ANO nga ba ang totoong sitwasyon ng ating mga HEALTH FRONTLINE WORKERS na ipinangangalandakan ng DEPARTMENT OF HEALTH (DOH) nitong nakaraang taon na may sapat na pondong inilaan sa hiring ng mga karagdagang health worker gayong may mga nagsisipagprotesta naman dahil hinde pa rin natatanggap ang mga benepisyong dapat makuha ng mga frontliner?
Bukod dito, ang DOH sa pamumuno ni HEALTH SECRETARY FRANCISCO DUQUE III ay muling umaapela sa mga nurses at doktor sa panawagang emergency hiring program ng mga medical frontliner ngayon bilang karagdagang puwersa sa laban ng bansa kontra COVID-19.
Inihayag din ni DUQUE na nag-download na rin ng pondo ang central office sa kanilang DOH REGIONAL OFFICES para sa emergency hiring program ng mga medical frontliner.., e bakit may mga nagpoprotestang mga frontliner na ang mga benepisyong dapat nilang makuha ay hinde pa rin ibinibigay sa kanila o indikasyon kaya ito na ginogoyo ng DOH ang medical workers.?
Lumalabas kasi mga ka-ARYA na ang mga medical frontliner ay hinde pa rin nila natatanggap ang kanilang hazard pay at special risk allowance simula nitong January ng kasalukuyang taon, na bukod sa mababang pasuweldo ay nadi-delay pa ang mga pagpapasahod.., kaya nga may nagsisipag-resign sa trabaho at ang ilan naman ay nagsipagtrabaho na sa ibang bansa.
Sa hinaing ng mga frontliner ay naihayag ni DOH UNDERSECRETARY at TREATMENT CZAR LEOPOLDO VEGA na hinihingi na raw nila ang mga benepisyong dapat maibigay sa mga medical worker subalit ipinoproseso pa lamang daw ng DEPARTMENT OF BUDGET AND MANAGEMENT (DBM).
“Yung hazard pay saka special risk allowance… itong January hanggang June 2021 ito hinihingi namin sa DBM… ‘Di pa nare-release pero alam ko nagagawa na ito,” pahayag ni Vega sa panayam ng isang radyo…, asus, hanggang kailan kaya magtitiis ang naghihirap nating frontliners.
Sa problemang nagsisipagbitaw sa trabaho ang ilang mga medical worker ay naihayag ni VEGA na upang masolusyunan ay nagbukas umano sila ng 10,300 HEALTH WORKER POSITIONS sa buong bansa para magampanan ang mga kakulangan sa health operations.
Mula pa ng nakaraang taon ay laging inihahayag ng DOH na may sapat na pondo ang pamahalaan para magdagdag ng health workforce sa gitna ng COVID-19 cases surge.., pero bakit nadi-delay ang pasuweldo at hinde pa rin maibigay ang hazard pay at special risk allowance? Nasaan ngayon ang sinasabing sapat na pondo para sa health workforce?
Naihayag naman ni HEALTH UNDERSECRETARY MARIA ROSARIO VERGEIRE na binigyan na raw ng DOH ng sapat na pondo ang mga pagamutan para sa direktang hiring ng mga health worker…, teka, e bakit nadi-delay ang pasuweldo at mga benefits na dapat makuha ng mga medical worker?
Anong ahensiya ang may pagkukulang sa hinaing ng mga health worker…, ang hospital management ba o ang DOH?
Kung hinde maisasaayos ang pasuweldo’t benepisyo ng frontliners ay siguradong magdudulot ito ng malaking kakulangan sa medical workforce dahil walang tatagal na workers kung mistulang ginogoyo lamang sila sa mga sinasalita ng ating mga GOVERNMENT OFFICIAL!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.
The post Health workers ginogoyo? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: