Facebook

Walang ‘honeymoon period’ sa lahat ng doktor, nars at iba pang staff sa MCFH — Isko

WALANG ‘honeymoon period’ sa lahat ng mga doktor, nars at iba pang staff sa pagsisimula ng unang araw ng pagbubukas ng Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) sa June 24 kasabay ng 450th Founding Anniversary ng Lungsod ng Maynila, dahil magsisimula na silang mag-alaga ng mga pasyenteng may COVID-19.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na ang 127 kawani na opisyal na tinanggap para sa iba’t-ibang posisyon nitong nakaraang araw ay sumasailalim sa matinding pagsasanay bilang paghahanda sa kanilang mahirap na gawaing susuungin sa mga susunod na araw.

Sinabi pa ng alkalde sa mga newly-hired healthcare workers na ihanda ang kanilang sarili sa pagtanggap ng may isandaang pasyenteng may COVID-19 sa unang araw ng kanilang trabaho.

“First thing in the morning, expect that about 100 patients will come to you. Giyera kaagad, wala nang honeymoon stage so you will have to adapt, learn fast and think fast,” sabi ni Moreno.

“Mahirap ako ka-trabaho because I would require you to put your heart in it. The best part of public service is when you hear those two words —thank you,” ayon pa sa alkalde.

Ang nasabing ospital na itinayo sa record na 52-araw ay magbubukas sa June 24 at regalo ng alkalde sa mga Manileño.

Matatandaan na nagbigay si Moreno ng dalawang buwan na deadline, pero ang mga in charge na city officials na kinabibilangan nina city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at city electrician Randy Sadac ay tinapos ang pagtatayo ng ospital, walong araw bago ang itinakdang deadline.

Ayon sa alkalde ang MCFH ay itinayo upang mapaluwag ang anim na pinatatakbong ospital ng lungsod mula sa mild at moderate ng kaso ng COVID-19 upang makapag-focus naman ito sa mga seryosong kaso ng coronavirus disease at iba pang sakit.

Ang nasabing ospital ay pamumunuan ni Dr. Arlyn Dominguez at sa ilalim ng kontrol ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siya ring gumagabay sa lahat ng pagamutan ng lungsod.

Nanawagan ang alkalde sa lahat ng mga newly-hired personnel na sabihin sa kanilang mga kaibigan na qualified at gustong magsilbi sa kabila ng panganib na tumatanggap ang pamahalaang lungsod ng mga nurses, doctors at iba pang medical workers.

“If you put your heart in what you do, you will never get tired… pag sinapuso mo, di mapapagod ang isip at damdamin mo. Maaring kalawitin ka ng katawan, hilahin ka ng kama pero pag pinikit mo mata mo sa sobrang pagod you will have happy thoughts. ‘Yun ang aking baterya sa buhay. It keeps me going,” dagdag pa ni Moreno. (ANDI GARCIA)

The post Walang ‘honeymoon period’ sa lahat ng doktor, nars at iba pang staff sa MCFH — Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Walang ‘honeymoon period’ sa lahat ng doktor, nars at iba pang staff sa MCFH — Isko Walang ‘honeymoon period’ sa lahat ng doktor, nars at iba pang staff sa MCFH — Isko Reviewed by misfitgympal on Hunyo 19, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.