MISTULANG naghalo ang balat sa tinalupan sa daigdig ng pulitika sa Filipinas. Ang alalay na walang ginawa at inisip na matino kundi ang bumuntot sa sakiting amo ang ibinabandong tatakbo ng presidente sa 2022. Iyong amo na isang araw kada linggo magtrabaho, o minsan hindi, ang tatakbo bilang katambal. Isang malaking katatawanan ang kalakaran ng naghaharing uri mula sa Inferior Davao.
Mistulang naubusan tayo ng pulitiko na uugit sa ating gobyerno. Pulitikang chopsuey ang nangyayari sa bansa. Puro pakulo, puro pautot ang ginagawa sa bansa. Alam natin na palabas ang nakakatawang kumbinasyon na Go-Duterte. Ibig ni Rodrigo Duterte na lumusot sa laksa-laksang sakdal na ihaharap sa kanya sa iba’t-ibang hukuman sa bansa at labas ng bansa sa sandaling matapos ang termino niya sa ika-30 ng Hunyo, 2022.
Nalulusaw ang naghaharing koalisyon na naghatid kay Duterte sa tagumpay sa 2016. Nagkanya-kanya na ang mga lapian at grupo sa paglulunsad ng kani-kanilang kandidato. Hindi si Bong Go ang kanilang dadalhin sa 2022. Alam nila na walang panalo si Bong Go. Hindi mananalo ang sinuman kandidato na dikit kay Duterte at China.
Buo ang tunay na oposisyon. Hindi ang sampu-singko pekeng oposisyon na tulad ni Isko Moreno, Grace Poe, o Dick Gordon. Ilulunsad ng 1Sambayan ang kanilang kandidato sa ikaw-12 ng Hunyo. Nagkakaisa sila na isa lang ang kandidato ng oposisyon sa 2022. Malinaw iyan sa sikat ng araw.
***
BILANG isang sangay ng gobyerno ng itinayo ng Saligang Batas, sinasansala ng Commission on Audit (Coa) ang walang kapararakan na paggasta ng salapi ng taong-bayan at inilalagay sa wastong pang-unawa ng mga umuugit ng pamahalaan ang kanilang mga poder ayon sa prinsipyo ng pangingibabaw ng batas (rule of law). Hindi ibig sabihin na larawan ng kabanalan ang CoA. May pagkakataon ang nagagamit ang poder upang maghasik ang CoA ng lagim sa burukrasya.
Isang halimbawa ang One Stop Shop Interagency Tax Credit and Duty Drawback Center (OSS-Center), isang maliit na sangay na nasa ilalim ng Department of Finance. Pinangangasiwaan ng OSS-Center ang pagbabalik (refund) ng mga bahagi ng ibinayad na buwis at ibang bayarin sa gobyerno upang mapasigla ang export sector sa pandaigdigang pamilihan.
Hindi ibinabalik ng cash ang refund ng mga export firms; ibinabalik ng gobyerno ang mga iyon sa anyo ng tax credit certificate (TCC). Magagamit ang TCC sa pagbabayad ng buwis at utang. Kahit isang papel ang TCC, good as cash ito sa mga transaksyon sa negosyo. Tinatanggap ng OSS-Center ang mga application mula sa mga negosyante, pinoproseso, at inaprubahan. Bilyong piso ang halaga ng mga dumadaan na TCC sa OSS-Center. Abala ang opisina na ito sa maraming gawain.
Ngunit walang amor si Sonny Dominguez sa opisinang ito. Hindi lubos ang tiwala at suporta niya sa OSS-Center. Hindi trabaho ng opisinang ito ang magdala ng malaking kita sa gobyerno. Palabas ang pera, hindi papasok. Sa kanyang limitadong pananaw, ano ang mahihita sa isang opisina na hindi nakakatulong sa kanyang trabaho – ang maghanap ng kita para sa bangkaroteng gobyerno na mistulang naghihingalo dahil sa matinding hagupit ng pandemya?
Pinaghihinalaan ng mga diyos-diyosan sa DoF ang OSS-Center bilang pugad ng korapsyon. Dahil pawang mga taga-Davao City ang nakaluklok at hindi umaapaw ang kagalingan sa kanilang hanay, wala silang matibay na ebidensya na iniharap upang akusahan ang sinuman at dalhin sa kulungan. Hanggang ngayon, pawang hinala sa OSS-Center sina Dominguez at mga kasama. Wala silang maituro, maakusahan sa hukuman, at maipakulong.
