatrabaho na ginagawang gabi ang araw at araw ang gabi maihatid lang lahat ng serbisyo publiko partikular ang mga ayuda at mabilisang pagpapabakuna sa lungsod ng Maynila.
Tunay na kay Yorme Isko: Manila, God first!
***
Sa kabila ng maraming pagsawsaw sa isyung bayan, kasinglambot ng lugar ang ambisyon ni VP Leni Robredo kaya balitang tatakbo siya para gobernador ng Camarines Sur o pagka-mayor ng Naga City, pero ang pagiging kulelat niya sa presidential survey ay mas magiging pabigat para maitumba ang mga kalabang politiko sa Bicol.
May nagluluto ng tandem nina Sen. Ping Lacson at Sen. Pres. Tito Sotto; gayundin si Sen. Dick Gordon na tulad ni Ping at ni dating VP Jojo Binay ay sumubok pero natalo sa pagtakbo sa panguluhan.
Wala pang nangyari sa politikang Pinoy na ang natalong kandidato sa panguluhan ay nanalo sa ikalawang pagkakataon.
Kahit natalo sa protesta niya sa panalo ni VP Leni, maningning ang bituin ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na pwedeng katiket ni Mayor Sara bilang VP kung mabubulilyaso ang pang-uudyok ni Presidential Legal Adviser Sal Panelo na patakbuhing VP si Tatay Duterte.
Biruan nga, kung tumakbong VP si Tatay Digong kay Sara, e panigurado raw na sa inodoro ang bagsak ng lalaban sa mag-ama.
Pero mas marami ang nagsusulong ng tiket na Sara-Bongbong o Bongbong-Sara na sure winner na.
Ano-ano pa ang ibang posibilidad: Isko-Pacman o Pacman-Isko tandem; o former Speaker Alan Peter Cayetano, at Sen. Gordon, pero totoo kaya ang bulungang Carpio-VP Leni o VP Leni-Carpio?
E bakit sina ex-Sen. Sen. Sonny Trillanes, Sen. Frank Drilon o Sen. Kiko Pangilinan ay hindi nababanggit sa survey?
Kasi raw, mabanggit lang si NTF-ELCAC Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, naha-highblood na sila at namumula sa galit pag naririnig ang salitang “Stupid.”
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Si Inday Sara, si Bongbong o si Pacman o si Isko, pero asan ka VP Leni? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: