Facebook

Opisyal na bumoto laban sa Israel sa UN, hiniling na patalsikin

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan’…” (Si Jesus, sa Lucas 21:20-22, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

OPISYAL NG GOBYERNONG DUTERTE NA BUMOTO SA UN KONTRA ISRAEL, HINILING NA PATALSIKIN: Nananawagan ngayon sa gobyernong Duterte ang ilang mga organisasyong kumakatawan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), partikular yung mga kababayan nating nagtatrabaho sa Israel, sa agarang pagpapatalsik sa sinumang opisyal ng gobyernong Duterte na bumoto sa United Nations laban sa bansang Israel.

Inilabas ng mga OFWs ang kanilang panawagan matapos mabunyag na pumabor ang Pilipinas sa isang imbestigasyong gagawin ng UN Human Rights Commission upang alamin kung gumawa diumano ang Israel ng mga “war crimes” sa kanilang pagkikidigma sa mga Palestino ngayong Mayo 2021.

Sa pakikipag-usap ng mga OFW groups sa Kakampi Mo Ang Batas ngayong umaga ng Martes, Junio 01, 2021, sinabi nila na dapat patalsikin ang opisyal ng Pilipinas, o opisyales kung higit sa isa, na bumoto laban sa Israel. Ayon sa mga OFWs, nagkakaroon ngayon ng banta laban sa seguridad sa trabaho at maging sa buhay ng mga Pilipinong nagta-trabaho sa Israel dahil sa pabor na botong nagmula sa gobyernong Duterte laban sa bansang Israel.

Nakalagay sa balag ng alanganin ngayon ang halos lahat ng mga Pilipino na matagal-tagal na ding naghahanap-buhay sa Israel, dahil sa UN vote ng gobyernong Pilipino, dagdag pa ng mga OFWs na nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas. Sa ngayon, ayon sa mga OFWs na ito, maaari lamang maglubay ang tensiyon sa hanay ng mga Pilipinong nasa Israel at ng kanilang mga amo kung agarang patatalsikin ng Pangulong Duterte ang opisyal ng kaniyang gobyernong bumoto sa United Nations.

***

OFWs SA ISRAEL AT SA IBA PANG MGA BANSA, NAGPAPAHAYAG NG PANGAMBA SA SEGURIDAD NG KANILANG MGA BUHAY AT TRABAHO: May dahilan ang mga OFWs sa kanilang pangambang ito sa posibleng pagpapatalsik sa kanila sa kanilang mga trabaho sa Israel. Sa ngayon kasi, pormal ng pagpapadala ng kalatas ng Israel Ministry of Foreign Affairs sa Philippine ambassador to Israel na naka-base sa Tel Aviv tungkol sa isyu. Ang Philippine ambassador to Israel ay si retiradong General Macairog Alberto.

Hindi pa makausap ng media si Alberto hanggang sa mga sandaling ito, upang makuha ang kaniyang panig sa sigalot na ito. Ayon naman sa mga dalubhasa, hindi magsasalita sa media si Ambassador Alberto tungkol sa pagpapatawag sa kaniya upang pagpaliwanagin dahil mahigpit ang mga alituntunin tungkol dito sa Department of Foreign Affairs. Sa mga sensitibong isyu, tanging ang kalihim lamang ng DFA ang pupuwedeng magsalita, o di kaya ay ang pangulo ng bansa mismo, na siyang pinaka-autoridad sa foreign policy ng Pilipinas.

Ayon sa mga balitang nakarating sa Kakampi Mo Ang Batas, matindi ang naging kalatas ng Fsrael Ministry of Foreign Affairs sa gobyernong Pilipino. Ganito ang kalatas na sinasabing nilagdaan ni Gilad Cohen, Israel Ministry of Foreign Affairs’ Asia Pacific Deputy Director General : “(The Philippine vote favoring the establishment of an investigative committee against Israel over its Operation Guardian of the Walls) is simply unacceptable, and constitutes a reward for terrorism.

“It is unacceptable because it shows that a country like the Philippines, which itself endures radical and murderous Islamist terrorism in the south of the country, would support a draft resolution that ignores the Hamas terrorist organization’s war crimes. Israel expects friends such as the Philippines not to support proposals that strengthen terrorism, and to stand by us during this time.”

***

ISRAEL-PHILIPPINE FOREIGN RELATIONS, PINANGANGAMBAHANG MASIRA DAHIL SA BOTO NG RP SA UN: At mas lumalalim ang tensiyon ngayon dahil nanatiling walang tugon, at nanahimik lamang, ang Philippine Department of Foreign Affairs sa kalatas na ito ng Israel. At lalo pang umigting ang kalituhan sa naging boto ng gobyernong Pilipino laban sa Israel dahil niliwanag na agad ng Philippine Commission on Human Rights na hindi ito ang pinanggalingan ng boto laban sa Israel.

Ayon sa Commission on Human Rights ng Pilipinas, tanging ang gobyernong Duterte lamang ang may karapatang bumoto, o tumangging bumoto, sa mga isyung pinag-uusapan sa United Nations o sa iba pang international forums. Kadalasan ay bumubuto ang Pilipinas sa mga pandaigdigang isyu batay sa utos ng pinuno ng Department of Foreign Affairs.

Ang problema lang, ayon sa mga dalubhasa sa ugnayang panlabas sa UP College of Law, hindi namang nagsasalita sa kaniyang sarili lamang ang pinuno ng DFA, kundi direktang kumukuha siya ng gabay mula sa Office of the President. Sinabi din sa Kakampi Mo Ang Batas ng mga tagapagtala ng kasaysayan ng Pilipinas at ng Israel na tunay na naging kagulat-gulat sa kanila ang boto ng Pilipinas laban sa Israel sa ilalim ng gobyernong Duterte.

Ipinaala-ala nila na napakalalim ng naging ugnayan bilang mga bansa ng Pilipinas at ng Israel sa pagdaan ng mga taon. ito ay bunga ng pasya ng Pilipinas noong panahong pinapatay ang mga Israelis ng kanilang mga kaaway bago pa sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdigan. Tanging ang Pilipinas lamang kasi ang bansa na tumanggap ng mga Israelis upang tumira ang mga ito sa mga bayan at lungsod ng mga Pilipino upang makatakas sa kapinsalaan o kamatayang humahabol sa kanila ng mga panahong iyon. Ito ang dahilan kaya sa mahabang panahon, hindi naglagay ng restrictions o visa requirements ang Israel sa pagpasok sa kanilang bansa ng mga Pilipino. Ang lahat ng ito ay nalalagay ngayon sa alanganin, ayon sa mga nagmamasid ng kasaysayan.

***

REAKSIYON? KOMENTO? TANONG? Tawag, text: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com.

The post Opisyal na bumoto laban sa Israel sa UN, hiniling na patalsikin appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Opisyal na bumoto laban sa Israel sa UN, hiniling na patalsikin Opisyal na bumoto laban sa Israel sa UN, hiniling na patalsikin Reviewed by misfitgympal on Hunyo 01, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.