MUKHANG bigo ang political coalition 1Sambayan na mapag-isa ang oposisyon para sa Presidential Election 2022.
Ang kanilang inanunsyong anim na nominees nitong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, karamihan ay dinenay ang nominasyon.
Sa anim na pinangalanan na kinabibilangan nina Vice President Leni Robredo, Senador Grace Poe, dating Sen. Antonio Trillanes, Batangas Representative Vilma Santos-Recto, CIBAC Partylist Rep. Eddie Villanueva at human rights lawyer Chel Diokno, dalawa lang ang pursigidong kumasa sa sinumang iendorso ni Pangulong Rody Duterte sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Oo! Sina Robredo at Trillanes lang ang buo ang loob na tumanggap sa nominasyon ng 1Sambayan na pinamumunuan nina retired Supreme Court Justices Antonio Carpio at Conchita Morales, dating Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at dating Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario.
Ang rason ni Poe, isang independent, sa pagtanggi sa nominasyon ay wala siyang plano ngayon tumakbong Presidente. Ang kanyang termino sa Senado ay hanggang 2025 pa.
Sakali mang tumakbo sa higher position si Poe at hindi palarin, balik Senado lang siya tulad ng nangyari noong 2016 nang tumakbo siyang Presidente.
Ang rason naman ng actress-turned politician na Vilma Santos-Recto ay tutok muna siya sa problema sa Covid-19 sa kanyang distrito. Wala, aniya, siyang balak para sa presidente. Pero sinasabing posibleng kumasa ito sa pagka-senador, pagkatapos ng termino ng kanyang mister na si Sen. Ralph Recto.
Sinabi naman ng anak ni Rep. Villanueva na si Sen. Joel na wala pa silang balak bumiyahe sa pagka-presidente dahil hindi pa, aniya, sila nakakarekober sa sinapit ng kanilang pamilya few years ago.
Ang evangelist na Rep. Villanueva ay minsan nang natalo sa pagtakbong presidente. Siya’y may milyones na miyembro sa kanyang sektang Jesus is Lord (JIL).
Para naman kay Atty. Diokno, wala siyang ambisyon tumakbong presidente. Busy raw siya sa pagharap sa mga kaso ng ating mga kababayan na biktima ng pang-aabuso.
Si Diokno ay natalo sa pagtakbong Senador noong 2019.
Bukod kina Poe, Recto, Villanueva at Diokno, tumanggi rin sina Sen. Nancy Binay at Manila Mayor Isko Moreno na mapasama sa nominasyon ng 1Sambayan.
Ayon kay Binay, hindi maganda na makasama niya sa coalition ang taong gumiba sa kanilang pamilya noong 2016. Si Trillanes marahil ang tinutukoy niya rito dahil ito ang dahilan ng pagbagsak ng ama ni Nancy na si noo’y Vice Pres. Jojo Binay nang tumakbong presidente kungsaan ibinunyag ni Trillanes ang mga katiwalian ng Binay sa Makati City govt.
Si Isko naman, ayon kay Carpio, noong una ay payag mapasama sa nominasyon. Ngunit sa huli, nakiusap ito na ‘wag na siyang isama sa listahan ng nominees.
Si Isko ay pasok sa top 5 sa Presidential surveys at No. 1 sa Vice Presidential.
Dahil dito, malamang na Robredo-Trillanes tandem na nga ang isusulong ng 1Sambayan para ilaban sa tiket ni Duterte.
Ang malamang namang iendorso ni Duterte ay ang kanyang anak na si Inday Sara at si Bongbong Marcos ang VP. Abangan natin sa Oktubre, 4 months mula ngayon!
The post 4 nominees ng 1-Sambayan atras appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: