Facebook

DOTr at LTFRB, usad-pagong sa ayuda sa mga tsuper

BUKAS Hunyo dos na.

Sa Hunyo 30 ay ang huling araw ng pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan para mga tsuper at iba pang bahagi ng pampublikong sektor.

Sa datos na isinapubliko ni Senadora Mary Grace Poe, P461.8 milyon pa lamang ang naipamamahagi sa mga benepisaryo ng ayuda mula sa P5.58 bilyong pampinansiyang tulong ng administrasyong Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Wala pang isang bilyon mula sa mahigit limang bilyon!

Ang P5.58 bilyon ay siyang inilagay ng mga mambabatas bilang tulong pinansiyal sa mga driver ng lahat ng pampublikong sasakyan.

Kasama riyan ang iba pang parte ng nasabing sektor tulad ng mga konduktor sa bus at modernong dyip.

Tinawag na “service contracting program” ang ayuda na kasama sa Bayanihan to Act as One, o Bayanihan Act 2.

Noong Setyembre, 2020 pa nagsimula ang implemintasyon ng P5.58 bilyong ayuda.

Ang inatasan ng ikalawang batas tungkol sa Bayanihan na magpatupad at mamahagi sa mga benepisaryo ay ang Department of Transportation and Communication (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Ang pinuno ng DOTr ay si Secretary Arthur Tugade, samantalang ang hepe naman ng LTFRB ay si Atty. Martin Delgra III.

Binatikos ni Poe ang usad – pagong na pamamahagi ng DOTr at LTFRB sa service contracting program ng pamahalaan.

Ganito ang sabi ng mambabatas: “The rollout of the service contracting program is happening at a sluggish pace that denies our public utility vehicle (PUV) drivers and transport sector workers a decent income amid the pandemic”.

Ano kaya ang paliwanag nina Tugade at Delgra sa napansin ni Poe na kakuparan ng DOTr at LTFRB sa distribyusyon ng ayuda para sa mga tsuper at konduktor ng mga pampublikong sasakyan?

Ginoong Tugade at Ginoong Delgra, birahin n’yo nang todo si Senadora Mary Grace Poe kung mali at sinungaling siya sa kanyang napansin hinggil sa makupad na pagkilos ng DOTr at LTFRB tungkol sa service contracting program.

Kung naipahagi na ang P5.58 bilyon, o kahit kalahati nito, si Poe naman ang akusahan ninyo ng usad – pagong!

Pokaragat na ‘yan!

Ang ayuda ng pamahalaan ay mahalaga, sapagkat alam naman ng mga opisyal ng pamahalaan, partikular ang pamunuan ng DOTr a LTFRB ang delubyong sinapit ng buhay ng mga tsuper mula nang patigilin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng pampublikong sektor dulot ng matinding atake ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).

Kaya, natural lamang na bilisan ang proseso ng pamamahagi ng ayuda.

Mabuti pa sila Tugade at Delgra, masarap ang buhay dahil malaki ang sahod nila.

Mabuti pa sila, hindi ipinatigil ni Duterte ang trabaho.

Kaya, patuloy silang sumahod kahit nananalasa ang acovid – 19.

Kumita ba ‘yung mga driver, ‘yung mga konduktor at iba pa sa sektor ng pampublikong sasakyan mula noong Marso 2020 hanggang kasalukuyan?

Siyempre, hindi.

Kaya, napakalayo ng magarang buhay nina tugade at Delgra sa mga tsuper at konduktor.

Totoong mayroon nang bumabiyahe mga dyip, taksi at iba pa ngayong panahon ay kailan lang naman sila nagsimula.

Pero, hindi ito batayan upang patuloy na maging usad – pagong ang DOTr at LTFRB sa kanilang trabaho, tungkulin at obligasyon sa pampublikong sektor.

Mayroong pera. Nakahanda na ang pera mula noong Setyembre 2020 pa.

Ang dapat gawin ay bilisan ang pamamahagi ng pera sa mga tsuper, konduktor at iba pa.

Tandaan nina Tugade at Delgran mahalaga ang mabilis na serbisyo sa publiko sa lahat ng oras, araw at panahon.

Mungkahi ko sa liderato ng DOTr, sa pangunguna ni Ginoong Arthur Tugade, at LTFRB, sa pangunguna naman ni Ginoong Martin Delgra III, ay dagdagan ang kanilang sipag at kung kulang pa ito, mangutang sila ng malasakit sa ibang opisyal ng pamahalaan na napakalawak ng malasakit sa mahihirap na tao.

The post DOTr at LTFRB, usad-pagong sa ayuda sa mga tsuper appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DOTr at LTFRB, usad-pagong sa ayuda sa mga tsuper DOTr at LTFRB, usad-pagong sa ayuda sa mga tsuper Reviewed by misfitgympal on Mayo 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.