
MARAMI-RAMI na rin ang nabakunahan sa atin matapos magtuloy-tuloy na ang daloy ng mga bakunang dumarating sa bansa, donasyon man o angkat ng ating pamahalaan. Nakakatuwa ang karamihan sa mga vaccination centers, ay may kasama pang mga “photo booth” kung saan ang ating mga kababayan ay pwede pang magpakuha ng litrato na maaari nilang ipost sa kanilang mga social media account.
Maipagmamalaki nga naman na ikaw ay nabakunahan na at may taglay ng panglaban sa nakamamatay na virus na COVID-19. Lalakas ang iyong loob na maaari ka nang gumala nang di inaalintana ang mahawaan ng virus o kaya naman ay makahawa nito.
Mali po! Kung ganito ang inyong sapantaha o paniniwala. Ang pahayag ng mga eksperto gaya ng United States Center for Disease Control and Prevention (CDC) mayroon pa rin tyansa na mahawaan ang taong may bakuna na. Ito raw ay dahil kung na-expose o may nakahalubilong mga tao na may taglay ng virus na COVID-19 ang taong nabakunahan na.
Bakit ganun? Ang maaaring tanong ninyo. Ang kasagutan po ay ito – ang sabi ng CDC walang bakuna na nagbibigay ng isang daan (100) porsiyento na ikaw ay di na magkakasakit o tatamaan ng COVID-19 virus.
Mataas man ang epektibo ng bakunang naiturok sa iyo, sabihin na nating 90 percent o higit pa, may tyansa pa rin na mahawaan ka at maaari pang maospital nang dahil sa virus.
Maaari pa nga daw na magkaroon ka ng inpeksiyon at posibleng maging asymptomatic o yun walang senyales na may COVID-19 ka na, dahil minsan aabutin pa ng dalawang linggo bago maging epektibo ang bakuna sa iyong katawan.
Ngunit huwag kayo mag-alala, ito naman daw ay maaari lang mangyayari sa maliit na bilang ng mga nabakunahan. Sa pangkalahatan kasi, ang mga nabakunahan na ay may maliit na tyansa na maospital o mamatay sa COVID-19 kaysa naman sa mga taong walang bakuna o di pa nababakunahan.
Ito rin ay patuloy pang pinag-aaralan ng World Health Organization (WHO), gaya ng kung gaano katagal mapoprotektahan ng bakuna ang tao laban sa COVID-19 virus.
Wala pa rin daw na pinaka-mainam na paraan kung di ang todong pag-iingat at pagsunod sa mga health protocol, dahil ang virus ay naririyan pa at ang hawaan nito ay malaki pa rin ang posibilidad sa kabila ng mga bakunang naimbento na panglaban dito.
Kulang na kulang pa ang mga bakuna para sa lahat. Ang mga para sa mga kabataan nga ay hindi pa talaga nagagawa o naiimbento at kasalukuyang nasa estado pa ng mga pagsusuri.
Dito naman pumapasok ang pagsusumikap ng Administrasyong Duterte para maprotektahan ang ating mga kababayan. Kaya todo rin ang pangungumbinsi ng nasyunal na pamahalaan na karamihan sa mga Filipino ay magpabakuna upang mapigilan natin ang pagkalat pa ng virus na COVID-19.
Sa ulat ni Secretary Carlito Galvez Jr., lumalaki naman ang pagtitiwala ng ating mga kababayan na bakuna ang solusyon dito, kaya nga nagsisimula nang bumaba ang bilang ng mga kaso sa kamaynilaan na sentro ng hawaan.
Ngayong nailagay na rin lang tayo sa mas maluwag-luwag na uri ng general community quarantine (GCQ) huwag na uli tayo maging kapante pa, gaya nang dati. Sumunod pa rin tayo sa mga alituntunin ng mga pag-iingat gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing at tuwinang paghuhugas ng ating mga kamay.
Kapag nabakunahan na kasi ang karamihan sa atin, liliit ang bilang ng kaso ng mga nagkaka-COVID-19.
Hindi rin naman pepwedeng ang mga nabakunahan na ay magpapabaya na lamang at gagala nang gagala ng kahit walang mga pag-iingat na kaparaanan. Maki-isa pa rin tayo sa pambansang pag-iwas sa COVID-19 nang sa ganun ay mapagtagumpayan natin ang malaking pagsubok na ito sa atin bilang isang bansa.
The post Ngayon na bakunado ka na, ano na? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: