Facebook

Talo ang pikon

TALO ang pikon. Ang pikon ay laging talo.

Sa mga nais maging pangulo ng bansa ang karamihan ay nakikitaan ng pagkapikon at madaling sumiklab ang init ng ulo, kapag hindi gusto ang nababasa o naririnig.

Lalo pa ngang nag-iinit ang ulo agad ng nais maging pangulo pag kontra sa kanyang gusto o hindi ayon sa kanyang kagustuhan.

Sa isang nais maging pangulo, dapat siya ay laging cool.

Dapat siya ay mahinahon at hindi nagpapadala sa bugso ng damdamin o biglang galit.

Ang desisyon na bunga ng galit ay mapanganib dahil sa anomang gustong gawin ng isang pangulo, mahigit 110 milyong Pilipino ang tiyak na apektado.

Hindi magandang katangian sa isang nais maging pangulo ang magpakita ng pagiging mainitin ang ulo at madaling madala ng sulsol o madaling mapaniwala sa tsismis.

Pangit sa isang nais maging pangulo na agad-agad ay kumikilos nang hindi gaanong tinitimbang ang tama o mali o pinag-aaralang mabuti ang magiging resulta ng kanyang aksiyon o utos.

Sakuna at matinding kapahamakan ang magiging resulta nito sa buong bansa.

Papayag ba tayo na ang isang Pangulo ay ganito ang takbo ng isip – na magaling makinig at kumilos, ayon sa sabi-sabi?

Tunay na talo ang pikon, at nakatatakot ito!

Tandaan, mahirap ang magkaroon ng Pangulong Pikon!

***

Paalaala: Bawal pa ang kumbensiyon. Batay sa Omnibus Election Code, hangga’t hindi nagsisimula ang election period ay bawal na bawal ang pagdaraos ng mga convention o meeting para maghalal ng opisyal na kandidato ang isang partido.

Kaya sa mga nais maging pangulo, bise presidente, senador, kongresista etc., bawal pa po ang pagdaraos ng mga convention at ito ay paglabag sa batas ayon sa Omnibus Election Code, hane?

Paano kung mga alipores ng Malakanyang at opisyal ng PDP-Laban na kinabibilangan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang magsagawa ng maagang convention, kaya bang kasuhan?

Your guess is as good as mine!
***
Gaano katotoo ang bulungan sa Bureau of Customs (BoC) na may nagsanib puwersa na raw na grupo ng mga ismagler upang humakot ng pera para sa 2022 election campaign fund ng Palasyo. Owwwwws?

Kaya pala bising-bisi ang iba sa loob ng Aduana sa pagpapakalat ng tsismis na malapit na raw lisanin ng makisig na Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang BoC.

Sabi ng mga butiki sa BoC, merong grupo na nais ay papalitan na si Jagger para malayang makagalaw ang puwersa ng grupo ng ismagler na “nautusan” na mag-ipon ng bilyong pisong pondo sa eleksiyon, ibig sabihin, tuloy na tuloy sa 2022 ang halalan para pumili ng ipapalit kay Pangulong Duterte.

Palagi at mismong si PRRD ang nagsabi, bababa siya sa puwesto sa oras na maideklara na ang halal na bagong pangulo.

Ang tanong lang: Paano kung pagkatapos na magbilang ang Commission on Elections ay ideklara nila na nagkaroon ng “failure of election.”

Paano kung biglang magkagulo at magdeklara si Pangulong Duterte sa payo at udyok ng napakaraming heneral na ipinuwesto niya sa gobyerno.

Basta… timbrado na raw sa lahat ng BoC officials ang gagawing hanapbuhay o trabaho ng pangkat ng mga ismagler na binigyan ng basbas para makaipon sa gagastusin sa eleksiyon sa 2022.

Timbrado na nga raw? E, ano ba ang ibig sabihin ng timbrado?

Kayo na po, mga giliw na mambabasa, ang magbigay ng kahulugan – maganda o masama – sa salitang timbrado.

Pakiusap… paki-confirm o paki-deny lang ang kumakalat na bulungang ito sa BoC.
***
Meron ng mga pumoposturang kandidatong pangulo, bise presidente at senador sa kanilang infomercial sa online media, radio, print at TV kaya nagtatanong ang barbero kong si Ka Edwin: Pera ba nila o pera ng taxpayers ang kanilang ginagastos?

Teka, di po ba bawal tumanggap ng special favors ang mga opisyal ng gobyerno kung ang intensiyon niyon ay pansariling pakinabang ang naging bunga?

Tiyak, pag nanalo sila, babawiin nila ang kanilang milyones na ginastos, at sino ang babawian.

E di tayo! Putra*#!?!&+!!!!!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Talo ang pikon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Talo ang pikon Talo ang pikon Reviewed by misfitgympal on Mayo 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.