NAGPAHAYAG ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go sa suhestyong bigyan ng gobyerno ng insentibo ang mga indibiduwal na fully vaccinated na upang maengganyo ang marami pang Filipino na magpabakuna.
Sinabi ni Go na sa pamamagitan ng gimik na ito ay maaalis ang pag-aalinlangan at pagkatakot ng ilan sa bakuna, gayundin upang mapalakas ang kumpyansa ng ating mga kababayan sa national vaccine program.
“We welcome that… Welcome naman po ‘yung magbigay ng incentives… para ma-encourage po… Why not? Wala naman pong masama na ma-encourage po ‘yung mga Pilipino na magpabakuna,” sabi ni Go sa isang panayam matapos niyang pangunahan ang monitoring visit sa Malasakit Center sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte.
“Kanya-kanya pong gimik ‘yan, kanya-kanya pong pag-i-encourage sa mga Pilipino para magpabakuna na po sila. ‘Yun po ang importante rito na magpabakuna na, ma-encourage po at huwag matakot ‘yung Pilipino sa bakuna,” ani Go.
Ayon kay Go, pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibidad na ipatupad ang pagbibigay ng pabuya sa mga bakunado na.
“Pinag-aaralan po ng gobyerno sa ngayon. Kaya ini-encourage ko na po ang ating mga kababayan, magpabakuna na po kayo,” iginiit ni Go.
“Pinag-aaralan na po ng gobyerno sa ngayon kung bakunado ka, mas magiging maluwang ‘yung mga patakaran sa’yo. Maaaring puwede ka nang pumunta sa lugar na ‘to kasi bakunado ka na, puwede ka nang mag-travel, puwede ka nang mag-avail ng ganito kasi bakunado ka na at protektado ka na. Pero pinag-aaralan pa ‘yan ng gobyerno sa ngayon. Wala pang kasiguraduhan,” paglilinaw ng senador.
Binati at pinasalamatan naman niya ang local government units na lumilikha ng gimik para mahimok ang kanilang constituents na magpabakuna.
“So, congratulations po sa mga LGUs, sa lahat po ng mga may inisyatibo na i-encourage po ang ating mga kababayan. With or without incentives, kami na po ni Pangulong Duterte ang nagsasabi sa inyo, magpabakuna na kayo.”
“At ‘yung mga hindi pa po naka-second dose bumalik na po kayo, magpabakuna na kayo dahil nakareserba po ‘yung second dose para sa inyo. Huwag n’yo pong sayangin na ma-expire at masayang dahil pinaghirapan po natin itong bakunang ito. Ni isang dose ng bakuna wala pong dapat masayang,” ayon kay Go.
Muling nagbabala ang senador na huwag pa rin masyado magtiwala laban sa COVID-19 cases lalo’t muling tumataas ang kaso nito sa NCR Plus area, partikular sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
“So huwag ho tayong maging kumpiyansa. Bagama’t umpisa na po ang pagro-rollout ng bakuna ay huwag ho tayong maging kumpiyansa. Importante po rito ang patuloy na pag-iingat dahil hindi pa po normal ang panahon,” ani Go.
Nakiusap ang mambabatas na palagiang magsuot ng mask, face shield, sundin ang social distancing, hugas ng kamay habang binabalanse pa ng gobyerno ang lahat, sa pagitan ng kalusugan at ekonomiya.
“Buhay pa rin ang uunahin natin dito dahil ang pera po’y kikitain naman natin. Pero yung perang kikitain natin hindi po nabibili ang buhay. Kaya pangalagaan po natin ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya sabi ko nga sa mga Pilipino, sa mga kababayan ko, kaunting tiis lang po,” ayon kay Go. (PFT Team)
The post BAKUNADO BIGYAN NG INSENTIBO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: