
SINUPORTAHAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2234 na magtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos, ang consolidated version ng nauna niyang panukala na lilikha naman sa Department of Overseas Filipinos (DOFil).
Sa kanyang talumpati sa Senado, sinabi ni Go na ang nasabing panukala ay matagal nang inaapela mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at makailang beses na ring binanggit ng chief executive sa kanyang State of the Nation Address.
Ang departamento ang magiging pangunahing responsable sa pagpoprotekta ng karapatan at magpo-promote ng interes at kapakanan ng migrant workers at iba pang Filipinos overseas sa ibayong dagat.
“Our goal is simple in this measure: to give our migrant workers and all other Filipinos abroad the best government service that we could give them,” ani Go.
“Sa panukalang batas na ito, tapos na ang panahon na pinapagpapasa-pasahan natin ang ating mga kababayan. Tapos na ang panahon na nauubos ang pasensya, pera at pagod ng kapwa natin mga Pilipino dahil sa burukrasya at bulok na sistema. Tapos na ang panahon na ang mga ahensya at opisina sa gobyerno na nagtuturuan [kung] sino ang dapat umako sa responsibilidad,” idiniin ng senador.
Sinabi ni Go na sobrang nahihirapan ang OFWs sa kasalukuyang burukrasya kaya nalulungkot siya sa kalagayan ng milyon-milyong OFWs na napipilitang lisanin ang kanilang pamilya sa Pilipinas para lang makapaghanap-buhay sa ibang bansa.
“Hindi nababayaran ang lungkot. Napakahirap magtrabaho sa ibang bansa at naiiwan ang pamilya. Mas nanaisin nila magtrabaho na lang dito sa ating bansa kaysa mapalayo sa pamilya. Pero kailangan nilang pumunta sa ibang bansa at maghanapbuhay dahil mayroon silang mga pamilya na pinapakain.”
“Ito ang panahon na sana ay tulungan natin sila, na mayro’ng nakatutok na ahensya na mag-aasikaso sa kanila, na hindi na nila kailangan manawagan sa radyo, sa Facebook, sa television … Tinatawag nga natin silang mga modern-day heroes [kaya] bigyan natin sila ng departamentong para sa kanila,” ang apela ng senador.
Importante, ani Go, na mabigyan ng importansya at matutukan ang kapakanan ng OFWs at mahalaga na mabigyan sila ng isang pupuntahan at ‘di na kailangang magpapaikot-ikot para lamang makahingi ng tulong sa gobyerno. (PFT Team)
The post Paglikha ng Department for Migrant Workers and Overseas Filipinos, sinuporahan ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: