
TINIYAK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec Martin Diño na posibleng mananagot ang barangay captain sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Quezon City matapos mahigit 50 katao na dumalo sa pool party ang nagpositibo sa Covid-19 sa ginawang kasiyahan.
Ayon kay Diño Undersecretary for Barangay Affairs, na talagang tatamaan dito ang Kapitan sa naturang barangay matapos hindi umano maipatupad ang health protocol bunsod ng paglaganap ng nakamamatay na sakit na Coronavirus.
Sinabi ni Diño na hindi maaaring idahilan ng Kapitan sa Brgy. Nagkaisang Nayon na hindi niya alam ang naturang pool party.
“Talagang tatamaan dyan ang Kapitan at maaaring sumailalim sa imbestigasyon lalo may mga nagpositibo sa Covid-19 sa mga dumalo sa naturang okasyon,” ani pa ni Diño.
Nabatid sa ulat na tinatayang mahigit 600 katao ang pinaniniwalaang dumalo sa naturang kasiyahan na pool party sa naturang barangay.
Sinabi pa ni Dino na posible rin mapadalhan ng showcase order ang Kapitan ng Nagkaisang Nayon na si Brgy. Captain Feliciano dela Cruz para magpaliwanag kung bakit naganap ang pool party sa kanyang barangay gayon nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
“Hindi nya puwedeng idahilan na hindi nya alam ang naganap na kasiyahan,” paliwanag pa ni Diño.
Nauna rito hinihingan na ni QC Mayor Joy Belmonte ng paliwanag ang punong barangay ng Brgy. Nagkaisang Nayon.
Nabatid na may ulat rin na ang ginamit pang tubig sa pool party sa naturang kasiyahan ang truck ng bumbero ng naturang barangay na lubhang ikinadismaya ni Usec. Diño.
Magugunitang nangyari ang kasiyahan bilang bahagi ng ginawang ‘fiesta celebration’ umano sa Barangay Nagkaisang Nayon noong Mayo 9 hanggang Mayo 11 kung saan bukod sa pool party may idinaos pang sayawan, videokeo at kainan sa lugar.(Boy Celario)
The post Tserman ng Brgy. Nagkaisang Nayon nasa ‘hot water’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: