NAMAMAYAGPAG pa rin ang mga pekeng social media accounts.
Karamihan sa mga target nila ay mga sikat na tao.
Siyempre, kasama na riyan ang mga opisyal ng gobyerno.
Alam n’yo ba na pati si Labor Secretary Silvestre Bello III ay nabiktima ng mga kriminal?
Labis nga ang pagkadismaya ni Bello nang malaman na ginagamit daw ng mga mapanlinlang na tao ang kanyang pangalan.
Sa pamamagitan daw ng isang pekeng social media account, sinusubukang mangalap ng pondo ng mga cybercriminals para raw suportahan ang community pantry ni Bello.
Kaya naman humiling na ng tulong ang kalihim sa National Bureau of Investigation (NBI) para kilalanin at arestuhin ang mga taong sangkot sa pekeng Facebook account upang makalikom ng pondo para raw gamitin ng kalihim sa eleksiyon sa susunod na taon.
“Nakalulungkot na may mga taong gumagamit ng mga mapanlokong pamamaraan upang sirain ang aking pangalan para sa pansariling kapakanan. At dobleng lungkot ang nararamdaman ko dahil kinakailangan pa nilang magsinungaling at manloko upang makapambiktima ngayong panahon pa naman ng krisis,” galit na sabi ni Bello.
Sinasabing ang pekeng FB account ay may pangalang “Silvestre H. Bello III” kung saan may kalakip din itong larawan ng kalihim at ilang opisyal, pati na ang ilang personal na detalye nito.
Bukod pa rito, kasama rin sa nasabing pekeng account ang isang background photo ng tarpaulin ng TUPAD, isang pangunahing programa ng Department of Labor and Employment (DOLE), kuha sa ginanap na pamimigay ng tulong sa Tarlac, kasama si Gov. Susan Yap.
Tandaan na sa kasalukuyan ay may ginagamit namang official FB account ang Labor Chief na sinimulan niya noon pang taong 2010.
Well, kung balak mang tumakbo ni Bello sa 2022 senatorial elections, tiyak namang hindi niya magagawang manloko upang makakalap ng pondo sa social media para sa kanyang kandidatura.
Kung susuriin din namang mabuti, aba’y very qualified naman si Bello.
Kapag nagkataon, madaragdagan ang mga matatalinong miyembro ng Batasang Pambansa kapag siya ay nanalo.
Si Bello ay dating Isabela Governor, Solicitor General, Secretary of Justice, chairman ng Government Negotiating Panel sa inilatag na Peace Talks sa CPP-NPA, CEO ng PNOC Development Corp., General Manager/CEO ng Philippine Retirement Authority, at Presidential Adviser for New Government Center.
Ang mga nasabing puwesto ay hinawakan ni Bello bago siya naging Labor Secretary.
Kaya naman, sa palagay ko, hinog na hinog na siya upang maging senador.
Madadala at magagamit ni Bello sa Senado ang malawak niyang karanasan sa serbisyo publiko.
Mabuhay po kayo at God bless, Labor Sec. Bebot Bello!
* * *
PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post DOLE SEC. BEBOT BELLO NABIKTIMA NG PEKENG FACEBOOK ACCOUNT! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: