Facebook

Sayang at pinayaman

MAGAAN sa puso ng mga obrero ang magtrabaho at bigyan yaman ang kompanya na tinatanaw bilang katuwang, kapanalig sa buhay at sa kinabukasan. Hindi iniinda ang pagod kahit maghapon magtrabaho, kahit alam na hindi ito ikagiginhawa. Ang tanging nais ang makapag-uwi sa pamilya ng kahit konti upang may makain at sapat na panggastos sa bahay. Araw-araw na sinusuong ang panganib sa paghahatid serbisyo sa parokyano, kliyente, at kung sino ang hahatiran ng serbisyong ibinibigay nito.

Sa paghahatid serbisyo, hindi kinakalimutan na magbigay ng ngiti sa mga naabutan, naroon din ang pasasalamat na kahit sila ang dapat pasalamatan ng inaabutan na talagang nakakagaan sa puso. At ang sukli, ang mas maraming parokyano, serbisyo o mas malaking ganansya sa kompanyang kanyang pinagsisilbihan.

Sa kaayusang ito, iisa ang hiling ng mga obrero, ang patas na pamamalakad na may pagsunod sa batas at kalakarang makatao. Ang pagsunod sa batas na nagbibigay sa takdang oras ng kanilang sahod ang sukli o bayad sa sipag at tiyaga na kanilang ibinibigay. Ito ang pang eenganyong hinahanap na dapat ginagawa ng mga mamumuhunan upang ang ganansiya’y patuloy na lumaki. Huwag alisin sa isip na ang mga obrero ang katuwang sa buhay na nagbibigay ng yaman na tinatamasa sa araw-araw.

Huwag ilagay sa isip na maraming iba ang nangangailangan ng hanap buhay, oo at totoo. Subalit ang kasanayan ng mga kasalukuyang obrero ang nagtaas sa mga kumpanya mula sa dating maliit ngayo’y isang malaki at nagbigay ng pangalan at kaginhawahan.

Tuunan natin ng pansin ang isang kumpanya na may SubCon sa Shopee, ang SJ Mendoza Logistic Service na napag-alaman na mapagmalabis sa kanilang mga partner operator/driver na talaga namang lumuluha dahil sa hindi pagbibigay ng kanilang sahod sa takdang araw. Sa kalabuan ng relasyon nito sa mga obrero hindi malinaw kung matatawag bang sahod o bayad na dapat matanggap ng mga obrero sa serbisyong ibinibigay ng mga ito.

At sa tulad ng maraming kompanya, dinadahilan nito ang hindi pagbabayad ng Shopee sa takdang oras. Subalit hindi lang huli sa araw ang sahod nito, lumalagpas sa buwan, at ginagawang bumbay kung bayaran ang mga obrero na naghahatid ng serbisyo sa kanilang parokyano. Halimbawa, ang hindi pagbibigay ng mga sahod na dapat natanggap noon nakaraan Disyembre pa. Pasalamat sa nagreklamo sa media at pinuntahan ang kompanya. Dagli dagling naglabas ng pondo at pinasahod ang mga tauhan, meron namang pera bakit kailangan pang hintayin ireklamo.

Pagkatapos ng insidente, umalis ang nagreklamong obrero, at isang buwan pagkatapos ng sumbungan, bumalik sa dating gawi ang SJ Mendoza Logistic Service na hindi nagpapasahod sa takdang panahon. Ang mabigat nito, hinihingi ang mga obrero ng P100K na cash bond para sa security ng mga dala nitong mga goods na hinahatid.

At kung hindi magawa, malamang sibak sa kompanya ang obrero. Sa cash-bond, kailangan ng obrero na mag cash-out na P40K, at ang natitirang halaga’y aawasin sa loob ng isang taon? Mukhang mas naging ganid ang kompanya matapos ma-media.

At sinundan pa ang kawalan ng pasahod sa buwan ng Pebrero na ang dinadahila’y ang hindi pagbabayad ng Shopee sa kompanya sa takdang oras. Pagsapit ng Marso, nagbigay ito ng partial payment na ang halaga’y nakabase sa lapit ng mga obrero sa mga namamahala, at walang iisang halaga sa mahigit na isang daan obrero na umasa na may sapat na halaga ang matatangap. Bigo ang mga obrero.

Muling naulit ang hindi pagpapasahod sa buwan ng Abril hanggang sa kasalukuyang. Ang bigat nito, pinipilit na babayaran ang mga obrero ng cash bond. Tulad ng mapaniil na kumpanya, bawal magreklamo o magtanong at may kaukulang penalty na walang labas o biyahe. Eh no ride no pay ang patakaran, at ito pilit na pinapasan ng mga obrero lalo na yung mga obrerong bumubuhay ng pamilya.

Sa karagdagan, ang mga obrero’y umaaray sa hindi malinaw na kalagayang paggawa, hindi binibigay ng SJ Mendoza ang kontrata sa pagitan nila at ng mga obrero. Matagal ng hinihingi ng huli ang kontrata. Sa halip na kontrata, MOA ang ginawang kasulatan ng SJMLS na hindi rin nakaabot ang sipi sa mga obrero na basehan ng pananatili sa kompanya.

Nangangamba ang mga obrero sa hokus pokus ng SJ Mendoza LS lalo’t wala itong pinanghahawakang dokumento na nagsasaad ng kanilang kalagayang paggawa. Huwag ng patagalin, kinakalembang muli ang Batingaw upang gisingin ang Kagawaran ng Paggawa at Empleyo na bigyan ng pansin ang karaingan ng mga obrero sa SJ Mendoza LS, ang malinaw na kontrata at magkaroon ng sipi ng kontrata ang mga obrero.

Alamin ang kalagayan ng mga obrerong sa SJ Mendoza Logistic Service at maging sa ibang kumpanya na may kahalintulad na serbisyo. Ilagay sa ayos ang kalagayang pagtratrabaho na kung kailangan magkaroon ng regularisasyon ay mas mainam. Ito ang pangarap ng bawat isang obrero hindi lamang sa SJ Mendoza SL maging sa lahat ng kompanya.

Tasahin ang kaayusan sa kumpanya at kung may paglabag ilapat ang dapat na parusa sa kompanyang SJ Mendoza Logistics Service.

Sa Shopee, batid ng Batingaw na wala kayong tuwirang kinalaman sa usaping ito, ang pakiusap suriin ang mga kontrata sa mga subcontractor ninyo na lumalabag sa kagalingan ng mga obrerong nagdadala ng inyong produkto. Mabuting silip silipin ang ilang probisyon sa inyong kontrata na magpapatatag sa hanapbuhay ng obrero na malugod na hinahatid ang mga produktong galing sa inyo patungo sa parokyano.

Ang mga obrero ng SJ Mendoza Logistic Service ang tuwirang nagdadala ng inyong produkto. Ang kagalingan nila’y kagalingan ng Shopee.

Sa SJ Mendoza LS maging patas sa mga obrero na tuwirang nagpayaman sa inyo.

Maraming Salamat po!!!

The post Sayang at pinayaman appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sayang at pinayaman Sayang at pinayaman Reviewed by misfitgympal on Mayo 27, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.