Facebook

Binatilyo binatukan atu tinuhod ng kapitan at kagawad, nahuli-cam

POSIBLENG maharap sa reklamo ang isang kapitan at kagawad nang mahuli-cam ang ginawa nilang pambabatok at pagtuhod sa tiyan ng 14-anyos na binatilyo sa Balaoan, La Union.

Ang dalawang opisyal ng barangay ay sina Kapitan Jaime Ordinario, 64 anyos; at Kagawad Pablo Bayota, 57.

Makikita sa video na pinagsasabihan muna ng kapitan at ng kagawad ang dalawang kabataan at isang nanay noong Sabado, Hunyo 5, sa Barangay Butubut. Pero ilang saglit ang lumipas, biglang nanghampas ang kapitan, pero nakailag at nakatakbo ang binatilyo.

Ipinatawag muli ng kapitan ang menor de edad at dito na niya ito hinawakan sa braso saka binatukan. Sumunod naman ang kagawad sa pagbatok sa binatilyo.

Sa isa pang kuha, maririnig ang pag-inda ng binatilyo sa sakit nang tuhurin siya sa sikmura ng barangay official.

“Masakit. Kahit sinong magulang na nakapanood ng video talagang masakit. Hindi ko palalagpasin talaga ang ginawa nila,” saad ng ina ng binatilyo.

Bago nito, nagkaroon ng gulo ang mga kabataan sa isang lamay sa kanilang barangay kungsaan nagulpi ang isang anak-anakan ng kagawad.

“Itong anak ko, nag-awat lang siya sa mga barkada niya na itigil ‘yung gulo,” depensa ng ina ng binatilyo.

Ito raw ang dahilan kaya hinanap ng kapitan at kagawad ang mga sangkot sa gulo na humantong sa pananakit sa binatilyo.

Bago ang pananakit sa binatilyo, may sinaktan narin ang dalawang barangay official na dalawang kabarkada ng biktima na 16-anyos.

Ayon sa binatilyo, bukod sa pananakit, pinagbantaan din sila ng kagawad na papatayin ang isang kasamahan nila.

Nauna nang nagpaliwanag ang kapitan sa pulisya ng Balaoan.

“Naging arogante raw kasi ‘yung [binatilyo] nu’ng inawat nila, pinagsabihan nila,” sabi ni Police Major Rogelio Miedes, hepe ng Balaoan Police.

Nagreklamo na sa pulisya ang tatlong menor de edad na sinaktan ng dalawang opisyal.

Posibleng maharap ang mga opisyal sa reklamong physical abuse in relation to child abuse.

The post Binatilyo binatukan atu tinuhod ng kapitan at kagawad, nahuli-cam appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Binatilyo binatukan atu tinuhod ng kapitan at kagawad, nahuli-cam Binatilyo binatukan atu tinuhod ng kapitan at kagawad, nahuli-cam Reviewed by misfitgympal on Hunyo 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.