Minsan nalugmok ang OSS-Center sa korapsyon. Panahon ng administrasyon ni Fidel Ramos at si Bobby de Ocampo ang kalihim ng pananalapi. Abot sa P8 bilyon ang nawala umano sa gobyerno dahil sa tinawag na “tax credit scam.” Naayos ang sistema noong 1998 nang ipinag-utos ni Edgardo Espiritu, ang kalihim ng pananalapi noon, ang pagbalasa sa opisina, pagbuwag sa lumang sistema, at pagtatayo ng bagong sistema. Hindi na naulit ang malakihang nakawan.
Taong 1992 nang itinayo ang OSS-Center; sumailalim ito sa limang special audit ng CoA upang malaman kung may mali sa sistema: 1998; 2005, 2006, at 2009. Walang nakita ang CoA sa unang apat na special audit ng anumang kamalian sa operasyon at mga batas na nagtayo ng OSS-Center.
Tumagal mahigit tatlong taon ang panglima at pinakahuling audit – 2015-2018. Hindi malaman kung bakit tumagal ng tatlong taon at, sa pamantayan ng mga nakakaunawa, hindi umaabot na mahigit tatlong taon ang pagtatasa. Noong 2018, lumabas ang special audit report at ito ang naging basehan ng mga nakakagulat na pangyayari sa maliit na opisinang ito.
Noong ika-3 ng Mayo, ginulantang ng 21 kawani ng OSS-Center ang burukrasya nang magpetisyon sila sa Korte Suprema ng certiorari at writ of prohibition upang matigil ang CoA sa paglalabas ng mga Notice of Disallowance (NDs) na ayon sa kanilang petisyon ay walang basehan na legal.
Nakatanggap ang OSS-Center mula noong 2018 sa CoA ng mahigit 11 salansan ng 578 NDs kasangkot ang walong kumpanya at kabuuang halaga ng P2.216 bilyon. Hindi nangyayari na idinedemanda ang CoA ng audited agency. Kakaiba ang petisyon dahil may mga alegasyon na hindi alam ng CoA ang trabaho sa pagtatasa. Malaking dagok sa reputasyon ng CoA ang sakdal.
Kasama sa petisyon ang alegasyon na binago ng CoA ang probisyon ng Article 39 (j) ng Executive Order 226, o ang Omnibus Investment Code kung saan isa ang OSS-Center sa mga sangay na gobyerno na magpapatupad, at ang pagbabago sa nilalaman ng OSS-Center executive committee resolution (ExCom) na ipinasa noon ika-19 ng Oktubre, 2020.
Kumplikado ang dalawang binagong batas, ngunit, ayon sa mga kawani, binaluktot ng mga state auditor umano ang laman upang bigyan ng katarungan ang kanilang mga NDs kahit walang sapat na basehang legal. Matindi ang akusasyon at kinakailangang sagutin ito ng CoA sa harap ng hukuman ng batas at maging sa hukuman ng opinyon publiko.
Ayon sa audit special report, nag-isyu ang OSS-Center ng 3,250 TCC sa 33 Board of Investments (BOI) registered textile at garments firms mula Enero 1, 2008 hanggang Disyembre 31, 2014. Nagbigay ang OSS-Center ng halagang P11.222 bilyon na TCC. Mabagal ang pag-isyu ng NDs ng CoA sa OSS-Center at aabutin ng 13 taon para matapos ang lahat ng kailangang maisyu na TCC, ayon sa petisyon.
Template ang bawat ND, ayon sa mga kawani. May nakahandang item sa bawat ND at pinupuno ng mga auditor ng CoA ang blangkong espasyo, anila. Hindi naming alam kung paano matatapos ang isyung ito. Ngayon, dapat magpaliwanag ang CoA sa Korte Suprema.
***
QUOTE UNQUOTE: “In brief, it’s best to delete their comments, block them, and treat their prime movers as enemies of the Filipino people. By rejecting them, we would see those troll accounts talking among themselves. When that happens, we deprive them of any reason to exist. We hit them straight to the breadbasket, so to speak.” – PL, netizen
“The truth is this government is sinking … if Digong fires Teddy Boy — it might trigger a new Hyatt 10 scenario except that this time the military will join … Now, the Ateneo alumni issued a statement re the WPS … Digong is in a bind … I really feel Xi Jin Ping holds the information against The family involvement in drugs …. They hold him by the balls and he has to deliver.” – Typhoon Estong, netizen
“Maiiyak ka sa kamangmangan ni Bong Go. Kung humingi siya ng paumanhin sa katamaran at kakuparan kumilos, tapos na sana ang kuwento. Hindi na lalaki pa ang gulo.” – PL, netizen
The post Pulitikang chopsuey appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: