WALA ng kaso ng COVID-19 sa Ospital ng Tondo o OSTON.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng paanyaya niya sa lahat ng mga residente ng Tondo na may dinaranas na karamdaman ngunit takot na magtungo sa ospital dahil sa takot na mahawa sa COVID-19, na magtungo na sa OSTON at magpatingin.
Ayon kay Moreno, ang dahilan ng pagtatayo ng Manila COVID-19 Field Hospital ay upang paluwagin ang mga city–owned hospitals mula sa mga COVID-19 cases at dalhin ang mga ito sa field hospital.
“OSTON is now COVID-19 patient free. ‘Yan ang purpose ng COVID field hospital. Kunin nang kunin ang patients and put them in the field hospital para ang mga sakit na di natutugunan or kulang ang tugon ay mas mabigyan ng atensyon,” ayon kay Moreno.
Ayon sa alkalde, marami ang hindi na nagpapakonsulta at nagpapagamot sa kanilang mga malalalang sakit at napagkakaitan ng kailangang pangkalusugang pangangalaga dahil sa takot na mahawa sa COVID sa mga ospital.
Ang field hospital, ayon kay Moreno, ay kukunin ang lahat ng pasyente ng COVID-19 mula sa anim na pinatatakbong ospital ng lungsod na kinabibilangan ng mga sumusunod, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (District 1), Justice Abad Santos General Hospital (District 3), Ospital ng Sampaloc (District 4), Ospital ng Maynila (District 5) and Sta. Ana Hospital (District 6). Ang OSTON na ngayon ay COVID-free ay nasa ika-2 distrito ng Maynila.
Ang hakbang ay naglalayong ilibre na ang mga city hospitals mula sa COVID-19 cases upang makapag-concentrate ang mga ito sa pagtugon sa iba pang mga sakit na nangangailangan din ng seryosong atensyon tulad ng diabetes, sakit sa puso, sakit sa kidney at iba pa.
Sinabi ng alkalde na ang field hospital ay kumpleto sa lahat ng pasilidad na kinakailangan ng isang pasyente ng COVID-19 kabilang na ang oxygen, wifi, intercom. Magkahiwalay din ang wards ng lalaki at babae gayundin ang kanilang shower rooms at toilets.
Samantala, pinasalamatan ni Moreno ang national government para sa 22,800 doses ng Moderna vaccines na ibinigay sa Maynila at sapat para sa 11,400 indibidwal.
Sinabi ng alkalde na ang vaccine storage facility ng lungsod sa Sta. Ana Hospital ay kayang tumanggap ng kahit na anong bakuna at kahit na anong temperature ang required para dito. (ANDI GARCIA)
The post Ospital ng Tondo (OSTON), wala ng COVID-19 case appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: