NANGANGAMBA ngayon ang ilang kaibigan sa “Legal Circle” dahil daw sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema kung saan pinayagan nitong tumakbo para sa ika-apat na termino ang isang gobernador.
Sinasabing ang desisyon ay may kaugnayan sa pagkakadeklara kay Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado bilang lehitimong local chief executive ng lalawigan noong 2019.
Batay kasi sa March 2, 2021 ruling ng Supreme Court (SC) En Banc, ibinasura nito ang motions for reconsideration ng Commission on Elections (Comelec), at maging ang apela ng dalawa pang petitioners na sina Norberto Villamin at Senandro Jalgalado.
Nag-ugat ang kaso sa petisyon nina Villamin at Jalgalado laban kay Tallado dahil sa pagpupumilit daw nitong tumakbo muli kahit na nakatatlong termino na ang mamang gobernador.
Itinatakda kasi ng Saligang Batas na hanggang tatlong termino o siyam na taon lang dapat ang mga opisyal sa mga local positions.
“The term of office of elective local officials, except barangay officials, which shall be determined by law, shall be three years and no such official shall serve for more than three consecutive terms. Voluntary renunciation of the office for any length of time shall not be considered as an interruption in the continuity of his service for the full term for which he was elected,” ayon sa Section 8, Article X ng Konstitusyon.
Kung maaalala, kinansela ng First Division ng Commission on Elections ang certificate of candidacy (CoC) ni Tallado noong 2019 na kalauna’y kinatigan din ng Comelec En Banc.
Tumakbo si Tallado noong taong ding iyon dahil naputol daw ang kanyang termino o hindi nabuo ang tatlong terms kasunod ng “dismissal from the service” na ipinataw sa kanya ng Office of the Ombudsman (OMB).
Tulad nga ng aking nabanggit, natuloy ang pagtakbo ni Tallado nang makakuha ng Status Quo Ante Order (SQAO) mula sa SC En Banc.
Humakot siya ng 149,002 votes kung saan pinakain niya ng alikabok ang kalabang si Cathy Barcelona-Reyes na nakakuha ng 104,635 votes. Dito na humirit ng MR ang kampo ng Comelec at ng dalawa pang petitioners.
Ngunit pinanindigan ng Kataas-taasang Hukuman ang naging pasya nito noong September 2019 sa kaso ni Tallado na nagsasaad na maaari itong tumakbo muli sa pagka-gobernador.
Maituturing tuloy itong “precedent” sa hinaharap dahil maaari nang humirit ng “4th term” ang iba pang mga local officials na may katulad na kaso.
Si Tallado ay sinuspinde ni noo’y Ombudsman Conchita Carpio Morales noong 2015 at pinatawan ito ng “perpetual disqualification from office” noong March 2018. Kalaunan naman ay binago ito at hindi natuloy ang pagsibak kay Tallado.
Nag-ugat ito sa reklamong grave abuse of authority at grave misconduct ni dating provincial veterinarian Edgardo Gonzales nang tanggalin siya ni Tallado sa posisyon at itinalaga bilang Public Information Officer (PIO).
Ang pinakabagong 18-pahinang ruling ng mayorya ng SC ay sinulat ni dating Associate Justice at ngayo’y Chief Justice Alexander Gesmundo, at pinaboran naman nina dating CJ Diosdado Peralta, Andres Reyes Jr., Edgardo delos Santos, Amy Lazaro-Javier, Henry Inting, Rodil Zalameda, Ricardo Rosario, Heri Jean Paul Inting, Samuel Gaerlan, Jhoseph Lopez at Mario Lopez.
Kabilang naman sa mga dissenters o tumutol sa desisyon si Justice Estella Perlas-Bernabe, kasama sina Justices Marvic Leonen, Alfredo Benjamin Caguioa at Rosmari Carandang.
Dahil sa pasyang ito ng Mataas na Hukuman, maaari umanong gamitin ito ng mga tiwaling pulitiko para tumagal sila sa kanilang posisyon.
Ayon naman sa ilang “amicus curiae o “friends of court” na ayaw magpabanggit na pangalan, posibleng maging kasangkapan din ang “Tallado Doctrine” upang kumapit-tuko sa puwesto ang mga ganid sa kapangyarihan.
Kunsabagay, nakasalalay pa rin naman sa mga botante ang kapalaran ng mga kandidato sa mga susunod na halalan.
Tandaang nasa atin pa rin ang kapangyarihan na huwag iboto ang mga pinaniniwalaan nating tiwali, masasama, at hindi karapat-dapat na mahalal sa anumang puwesto sa pamahalaan.
Ano sa palagay ninyo, mga kababayan?!
* * *
AT para naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post 4TH TERM NG MGA LOCAL OFFICIALS P’WEDE NA NGA BA DAHIL SA ‘TALLADO DOCTRINE’? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: