ISANG batikang abogado si Malacañang Spokesperson Herminio “Harry L. Roque, kaya anumang mamutawi sa makapal nitomg nguso ay kinikilala na ring opisyal na pahayag ni Presidente Rodrigo R. Duterte.
Kaya nang ianunsyo ni Sec. Roque noong Mayo 21, 2021 sa kanyang virtual conference sa mga mamamahayag na ang pinag-aagawang Julian Felipe Reef (Whitsun) ay hindi sakop ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas ay para na ding si Pangulong Digong ang nagpahayag nito.
Kung ating lalagumin ang sinabi ni Roque ay tila pagsasayang lamang pala ng panahon at pondo ng ating bansa ang paghahabol sa naturang bahura na may 324 na kilometro o 175 na milya lamang ang layo sa munisipalidad ng Bataraza sa lalawigan ng Palawan.
Ang totoo ay pasok na pasok naman ito sa itinatadhanang 200 milya para sa ekslusibong karapatan at pagmamamay-ari ng Pilipinas sa nasabing bahura batay sa isinasaad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
May layo namang 638.23 na milya ang Julian Felipe Reef sa Isla ng Hainan na sakop ng nakikiagaw na bansang China.
Duda ang mga kritiko na masusing pinag-aaralan ni Roque ang lahat na butas at anggulo para pulidong mairegalo sa China ang mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS kapalit ng di natutupad na pangakong $25 milyon investment ni Xi Jin at milyon pang donasyon na bakuna laban sa COVID 19 virus na sa China din nagmula.
Bilang abogado de campanilla ay alam na alam ni Secretary Roque ang katotohanang noon pang taong 2016 ay kinatigan na ng Permanent Arbitration Commission ng United Nation Conference of the Laws of the Seas, sa Hague Netherland ang Pilipinas sa usaping idenerihe nina Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Foreign Affairs Secretary Alberto Del Rosario kontra China.
Napagtibay ng grupo nina Carpio at Del Rosario ang karapatan ng Pilipinas sa mga isla sa WPS at napawalang bisa ng mga ito ang labag sa batas at kathang isip na “Historic Nine-Dash Line” ng China.
Batay sa desisyon ng tribunal ay walang interes o karapatan ang China sa “exclusive economic zone” ng Pilipinas sa WPS.
May espekulasyon na alam daw ni Digong ang gagawin ni Roque para patabain ang puso ng kanilang among si Xi Jinping? “Ang Julian Felipe Reef, nasa labas at napakalayo. Because you know, [Julian Felipe Reef is] not even part of our EEZ, is it… It’s outside. It’s that far” , ang kumpirmasyon pa ni Roque sa press conference.
“The Philippines has “never been in possession” of the reef, the country “lost” posession of the West Philippine Sea to China, pagdidiin pa ni Roque.
Anak ng tokwa naman, paano natin mabibigyan ng katwiran ang ginawang ito ni Roque?
Milyong Pinoy ang nadismaya, sa halip nga naman na ipagdiinan ni Roque ang karapatan ng ating bansa sa Julian Felipe Reef na bahagi naman ng Kalayaan Group of Islands at nasa looban din ng teritoryo ng Pilipinas, ay nagmistula pang abogado-abogadohan ito ng ating kalabang China.
Isa si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin ang agad na bumatikos kay Roque sa pamamagitan ng tweet message “[betrayal upon betrayal,” patungkol sa ipinahayag ni Roque. If Julian Felipe Reef is not within the Philippines’ EEZ, Locsin asked: “Where is it?” , dagdag pa ni Locsin.
Sabi pa ni Locsin ang DFA lamang at hindi si Roque ang siyang may kasanayan at tamang awtoridad para makapagpahayag hinggil sa naturang isyu.
Tanong naman ni Senador Tito Sotto, ay kung magkano ang ipinasususweldo ng China kay Roque?
Sabi naman ng Presidential timber at Senador Panfilo Lacson na Chair din ng Senate Defense Panel, ang magkakaibang pahayag ng mga kalihim ni Duterte ay makakapagpahina sa foreign policy ng ating bansa.
Ayon naman kay Director Jay Batongbacal ng University of the Philippines Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea , ang pahayag ni Roque ay direkta ding sumasalungat sa opisyal na paninindigan ng Pilipinas hinggil sa Julian Felipe Reef.
Todo tanggi naman agad si Roque na hindi nito pinahihina ang posisyon ng Pilipinas sa Julian Felipe Reef. May halos .7 milyon naman na mangingisdang Pinoy ang nananakawan ng mga Intsik ng kanilang ikinabubuhay sa panghuhuli ng masaganang yamang-dagat ng WPS.
Humigit-kumulang sa Php 1 milyon ang sinasahod ng isang spokesperson ng gobyerno kada taon. Sa tingin nyo mga KASIKRETA kaulat bang pasahudan ng ganitong kalaking halaga ng salapi mula sa buwis ng mga mamamayan si Sec. Roque?
Napisil ni Digong si Roque na makipagdebate kay Carpio kamailan matapos na umurong ito sa debateng una mismong siya ang naghamon. Nakatakda sanang talakayin sa debate sa pagitan nina Duterte at Carpio kung sino ang may pagkukulang at nakamkam ng mga Intsik ang malaking bahagi ng West Philippine Sea. Hindi naman pinatulan ni Carpio ang substitute na si Roque.
Save by the bell si Digong, kung ganito lamang pala ang mentalidad ni Roque, tiyak na ilalampaso ito ni Carpio sa debate. Lalo lamang mababaon sa kahihiyan ang Administrasyong Duterte sa posible pang magagawa nitong kapalpakan?
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Malakanyang, palpak! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: