Facebook

Cayetano kontra boksingero!

MASUGID ang pagpupunyagi ni Pambansang Kamao Sen. Manny Pacquiao na lumikha ng Boxing Commission na magbibigay ng kalinga sa mga boksingero at iba pang atleta ng combat sports sa bansa.

Sa pagdinig sa senado, ipinagdiinan ni Pacquiao na sukdulang gamitin ang sarili nitong pera na aabot sa halagang Pph 150 milyon para lamang matustusan ang ang boxing komisyon ay walang pangingiming paglalaanan niya ito.

Gayon pala katindi ang pagnanasa ng laki sa hirap na senador na maipasa ang nasabing batas, perang pinamuhunanan ng dugo, pawis, pagtitiis at panahon, ay gugugulin nito sa kapakanan ng ibang tao.

Ngunit para sa 8-Division World Boxing Champion, ang mga boksingero at mga manlalaro ng combat sports ay malaki ang puwang sa kanyang puso pagkat ang mga ito ay nakasalang sa mapanganib na larangan.

Ayon sa senador, kailangan pagtuunan na ng pansin ng gobyerno ang mga boksingero, dahil marami na sa mga ito ang namatay at may isa hanggang tatlo pa siyang personal na kilala na walang nakuhang benepisyo.

Paliwanag pa ni Pacquiao, kakaiba ang boksing at iba pang combat sports pagkat mas matindi ang training nito at mas mapanganib kumpara sa ibang uri ng palakasan.

Sa ilalim ng Senate Bill 2077 na inakda ni Pacquiao ay kanyang idinedepensa sa plenary debate, na layunin nitong bigyan ng health benefit at pensyon ang mga boksingero at iba pang combat sports protagonist.

Layunin din sa naturang panukala na bigyan ng pensyon at iba pang benepisyo ang mga nagreretirong boksingero at mga atletang nasa combat sports.

Para sa mga payak at dukhang mamamayan, mahirap lunukin ang katotohanang ang dating kargador, piyon at kung ituring pa ng ilan nitong kapwa senador at pulitiko ay mangmang pagkat napakababa ng naabot nitong edukasyon ay gagastos ng gayong kalaking kayamanan para sa kapakanan ng mga atleta.

Nag-iisa lamang si Pacquiao sa may 159 milyong Pilipino na handang gugulin ang salaping kinita mula sa dugo at pawis sa pakikipagbasagan nito ng mukha at pakikipagbugbugan sa gitna ng lonang parisukat.

Kung tutuusin ay talaga namang dumaan sa sukdulang saksipisyo bago nakamal ni Pacquiao ang milyones na salaping boluntad nitong ilalaan para sa pagtatatag ng Boxing Commission.

Ang salapi ni Pacquiao ay di kwartang nanggaling sa pamahalaan. Hindi ito pondo ng gobyernong malimit ay pinagkikitaan pa sa overpricing ng mga nagpanukalang mambabatas.

Hindi rin ito nanggaling sa parte sa komisyon mula sa Sinovac Vaccine at iba pang branded vaccine, mga iba pang pinagkitaan sa gitna ng pandemya at lalong hindi mula sa mga kick-back sa iba pang proyekto ng gobyerno at mga proyektong punong-puno ng korapsyon.

Higit sa lahat, ang kewarta ni Pacquiao ay hindi nagmula sa pagtatraydor sa bansa sa pammamagitan ng pagbebenta ng ating mga teristoryo sa West Philippine Sea (WPS)

Ang mga manlalarong Pinoy ang isa sa pinaka- napabayaang sektor ng ating liupunan ng alinmang napaupong mga pinuno ng pamahalaan, kabilang na ang kasalukuyang administrasyon.

Pananaw ng mayorya, mistulang inutil naman ang Games and Amusement Board (GAB) ng gobyerno na siyang namamahala sa may 20 sports, kabilang na ang mixed martial arts.

Salamat naman at may isang senador na may mababang pinag-aralan. Salamat at may isang tulad nitong nakapagtapos lamang ng kurso sa isang unibersidad sa Lungsod ng Makati nang ito ay isang ganap nang mambabatas.

Kaya nga’t inaasahan na dadaan muna sa balag ng alanganin ang panukalang Boxing and Combat Sports Commission ni Pacquiao pagkat mahigpit ang pagtutol ng matatas sa English na Fil-German senator na si Pia S. Cayetano.

Para sa mahigpit na kontra-pelo sa kapakanan ng mga boksingero at iba pang atletang nasa ilalim ng combat sports ay marami itong nakitang butas, kaya di dapat palusutin ang panukala ni Pacquiao.

Kesyo lalabagin daw nito ang nakatadhana sa article 3 ng konstitusyon na nag-uutos ng equal protection of the law para sa bawat Filipino kung ipapasa ng senado ang panukalang batas ng Boxing Icon na Senador.

Kinuwestiyon ni Cayetano na dating UAAP at National team Volley ball player kung bakit sila lamang (boksingero at combat sports) ang pinagtutuunan ng pansin ni Pacquiao,samantalang mayroon ding ibang mga atleta na nagkakaroon ng kapansanan tulad sa basketball, volleyball at iba pang sports.

Sinabi pa ni Ca­yetano na dagdagan na lamang ang budget ng GAB para mas matulungan ang mga atleta. Gayon ngang tila inutil na nga ang GAB, ay uumentuhan pa ng pondo ang tanggpang ito?

Teka nga pala, di ba ang kapita-pitagang senadora ay isang batikang abogado bukod pa sa halos humigit-kumulang 15 taon na nitong panunungkulang mambabatas sa senado?

Ngunit sa looban ng mga napakahabang panahong pagkayukayok nito sa senado ay bakit kahit isang batas para sa kagalingan at kapakanan ng mga atletang Pilipino ay wala itong naipanukala?

Sa mga panahong mistulang pinag-ugatan na ito sa senado ay wala itong naisponsorang batas para sa benepisyo ng mga atleta mapa-boksingero man o hindi. Ngunit ni ha, ni ho wala rin ito naipanukala para sa benepisyo ng mga atleta mapa- boksingeroo man o hindi.

Nanungkulan din itong kinatawan ng Taguig City lone district at deputy speaker ng kongreso. Ngunit ni ha, ni ho wala rin ito naipanukala para sa benepisyo ng mga atleta mapa- boksingeroo man o hindi.

Lalo pang manggagalaiti ang senadora sa pagkontra sa panukalang Boxing and other Combat Sports Commission ni Pacquiao kung ang UP graduate na mambabatas ay naturingang mag-ambag ng milyones na salapi para mapondohan ang nilalayon na Commission?

Heto na nga’t nababanaag na ng mga boksingero at mga atletang saklaw ng comnbat sports ang liwanag mula sa napakahaba at madilim na lungga, ngunit ito naman ang tila kontra-bida sa pelikulang si Senadora Julia “Pia” Scrapp Cayetano.

Sa larangan ng debate gamit ang hiram na wikang english, ay walang laban si Pacquiao sa plenaryo kay Senadora Cayetano, ngunit sa layuning makatulong sa mga atleta Pilipino na nakikipagtagis sa lubhang mapanganib na sports ay wala namang binatbat ang trapong senadora.

Kung sabagay, papalapit na ang halalan, kilalang supporter ni Pangulong Digong nyo ang mga Cayetano, kaya mahirap naman na papormahin nila si Pacquiao para sa pananaw nito sa Panguluhan sa 2022 elections?

Minamanok ng mga tuta ni Digong nyo ang anak nitong si Inday Sapak este Inday Sara para siyang tumakbo sa Panguluhan? Nangangamba naman si Cayetano na maging lalong popular si Sen. Pacquiao at labanan ni Jinky, maybahay ni Pacquiao ang alinman sa kapatid na kongresista o kaya ay ang alkalde ng Taguig City. Tiyak, may tulog ang mga Cayetano sa kamao ni Pacquiao!

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.

The post Cayetano kontra boksingero! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Cayetano kontra boksingero! Cayetano kontra boksingero! Reviewed by misfitgympal on Hunyo 01, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.