ANG mga Filipino sa Israel ay pinag-iingat ng isang mataas na opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa kaguluhang nangyayari sa bansa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMI) ng CBCP, iwasan ang paglabas sa kani-kanilang tahanan at sundin ang mga direktiba ng embahada ng Pilipinas upang manatiling ligtas sa karahasan.
“We, at CBCP-ECMI, urge our OFWs to be more careful, stay calm and resort to prayers. Avoid going out, always follow the directives of our Phil embassy officials,” ayon kay Bishop Santos sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng patuloy na karahasan sa pagitan ng Israel at Palestina na nagsimula noong Mayo 10 makaraang magsagupaan ang Israeli police at Palestinians sa isang lugar sa East Jerusalem.
Binigyang-diin pa ni Bishop Santos na hindi malulutas ng karahasan ang anumang hindi pagkakaunawaan bagkus magdudulot ito ng higit na pinsala sa mamamayan at lipunan.
“Violence will never solve anything, it begets violence; War will just bring death and destruction. There is no victor in war,” sabi pa nito.
Sa ulat ng Israel Defense Forces (IDF) nasa 1,500 rockets ang pinakawalan ng Gaza sa Israel dahilan ng pagkasawi ng 67 indibidwal habang higit sa 400 naman ang nasugatan.
Ayon pa sa IDF, ito na ang pinakamalaking airstrike laban sa Gaza mula 2014 nang magsimula ang tensyon sa pagitan ng mga nasabing lugar.
Nababahala naman si Bishop Santos na pangulo rin ng ICMC-Asia Oceania Working Group sa namamagitang tensyon ng Israel at Palestina.
Sinabi ng Obispo na ang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa ay malaking banta para sa kapayapaan at lubhang mapanganib sa mamamayan kaya’t nanawagan itong higit isulong ang dayalogo para umiral ang kapayapaan sa lugar.
“Peace is threatened and life is in danger. It is call for mutual restraint and amicable settlement; it is most necessary to call on God, praying for His guidance and deliverance that all will seek peace and will work for harmonious living,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa pahayag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), walang naitalang nasaktan sa mahigit 30,000 Filipino sa Israel habang patuloy din itong nakipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa.
Tiniyak ni Bishop Santos ang panalangin para sa kaligtasan at katatagan ng mamamayan sa Israel lalong lalo na sa mga OFW kasabay ng pag-alay ng Banal na Misa ng mga Diocesan migrant ministries. (ANDI GARCIA)
The post Pinoy sa Israel, pinag-iingat ng CBCP appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: