
“KUNG kayo ay makakaramdam ng lubak sa hinaharap, pagpasensiyahan n’yo na po.”
Ito ang mga kataga ni Manila Mayor Isko Moreno na humihingi ng pasensya sa lahat ng taga-Maynila at maging sa dumadaan sa lungsod para sa araw-araw nilang gawain, dahil aniya patuloy na binibigyang halaga ng pamahalaang lungsod ang mga pangangailangan ng mga residente ng kabisera ng bansa sa kasagsagan ng pandemya.
“Wag n’yo sana ko bigyan post na lubak-lubak ang kalye.., pagpapasensiyahan n’yo ko ha, talagang makakaapekto ang ginawa natin sa kalsada,” sabi ni Moreno.
“Baka makaramdam kayo ng lubak bigla-bigla maalala ninyo ang pangalan ko… langya naman ‘tong si yorme, di man lang ayusin ‘tong kalsadang lubak. Diyos ko po. Hindi pa nangyayari, ako na po ang nahingi ng paumanhin,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon kay Moreno ay mas pinili niyang isantabi muna ang ilang infrastructure projects at sa halip ay unahin ang pagpapakain sa mga residente dahil na rin sa marami ang nawalan ng trabaho, nagsarang mga negosyo dahil sa pandemya. Ang kanyang desisyon ay suportado ni Vice Mayor Honey Lacuna kung saan ang papel bilang presiding officer ng Manila City Council ay nagbigay daan sa realignment ng city funds.
“Ang kakayanan ng gobyerno ay ating diniretso sa pagbibigay ng importansiya sa pagkain ng bawat pamilyang Manilenyo. Tao muna bago kalsada, dahil ako ay naniniwala na lahat, pagdating ng alas-12 ng tanghali at alas-7 ng gabi, kakain,” pagbibigay diin ni Moreno.
Base sa datos, sinabi ng alkalde na marami ang inaasahang magugutom kapag humaba pa ang pandemya, gayundin ang pagpapatuloy ng quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“Sa hirap ng buhay, ang dami nang gutom. Pati mga survey, sinasabing marami magugutom at ayokong may magutom sa Maynila,” ayon kay Moreno na idinagdag din na ito ang nagtulak sa kanya at sa suporta na rin ni Lacuna na lumikha ng food security program (FSP) kung saan may 700,000 pamilya ang nakakakuha ng food boxes buwan-buwan.
Bawat food box ay naglalaman ng food items na kinabibilangan ng bigas, de lata, kape at iba pa, upang matulungan ang bawat pamilya sa gastusin sa kanilang pagkain.
Ayon kay Moreno, ang mga residente ng lungsod na araw-araw na nagdadaan sa mga kalye ay maaring makaranas ng lubak sa kanilang dadaanan, pero pansamantala lamang aniya ito.
Sinabi pa ng alkalde na hindi siya nagsisisi na inuna niya ang pagkain para sa mga residente ng lungsod sa halip na ang mga kalye dahil wala namang sikmura ang mga kalye at hindi ito magugutom di tulad ng mga taga-Maynila.
Ang FSP kung saan dini-deliver sa mga residente ang food boxes buwan-buwan ay nagsimula noong Pebrero at ito ay base sa budget allocation. Ito ay inaasahang magpapatuloy hanggang Hulyo. (ANDI GARCIA)
The post ‘Lubak sa hinaharap, pagpasensyahan nyo na’ — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: