KAHIT saang anggulo natin sipatin, bigo ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa korapsyon.
Hindi natupad ang isa sa pangunahing kampanya ni Duterte noong halalang 2016 na labanan at sugpuin ang korapsyon.
Noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay masyado nang malala ang katiwalian at korapsiyon sa pamahalaan.
Kaya, isinama ni Duterte sa mga ipinangako niyang lulutasin niya kapag naging pangulo siya ng bansa.
Iyong mga ahensiyang madalas niyang ihalimbawa sa pagiging notoryus katiwalian at korapsyon tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay malaganap at matindi pa rin sa korapsyon.
Nitong nakaraang taon, walang pag-aalinlangang inamin at idiniin ni Duterte sa media na notoryus pa rin ang korapsyon sa DPWH.
Ngunit, agad na dinugtungan ni Duterte na hindi kasama si DPWH Secretary Mark Villar sa mga korap.
Pokaragat na ‘yan!
Matatapos na ang termino ni Duterte sa susunod na taon, ngunit hindi matapus – tapos ang korapsyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Hanggang Hunyo 30, 2022 na lang si Duterte, subalit wala pa siyang napapakulong na totoong mga korap na sobrang takaw sa salapi.
Ang dalawang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ay hindi pa hinatulan ng “guilty” sa korapsyon.
Nakakulong sila sa bilangguan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang linilitis sila sa krimeng pandarambong.
Maliban sa kanila, wala pang napapatunayan ang Sandiganbayan na totoong notoryus at pinakamalupit mangulimbat ng salapi ng pamahalaan na galing sa buwis na ibinayad ng mamamayan.
Pokaragat na ‘yan!
Ang masama, bigo na si Duterte laban sa korapsyon, ngunit kinukumbinsi ng pangkat ni Energy Secretary Alfonso Cusi na tumakbong bise – presidente si Duterte at mamili na ito kung sino ang gusto niyang maging kandidato sa pagkapangulo sa halalang 2022.
Pokaragat na ‘yan!
Ilagay n’yo naman sa kaayusan at katinuan ang ating pamahalaan at bansang pinakamamahal.
The post Bigo si Duterte sa korapsyon appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: