NATATANDAAN nyo pa ba ang babaeng motorista na ang video ay nag-viral dahil sa ginawa niyang pananakit sa isang traffic enforcer na nanghuli sa kanya dahil sa red light violation sa Maynila noong Huwebes?
Ibinunyag ni Manila Mayor Isko Moreno na ang babaeng motorista na nanakit ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) enforcer ay isang drug courier base sa imbestigasyong isinagawa at sa ebidensyang nakuha sa kanya. Kasama ring nadakma ang tatlong lalaking kasabwat ng suspek matapos na tangkain ng mga ito na kunin ang droga sa kanya habang siya ay nasa kustodya ng pulis.
Pinuri ni Moreno sina Manila Police District (MPD) chief Gen. Leo Francisco, MPD’s drug enforcement unit at special mayor’s reaction team (SMART) chief Lt. Col. Jhun Ibay dahil sa pagkakaaresto sa tatlong kasabwat ng babaeng motorista na nauna ng kinasuhan ng direct assault at driving without license.
Ayon kay Moreno, maliban sa mga suspek na sina Rendor Sanchez, 30; Jason dela Cruz, 29, at Marlon de Guzman, 29, lahat pawang mga taga-Calamba, Laguna, ang babaeng motorista na si Pauline Mae Altamirano alias Maria Hola Sy, 26, model, at naninirahan sa Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City, ay kinasuhan ng violation of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act matapos makuhanan ng medium-sized plastic at apat na sachets na naglalaman ng shabu sa kanyang bag , nang hilingin ng mga awtoridad na ipakita ang laman ng kanyang bag.
Ayon kay Altamirano ay nakuha nya ang droga sa isang Chinese national na itinago ang pagkakakilanlan bunga ng nakatakdang follow-up operation.
Sa kanyang ulat sa alkalde, sinabi ni Ibay na dakong 3:45 p.m. noong Biyernes, matapos maaresto si Altamirano, ang mga suspek ay nakikipagpalitan ng text messages sa kanya na nakikipagtulungan na sa mga awtoridad at nagmamatyag sa kanilang pag-uusap.
Ayon pa kay Ibay, ay tinanong ng mga suspek kay Altamirano kung nakita na ng mga pulis ang mga droga na dala niya at kung anong oras siya pakakawalan. Sinabi ni Altamirano na kunin sa kanya ni Sanchez ang bag.
Nang dumating si Sanchez ay agad na ibinigay ni Altamirano sa kanya ang bag na naglalaman ng shabu at dito na inaresto si Sanchez.
Sinabi pa ni Ibay na agad din sinabi Sanchez sa mga pulis na may dalawa pa siyang kasamahan na naghihintay sa kanya sa van na naka-park sa tabi ng Universidad de Manila. Ang dalawa ay nakuhanan din ng shabu nang arestuhin.
Dahil dito ay agad na inalerto ni Ibay ang alkalde kaugnay ng nagaganap na hulihan at personal na nagtungo sa lugar kung saan pinagalitan ang mga suspek.
“Welcome kayo sa Maynila. Hoyo kayo lahat! Talagang sa Maynila pa kayo gumawa niyan ha,” pahayag ng galit na alkalde sa tatlo.
Binati ni Moreno si Ibay at Francisco dahil sa magandang trabaho nito at inatasan si Ibay na agad na sampahan ng kaukulang kaso ang apat na suspek.
Matatandaan na naunang nahuli si Altamirano ng MTPB traffic enforcers Marcos Anzures, Jr. at Rowell Echalar dahil sa beating the red light sa Osmena Highway malapit sa panulukan ng San Andres ,Malate habang sakay ng white Toyota Fortuner na may plakang No. NAX-2723. Dahil walang maipakitang driver’s license ay bumaba si Altamirano ng sasakyan at sinampal, sinuntok at kwinelyuhan si Anzures na hindi naman kumibo sa kabila ng pananakit ng babaeng motorista.
Dahil dito ay humingi ng tulong kay Ibay ang enforcers at hinila ang sasakyan niya patungong City Hall. Nang nasa City Hall na ay kinumbinsi ng isang babaeng pulis si Altamirano na lumabas na ng sasakyan matapos na magkulong dito at tumangging makipag-usap sa mga pulis. (ANDI GARCIA)
The post Lady motorist na nanakit ng enforcer, drug courier pala — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: