NAKIUSAP si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na bilisan ang pamamahagi ng mga donasyong COVID-19 AstraZeneca Vaccines sa bansa na sinasabing nakatakda nang ma-expired sa buwan ng Hunyo at Hulyo.
Nauna rito, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mag-e-expired na sa Hunyo 30 at ang iba naman ay sa Hulyo 31 ang mga nabanggit na bakuna.
Ayon kay Pabillo, nararapat lamang na bilisan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng nasabing bakuna upang hindi masayang ang mga ito at sa halip ay makatulong sa mga Pinoy upang magkaroon na ng kapanatagan at kaligtasan laban sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“Kaya nga dapat mas maging systematic at mas maging mabilis ang pamamahagi ng mga AstraZeneca vaccines na ‘yan para hindi po ma-expired. Sa halip na makatulong na sa tao, masasayang pa kapag na-expired ‘yan,” sabi ni Pabillo, sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nauna nang sinabi ng dating miyembro ng National Task force on COVID-19 na si Dr. Tony Leachon na dapat nang humingi ng tulong ang pamahalaan sa mga pribadong sektor upang mapabilis na ang pamamahagi ng vaccines.
Paliwanag ni Leachon na masyadong mababa ang average rate ng vaccination sa Pilipinas na aabot lamang sa 30,000 hanggang 60,000 kada araw.
Mayroon namang inaayos na plano ang pamahalaan para agad na maipamahagi ang mga bakunang malapit nang mawalan ng bisa.
Sinabi ng DOH, na ipapamahagi nila ang 1.5 milyong bakuna na mag-e-expire sa susunod na buwan bilang unang dose, habang ang natitira naman na nasa 525,000 ay ipapamahagi bilang pangalawang dose ng mga nauna nang nakatanggap ng AstraZeneca vaccine. (ANDI GARCIA)
The post Pakiusap ni Pabillo sa pamahalaan, bilisan ang distribusyon ng mai-expired na AstraZeneca vaccines appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: