Facebook

Survey, panatisismo

PINAKAMAHIRAP isulat ang resulta ng anumang opinion poll, o ang tinatawag na survey. Walang natutuwa sa resulta ng kahit anong survey, kahit ginamitan ito ng pinakamakabagong pamamaraan, o methodology. Ang dahilan: Tanging sa sementeryo pare-pareho ang opinyon ng mga tao at sa daigdig ng mga buhay at humihinga, asahan ang iba’t-ibang kuro-kuro na sa kadalasan ay magkakasalungat.

Kapag pinag-uusapan ang survey, hindi maaalis ang panatisismo at ang mga panatiko. Sarado ang utak ng mga panatiko at kahit nagdudumilat ang katotohanan, hindi basta tinatanggap ang resulta ng survey. Kinakatawan ng dalawang mukha ang pulitika ng bansa: ang resulta ng survey at ang mga sigaw ng mga panatiko. Hindi naglalayo ang dalawang nabanggit sa pulitika.

Katulad ng nakalipas na survey ng Magdalo na pinalad kaming padalhan ng soft copy ng aming kaibigan na press agent. Survey ito ng Magdalo noong Abril sa tinatawag na Luzon Belt, o ang magkakasamang Region 3, 4, at National Capital Region. Hindi ito bago sa amin dahil may regular na survey ang Magdalo tuwing ikatlo o ikaapat na buwan sa timpla ng pulitika sa Luzon Belt. Nabibigyan kami ng mga resulta.

Hindi nakakagawa ng pambansang survey ang Magdalo dahil sa pandemya. Kahit nilimita niya ang survey sa Luzon Belt lamang. May kasabihan ang mga Tagalog: Huwag kakagat ng hindi nangunguya, o sa isang salita, kagatin ang tanging mangunguya. Pero maraming panatiko ang nagputakan agad na ang buong akala ay survey ito sa buong bansa. Mali, maling-mali sa katotohanan ang utot ng kanilang mga naimpatsong utak.

Mas nagulat sila at nagpuputakan sa resulta kasi nanguna si BBM dahil may 20% at sumunod si Sara Dutete na may 18% ng mga napakanayam na sample ng survey. Natural na manguna si BBM dahil kalahati ng mga lalawigan ng Pangasinan at Tarlac ay mga nagsasalita ng wikang Ilocano. Mukhang hindi ito alam ng mga panatiko.

Mas lalo silang nagpuputak nang nabasa nila si Leni Robredo ay may rating lamang na 7% sa survey. Hindi ito bago at sa mga nakalipas na survey hindi umaangat sa 10% si Leni. Nanatili sa ganyang marka lamang at nangingibabaw si Sara at BBM. Ngalngalan ang mga panatiko ni Leni na walang ipinagkaiba sa mga panatiko ni Rodrigo Duterte. Walang tigil sa kapuputak.

“Mind conditioning,” sabi ng isang panatiko na hindi nagbigay ng anumang paliwanag. “Fake news,” pakli ng isang panatiko sa survey. Wala kaming nakita na nagbasa ng buo sa resulta na survey. Puro lang putak; masahol pa sa inaasawang inahing manok ang kanilang ingay. Pare-pareho ang tunog pero walang kalaman-laman at katuturan, sa totoo lang.

May isang panatikong tsonggo ang nagmungkahi na huwag mag-post ng resulta ng survey. Sino ang maysabi na i-post nila ang resulta? Hindi para sa mga panatikong tagasubaybay ni Leni ang survey. Ito ay para sa mga sumusubaybay ng takbo ng survey. Ang resulta ay para sa lider na bukas ang isip at hindi sa mga panatiko.

Kung titingnan ang resulta, ibinabadya ang pagtaas ni BBM lalo na sa Region 3 at ipinapakita ang pagbasak ni Sara. Hindi totoo na nalilipat kay Sara ang naitanim ng kanyang tila nababaliw na ama. Hindi si Sara ang magdadala ng laban ng Davao Group sa 2022. Mas lalong hindi si Bong Go na may nakuha na 4%. Mahaba ang listahan ng mga posibleng kandidato sa halalang panguluhan sa 2022. Hindi kasama si Sonny Trillanes dahil tatakbo lamang siya kung hindi tatakbo si Leni Robredo.

Babala ang mga resulta ng survey na si BBM ang pangunahing kalaban sa Luzon Belt. Hindi si Manny Pacquiao na may 14%, Grace Poe, na may 13%; at Isko Moreno na may 10%. Walang nagdodomina sa kasalukuyan sa survey ngunit maigi na naghahanda ang puwersang demokratiko sa laban sa 2022.

Habang hindi makapagdesisyon kung lalaban o hindi ang isinusulong ng mga panatikong pulpol na si Leni Robredo, maigi na ang maghanda sa pagsulong ng ibang kandidato. Hindi tama na maliitin ng mga panatiko ang survey. Mas marapat na gamitin itong basehan ng kanilang ikikilos o ipag-iingay. Mas mahalaga na gamitin nila ang kanilang utak.

Ikinalulungkot namin na sabhin na wala kaming kabilib-bilib kahit katiting sa mga panatiko ni Leni. Wala silang ipinagkaiba sa mga taga-suporta ni Duterte. Pawang basura ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Sumpain kayo ni Hestas at Barabas.

***

APAT ang mga pangunahing isyu sa 2022: ang pag-angkin ng Tsina sa West Philippine Sea; ang pagsugpo sa pandemya na dala ng virus mula Tsina; ang sobrang madugo ngunit bigong giyera kontra ilegal na droga; at ang matinding korapsyon na mas matindi pa noong nakalipas na panahon. Maaaring idagdag na panglima ang malaking utang ng gobyernong Duterte na maaaring umabot sa P9 trilyon sa pagtatapos ng termino sa ika-30 ng Hunyo, 2022.

Inaasahan na magsasalita ang mga kandidatong haharap sa bayan sa kampanya. Hindi uubra ang mga boladas o panloloko sa mga botante. Hindi uubra ang mga pahayag na “mag-jetski ako papunta sa Panatag Shoal upang itirik ang bandila ng Filipinas.” Bistado na ang mga ganyang pambobola. Hindi ito magkiklik sa taongbayan. Hindi na ito pinaniniwalaan.

Pinakauna ang usapin ng pangangamkam ng Tsina sa West Philippine Sea. Parang isunumpang may ketong ang sinumang kandidato ang magpahayag ng pagkampi sa Tsina. Susuriiin ng mga botante ang pagiging makabayan ng bawat kandidato sa bansa. Hindi papayag ang mga botante sa sinuman na maggiit na “bestpren natin ang Tsina.”

Hindi pauuto ang sambayanan sa ganyang pahayag. Bagkus, maghahanap sila ng solusyon para mabawi ang mga isla at karagatan na kinamkam ng Tsina. Hihilingin nila ang kanilang solusyon kontra sa Tsina. Dapat paghandaan ng mga kandidato ang pagbibigay ng solusyon sa usapin.

Alam ng sambayanan na walang maaasahan Kay Rodrigo Duterte sa pandemya at sa susunod na administrayon ang solusyon. Kailangan paghandaan ang solusyon sa mga tanong ng bayan sa mga kandidato. Kung mapapansin pawang Tsina ang kalahok sa unang dalawang tanong. Bawal ang kampi sa Tsina sa 2022.

***

SUNOG na sunog ang estafador mula Bicol sa mga netizen sa social media. Kabila’t kanan ang upak na inaabot ng mahilig manloloko sa mga kritiko na nasa iba’t ibang bansa at maski ang mga nandito sa bansa. Kampi kunwari kay Leni ngunit nanghihingi ng salapi o “tulong” sa loob at labas ng bansa.

Kinamumuhian kahit ng mga dating kakampi na naloko niya. Dahil bistado siya, hindi siya makaporma o makasagot sa kanyang mga kritiko. Hindi siya mahahalal kahit tagahuli ng mga ligaw na aso sa kanilang barangay. Mag-ingat pa rin tayo sa manloloko na ito.

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Survey, panatisismo appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Survey, panatisismo Survey, panatisismo Reviewed by misfitgympal on Mayo 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.