MATAPOS ang matagal-tagal na paghihintay ay muling nakatanggap ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng bakuna at agad na nagsagawa ng pagbabakuna para sa mga senior citizens nitong Huwebes (Mayo 13) at sa kabila na isang pista opisyal ang araw ay nagbukas ang 18 vaccination sites kung saan ang oras na pagbabakuna ay pinahaba ng 14-oras mula 6 a.m. hanggang 8 p.m.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nakipag-usap siya kina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, Office of Senior Citizens chief Marjun Isidro, Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje at City Engineer Armand Andres upang tumulong sakaling dagsain ng mga senior citizens ang pila para sa kanilang first dose ng Astra Zeneca vaccine.
Humingi rin ng tulong ang alkalde kay Lacuna na pakilusin ang mga city councilors para tumulong dahil nakalatag ang vaccination sites sa anim na distrito ng Maynila.
Sinabi ni Moreno na ang mabilis at pinahabang vaccination hours ng first dose ng Astra Zeneca para sa mga senior citizens ay bahagi ng kanyang pangako sa mamamayan ng Maynila na agad na ibibigay sa taumbayan ang bakuna sakaling lumapag ito sa lungsod, kahit pa nga dineklarang pista opisyal ang Mayo 13 bilang paggunita sa Eid’l Fitr na hudyat ng pagtatapos ng buwan ng Ramadan.
Nagpasalamat si Moreno kay President Rodrigo Duterte, vaccine czar Carlito Galvez, Jr. at Health Secretary Francisco Duque III, na nagsabing natanggap niya ang vaccine allotment ng lungsod bago maghatinggabi ng Martes.
Agad na ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ang 210 na first doses ng Pfizer sa mga nurses, doctors at iba pang medical frontliners gaya ng sinasaad sa batas na unahin ang mga nabanggit sa ilalim ng A1 category.
Ipinaliwanag ng alkalde na 210 doses lang muna ang inilatag sa Sta. Ana Hospital sa ilalim ni director, Dr. Grace Padilla, mula sa 3,500 na mga recipients nito dahil sa maselan ang paghawak ng Pfizer.
“Kagaya ng Gamaleya (Sputnik V), mahirap po ang handling ng Pfizer kaya gusto namin hospital setting… kung saan ang limang director ng limang ospital ay manonod magbabantay titignan at aaralin ang aktuwal na deployment upang matuto rin sila nang sa ganoon ma-deploy natin sa anim na osptal ang Pfizer na merong kaunting karagdagang pag-iingat sa pag-manage ng bakuna dahil hangga’t maari, ayokong may masayang kahit isang bakuna,” paliwanag ni Moreno.
Tiniyak naman ni Moreno na, ang mga hindi nakasama sa cut-off ay maaring bumalik sa Biyernes para sa kanilang libreng bakuna.
Ang mga maaaring bakunahan ay ang mga medical at health frontliners mula sa six city-run hospitals, kawani ng MHD at frontliners mula sa national at private hospitals sa loob ng Maynila.
“Me special request ako sa vaccinators, encoders at mga kasama sa deployment ng vaccines. Gawin nating espesyal kasi sayang ang oras. Hihingi lang ako ng konting sakripisyo paglingkuran natin sina lolo at lola, nanay at tatay para naman mapanatag ang buhay nila at mabakunahan sa lalong madaling panahon. Nakikisuyo ako, pagpasensiyahan nyo na ‘ko, tiyagain na natin,” sabi ni Moreno.
Ang pamahalaang lungsod ay nagbigay na rin nitong Huwebes ng second dose para sa medical frontliners, senior citizens at mga indibidwal na may comorbidities na nasa edad 18 hanggang 59 na nakatanggap ng kanilang first dose ng Astra Zeneca noong March 16 at 18. Ang 1,120 doses ay ibinigay sa Ospital ng Maynila. (ANDI GARCIA)
The post Kahit holiday, tuloy ang 14-oras na pagbabakuna sa Maynila — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: