Facebook

Nangogoyo

HABANG papalapit ng papalapit ang halalan tila lalong lumalala ang pangogoyo ng mga taong ibig maging kinatawan ni Mang Juan sa lahat ng pwesto sa pamahalaan. Kabi-kabila ang patutsadahan at pagsasaad na isantabi ang politika at unahin ang serbisyo para sa mga Pilipino. Nakakataba ng puso kung tunay at walang pag-iimbot.

Tunay ba ito o 295 dahil kahit kailan wala namang puwang si Mang Juan sa puso ng mga politiko, sariling interes at bulsa ang una sa lahat. Walang nararamdaman na kahit konting sinseridad si Mang Juan sa mga sinasabi ng mga ito at pawang mabulaklak lamang na pananalita na talagang gugupuin ang iyong paniniwala na kahit ang matigas na bato’y kayang palambutin. Mayroon nahahatak ang mga pangogoyong ito, lalo’t sa masa na talagang hikahos sa buhay at umaasa na pagkatapos ng mga talumpati’y may abot na pwedeng pangastos sa araw.

Naroon din na umaasa na kung palarin ang tatlo o anim na taon na panunungkulan ay pwede na para sa sarili at sa pamilya. Hindi bale ang usaping pambansa basta’t may pakinabang kahit panandalian. Kailan ka magiging sambayanan sa pangogoyo ng mga iyan?

Ilang araw na muli ang lumipas ng sinabi ni Totoy Kulambo na huwag tumakbo ang anak sa posisyong babakantihin. Hindi ito totoo. Huwag pakingan ang mga sinasabi, sa halip tingnan ang mga darating na kilos nito kung paano paiigtingin ang paghahanda ng anak upang lalong makilala ng bayan bilang lehitimong kapalit sa pagpapahirap sa bayan. Ang bangayan kuno ng mag-ama’y isa lamang zarzuela upang malaman ng bayan na talagang independent ang anak sa ama.

Kung positibo ang pagdistansya sa ama, maaring ito ang palitawin. At kung negatibo ang dating kay Mang Juan, ang maraming larawan ang kakalat sa bansa na magsasabing ito ang taga pagmana. Stratehiya lamang itong inilalatag sa ngayon upang mapulsuhan si Mang Juan at masiguro na maganda ang ipapakita nito sa mga araw pagsapit ng halalan. Mahusay kayo pero bukodo na ito ni Mang Juan na inyong patuloy na pinahihirapan.

Bilang patotoo, bigyan natin ng patas na pananaw ang mga kaganapan sa bansa na masasabing ginogoyo lamang tayo ng mga taong nasa pwesto. Kumuha tayo ng dalawang usapin na talagang matingkad ang pangogoyo ng mga ito kay Mang Juan.

Una ang pambansang kabuhayan. Unahin natin ang kakayanan ni Mang Juan na tustusan ang pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain. Batid na hindi sapat ang kakayahan ni Mang Juan na tustusan ang mga pangangailangan dahil sa kawalan ng trabaho. Maraming mga kumpanya ang nagsara bago pa man dumating ang pandemya. At pagdating ng pandemya, parang isang palakol na sinibak ang malaking bilang ng mga obrerong nawalan ng hanapbuhay.

Sa kawalan ng trabaho naging mahirap kay Mang Juan tustusan ang mga pangangailangan at ang ayudang inaasahan ay parang panaginip na hindi makarating sa kanilang tahanan. Pangalawa, narito ang isang palakol na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na tunay na naglayo sa mga obrerong makabili ng kanilang pangangailangan.

Hindi na mag-abot ang pambili at pangangailangan dahil sa sobrang mahal. Ang masakit nito, ang may kakayanang mamili ay nagpanic buying na nagdulot ng pagkawala sa mga estante ng mga bilihin. At kung may natira ay napakamahal pa ng presyo. Pangatlo, ang ‘di makaluwas na mga produkto dahil sa higpit ng pagpapatupad ng ilang mga bayan sa pagbaba ng mga ito sa kalunsuran. Nariyan ang iba’t-ibang choke points na kung anu-ano ang hinihingi bago makatawid ang mga produkto. Resulta nabulok na produkto.

Pang-apat, mahal na halaga ng produktong agrikultura, tulad ng baboy at gulay na humataw pa ang pahirap dahil sa pagkiling ng gobyerno na mag-import sa halip na magproduce dahil sa mas mababang halaga, kuno. Paano na si Mang Juan magsasaka na ngayon ay magsasako na? Ito ang mga tuwirang dahilan bakit hirap ang kabuhayan ni Mang Juan. Hindi pa sinasaad dito ang GDP, GNP at bagsak na halaga ng stock market. Sa madaling salita, bagsak ang kabuhayan ng bansa. Nasaan dito ang nagsasabi na gumanda ang buhay ni Mang Juan gayung hirap ito na matustusan ang pangangailangan. Ang mga estatiska’y hindi patunay na guminhawa ang buhay ni Mang Juan, ang laman ng tiyan ang basehan ng maayos na kabuhayan. Ang lahat ng bangit ng pamahalaang ito’y tunay na walang basehan at purong pangogoyo..

Sa ugnayang panlabas. Marami sa ating mga kababayan ang nahihirapan makapasok sa ibang bansa. Kung makapasok ay pinababalik dahil hindi tangap ng mga ito ang bakunang itinurok sa mga anak ni Mang Juan. Walang alam ang mga opisyal ng bansa na hindi tangap ang naturok na bakuna sa mga nagtungong kababayan sa mga bansa na di na babangitin. Asiwa ang mga pinuno ng bansa na makisalamuha sa mga embahador ng ating bansa na nagtatakip sa mga kaganapan sa Pilipinas lalo sa paglabag sa karapatang pantao.

Nariyan pa ang usapin sa WPS na lubhang mahalaga sa mga bansang dumaraan sa karagatang ito na isinusuko ni Totoy Kulambo sa mga Tsekwa. Hindi matangap ng mga bansang ito na kasapi ng UN na ganun kadaling isantabi ni TK ang pasya ng UNCLOS na mahalaga sa kabuhayan ng mundo. Ang resulta binabalewala ang panawagan ng bansa at nahihirapan na pumasok ito sa mga bansang may oportunidad para sa paghahanap buhay.

Silipin natin ang pangangailangang ayuda ng bansa. Walang nagkukusa na magbigay ng anumang ayuda sa bansa, sa halip kailangan manghingi ang bansa upang makarating ang ayuda. At ang siste, tuwiran ang pagbaba ng mga donasyon o ayuda sa mga tao at organisasyon na kaugnay ng mga bansang nais tumulong sa kababayan natin. Walang pinadadaan sa pamahalaan. Batid ng mga bansang ito ang pangogoyo at ginagawang negosyo ang mga ayudang pinadadaan sa pamahalaan. Kaya’t tuwirang pagbibigay ng ayuda ang ginagawa para kay Mang Juan.

Kay Mang Juan, Aling Marya at sa balana, suriin ang pahayag ng sino mang politiko na naghahayag na gagawin ang lahat para sa bayan. Huwag kalimutan ang karanasan at kaganapan. Hindi mapanghahawakan na kung sino ang nakaupo ay siyang nagsasabi ng totoo. Ang pangogoyo sa iyo’y naganap at patuloy na nagaganap. Ang pambibilog na mga pahayag na minsa’y nadadala at ibig mong maniwala’y muling balikan upang ‘di maligaw sa hinaharap. Harapin ang kasalukuyan at magising sa katotohanan. At sa politikong mangogoyo, batid na ng bayan na hindi kayo mabobokya sa halalan subalit pipilitin naming na kayo’y matatalo.

Maraming Salamat po!!!

The post Nangogoyo appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Nangogoyo Nangogoyo Reviewed by misfitgympal on Hunyo 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.