KUNG sinoman ang mahahalal na Pangulo sa national and local elections sa May 2022 hindi biro ang haharapin niyang (mga) problema – na kailangan ang mabilis at madaliang solusyon.
Ihalimbawa natin na maging Presidente si Sen. Manny Pacquiao, magagamit ba niya ang lakas at talino niya bilang nag-iisang 8-division world champion para maiangat ang lugmok na ekonomya na resulta ng pandemyang COVID-19.
Kung si Manila Mayor Isko Moreno ang swertehing commander-in-chief, paano niya lulutasin ang mahigit sa 50-taon trahedya ng kamatayan na patuloy na inihahasik ng ideolohiyang komunismo sa bansa?
Kung tumakbo nga at manalo si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, isusubo na niya sa giyera ang Pilipinas laban sa China na alam nating hindi na ibabalik pa at isusuko ang inookupahang teritoryo sa West Philippine Sea?
Paano babayaran ni VP Leni Robredo ang mahigit sa P10 trilyong utang na patuloy na tumataas bawat minuto?
Tuparin kaya ni dating Sen. Bongbong Marcos ang matagal nang pangako ng kanyang pamilya na ibabalik ang yamang nakatago, pati ang yamang naipon ng kanyang yumaong ama upang muling padakilain ang Pilipinas?
Maipagpatuloy kaya ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang sinasabing magagandang accomplishment ni Presidente Rodrigo Roa Duterte kung siya ang maging “tagapagmana” ng trono ng kanyang ama sa Malakanyang?
Kung si Senator Panfilo Lacson ang manalo sa 2022, mawakasan na kaya niya ang sindikato ng krimen sa bansa at makalikha siya ng milyon-milyong trabaho para sa nagugutom na pamilyang Pilipino?
Ipursige naman kaya ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na pilitin ang Kongreso at Senado na gumawa ng batas na papatay sa political dynasty kung siya ang mangulo sa bansa sa 2022?
Kung sinoman kina dating Sen. Sonny Trillanes, Sen. Grace Poe, Cong. Eddie Villanueva, Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, at Sen. Franklin Drilon ang maupo sa Malakanyang, maipakulong kaya nila si Duterte tulad ng pangako nila at magawa kaya nilang bunutin ang malalim na ugat ng korapsiyon sa pamahalaan?
Ilan lang ito sa ga-dambuhalang suliraning kailangang matatag at matagumpay na malutas ng sinomang iluluklok na Pangulo ng ating bansa.
Hindi ito tungkol sa karangalan at prestihiyo na matawag na Iginagalang na Pangulo at maitala sa kasaysayan ng bansa.
Tungkol ito sa kakayahan, talino, husay at tatag ng kalooban na masolusyonan ang trahedya ng kahirapan sa bansa; suliranin ito kung paano maibabalik ang tiwala ng taumbayan na mahusay ngang Pangulo ang magliligtas sa mga kuko at pangil ng kawalang pag-asa na makaahon sa kaapihan at kadukhaan.
May solusyon ba ang susunod na Pangulo sa patuloy na paghamig ng kayamanan at kapangyarihan ng iilang naghaharing-uri at oligarkiya?
Magagawa ba sa anim na taon ng isang Pangulo na mapalakas ang puwersa ng ating armas at militar upang maging matatag at malakas laban sa anomang bansa magtatangkang muli tayong sakupin at alipinin?
Ilan lang ito sa problemang kailangang balikatin ng susunod na Pangulo.
Bukod sa magawa kaya ng susunod na Pangulo na mapagbigkis ang sambayanang Pilipino na daan taon nang winawasak ng maruming politika na humahadlang sa ating lubos na pagkakaisa sa puso at isip bilang isang nagsasariling bansa?
***
Ano ba ang intensiyon ng Konstitusyon kaya nagkaroon tayo ng party-list representation?
Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang “marginalized sector” na magkaroon ng boses sa Kongreso, at dahil nakita ng framers ng 1987 Constitution natin na nadodomina ng mayayaman, maiimpluwensiyang politiko at angkan ang politika sa bansa.
Ano ba ang marginalized sector sa paningin ng mga gumawa ng Konstitusyon?
Ito ay yung grupong mahihirap at inaapi at api-apihan, tulad ng mga magbubukid at magsasaka, mga tsuper, mga kasambahay, mga senior citizen at mga katulad na pangkat.
Hindi para sa mayayaman, sa mga multi-milyonaryo, lalong hindi sa mga sektor ng relihiyon ang party-list, kaya tigilan na ang kalokohan, ano po?
Suportado natin ang Comelec sa ginagawa nitong paglilinis, pero… wag namang maging kapritso at sapilitan ang pagtanggi sa mga nais maging rehistradong party-list.
‘Wag sanang maging kasangkapan ang Comelec para ito ay maging biktima ng kapritso “mapaghiganteng” mga opisyal ng poll body bunga ng pagbatikos sa ilang tiwali sa kanilang ahensiya.
***
Bakit hindi tumitino ang mga kriminal?
Kasi pag nakulong ay “magpapakabait” lamang at sa pamamagitan ng pera nila at impluwensiya, mabibigyan ng pardon.
Pero ang mga may edad na at matagal ng pinagsilbihan ang kanilang mga sentensya o may mga grabeng sakit, bakit hindi pa pinalalaya?
Nagtatanong lang naman.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Ga-bundok na trabaho sa susunod na Pangulo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: