Facebook

Isko, nakahanap ng paraan para mas marami ang mabakunahan

SA halip na walang ginagawa habang naghihintay ng resupply ng vaccine doses bago uli magkaroon ng maramihang pagbabakuna ay nakahanap ng paraan si Manila Mayor Isko Moreno na gamitin ang ‘waiting time’ o oras ng paghihintay para makapagbakuna ng mas marami.

Nitong June 11, Biyernes, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay itinuloy ang kanilang mass vaccination program gamit ang dapat sana ay reserba para sa second doses, ito ay matapos na makakuha ng kasiguraduhan ng nararapat na kaukulang resupply.

Bukod sa pagbabakuna ng second dose sa 15 sites ng mahigit na 9,500 health frontliners, senior citizens at edad 18-anyos hanggang 59-anyos na may comorbidities o mga nabibilang sa A1, A2 at A3 categories, nagbigay din ng first dose vaccination sa Robinson’s Place, Lucky Chinatown mall, SM Manila at SM San Lazaro, kung saan 2,000 doses ang inilaan sa bawat nabibilang sa A2 at A4 category o mga senior citizens at mga tinatawag na mga economic workers.

Ipinaliwanag ni Moreno na kaya niya naisipan ang ganung desisyon ay dahil nakausap niya si vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na ginarantiyahan ang pagdating ng panibagong batch ng bakuna sa mga darating na araw na sasakto naman sa mangangailangan ng second dose nito.

Dahil dito ang reserbang second doses ay mapapalitan sa pagdating ng resupply ng bakuna.

Muli niyang pinasalamatan si President Duterte at Galvez sa pagdating ng pinakahuling bakuna na nakalaan sa mga Manileño. Sinabi rin ni Moreno na gusto ng mga residente na mabakunahan sila, gaya ng napakaraming taong makikita sa mga vaccination sites tuwing may schedule ng bakunahan.

Base sa ulat na natanggap ni Moreno kay Vice Mayor Honey Lacuna na siyang nangangasiwa ng mass vaccinations sa kabisera ng bansa kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, sinabi niya na ang mga tao ay pumipila na ng alas-2 ng madaling araw at kapag limitado ang bakuna nagkakaroon ng cut-off ganap na ala-6 ng umaga, dalawang oras bago magsimula ang pagbabakuna ng alas-8 ng umaga sa mga vaccination sites.

Sa iba pang pangyayari ay pinasalamatan ng alkalde ang mga kawani sa ilalim ni City Engineer Armand Andres, Manila Traffic and Parking Bureau head Dennis Viaje at Department of Public Services chief Kenneth Amurao para sa mabilis na pamamahagi ng food boxes para sa buwang ng Hunyo.

Ayon sa alkalde, sa loob lamang ng tatlong araw ay nakapamahagi na ng food boxes sa may 180,000 pamilya sa may 186 na mga barangay sa buong District 1 at bahagi ng District 2.

Muli ay nanawagan si Moreno sa lahat ng barangay chairman na agad na ipamahagi ang mga food boxes at huwag ng hayaang magtagal pa kahit na isang minuto sa kanilang barangay hall. (ANDI GARCIA)

The post Isko, nakahanap ng paraan para mas marami ang mabakunahan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Isko, nakahanap ng paraan para mas marami ang mabakunahan Isko, nakahanap ng paraan para mas marami ang mabakunahan Reviewed by misfitgympal on Hunyo 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.