Facebook

Tiyakin ng NTF-ELCAC na mapupunta sa “barangay development” ang P12.3 bilyong pondo nito

ILANG araw na ang nakalipas, inanunsiyo ng tagapagsalita ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Undersecretary Jonathan Malaya na inilabas na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF – ELCAC) ang P12.3 bilyon mula sa P19 bilyong pondo nito.

Si Malaya ay nagsasalita bilang tagapagsalita rin ng NTF – ELCAC.

Siya ay isa sa karagdagang anim na tagapagsalita ng NTF – ELCAC na itinalaga ni Secretary Hermogenes Esperon Jr.

Sa P19 bilyong pera ng NTF – ELCAC, P16.4 bilyon ang inaprubahan ng Kongreso na gagamitin nito ngayong 2021 para sa mga debelopment ng mga barangay na ‘nakalaya’ na raw mula sa pagiging base, pugad at kontrol ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP – NPA).

Kaya, mayroon pang natitira sa P16.4 bilyon at sa kabuuang P19 bilyong pondo ng NTF – ELCAC.

Nakalaan po sa pagpapaunlad ng mga barangay ang pondo at hindi para sa eleksyon, ayon sa Kongreso.

Sabi ni Malaya, binawasan ng NTF – ELCAC ng P12.3 bilyon ang P16.4 bilyong pondo nito upang tustusan ang 1,750 proyekto para sa 617 mga barangay sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.

Samakatuwid, asahan nang sisimulan ang mga proyekto sa mga barangay na dating hawak at kontrolado ng CPP – NPA.

Pero, mukhang ang magpapatupad nito ay ang mga pamahalaang lokal na nakasasakop sa 617 mga barangay dahil sa kanila ibibigay ang P12.3 bilyon.

Pokaragat na ‘yan!

Batay sa rekord ng NTF – ELCAC, 822 barangay ang “cleared” na mula sa insurhensiya ng NPA na pinamumunuan ng CPP.

Ngunit, hindi lahat sila ay mabibigyan ng pondo sa ngayon.

Sa listahan ng NTF – ELCAC, 782 pa lamang ang mabibigyan ng pera.

Pokaragat na ‘yan!

Anuman ang paliwanag na ibibigay uli ni Malaya sa media, o anuman ang rason ng NTF – ELCAC, sa pondo ng iba pang mga barangay ay malalaman natin sa susunod.

Ang mahalaga sa ngayon ay dapat tiyakin ng NTF – ELCAC na ang buong P12.3 bilyon at ang balanse sa P19 bilyon ay mapupunta sa dapat puntahan nito.

Hindi lang mahalaga, kundi napakahalaga sa debelopment ng mga barangay mapunta ang multi-bilyong pera ng pamahalaan at hindi sa mga korap na opisyal ng pambansa hanggang panglokal na mga pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Sinabi ko ito dahil napakarami nang perang nagastos ng pamahalaan upang sugpuin at tapusin ang armadong pakikibakang isinusulong ng NPA sa pamumuno ng CPP mula pa noong 1969.

Marami na ring buhay ng kapwa nating Filipino ang nawala at nasayang dahil sa adyenda ng pamahalaan na sugpuin at tuldukan ang pakikidigma ng mga Filipino sa ilalim ng bandila ng CPP – NPA, bandila ng mga komunista.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang CPP – NPA sa pakikibaka.

Ang gusto kasing mangyari ng isang pangkat ng mga matatandang kadre at pinuno ng CPP na matagal nang nakatira sa The Netherlands ay magtayo ng sariling pamahalaan ang CPP, sa ngalan ng mga manggagawa at magsasaka at iba pang batayang masa.

Pokaragat na ‘yan!

Kung makarating na sa 617 mga barangay ang pondong nakalaan sa kanila ay tiyakin naman ng mga punong barangay na sa debelopment ng kani-kanilang nasasakupan ilalaan ang pondo, hindi iyong magtatabi pa sila ng ‘para sa kanila’.

At sana po, tiyakin naman ng pamunuan at mga tagapagsalita ng NTF – ELCAC na higit na pagtuunan nito ng atensyon ang totoong pagsasakatuparan ng mga proyekto sa barangay upang makamit ang layunin ng nasabing ahensiya, sa ngalan ng milyun-milyong manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang batayang masa.

Ang problema kasi sa NTF – ELCAC ay higit na pinagtutuunan ng pansin nito ang “red – tagging” sa mga sinasabi nitong mga taong kasapi at konektado sa CPP – NPA.

Hindi mananalo ang pamahalaan sa ganyang diskarte dahil panahon pa ng lumang partido komunista ang ganyang diskarte.

The post Tiyakin ng NTF-ELCAC na mapupunta sa “barangay development” ang P12.3 bilyong pondo nito appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Tiyakin ng NTF-ELCAC na mapupunta sa “barangay development” ang P12.3 bilyong pondo nito Tiyakin ng NTF-ELCAC na mapupunta sa “barangay development” ang P12.3 bilyong pondo nito Reviewed by misfitgympal on Mayo 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.