NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko na huwag perwisyuhin ang mga delivery rider na nag-pupursigeng maghanapbuhay lalo na at mahirap ang kasalukuyang sitwasyon dulot ng Covid-19 pandemic.
Sa panawagan ni Domagoso sa mga magtatangka lokohin at i-harass ang mga rider, isipin na lamang nila na may kanya-kanyang binubuhay na pamilya ang mga ito. Ang intensiyon lamang, aniya, ng mga delivery rider ay kumita sa tapat na pamamaraan.
Nag-ugat ang panawagan ni Yorme makaraang ma-“scam” ang may limang delivery riders nang magproseso ng pekeng food deliveries na nakapangalan kay Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga inorder at ipinadala sa Office of the Mayor nitong Huwebes ng hapon.
Nakaproseso ang limang pekeng order sa iba’t ibang mobile delivery app gamit ang iba’t ibang international mobile number.
Ayon sa text messages na natatanggap mula sa number, nag-order ang isang ‘Isko Domagoso Moreno’ ng iba’t ibang pagkain mula sa magkakaibang restaurant.
“Pakidala po sa mayors office thank you, pa-assist nlng po kayo,” bilin ng umorder sa mga delivery rider.
Kaugnay nito, nabatid kay Manila Public Information Office (MPIO) Chief, Julius Leonen, na ipinagbigay-alam na nila ang nasabing sitwasyon sa Cybercrime Division ng Manila Police District.
Bukod dito, makikipag-ugnayan narin sila sa mga mobile delivery apps hinggil sa naganap na insidente.
Nabatid din kay Leonen na binayaran na lamang lahat ni Isko ang mga idineliber na pagkain na nagkakahalaga ng P5,000 bilang tulong narin sa delivery riders na nabiktima ng panloloko. Ang mga pagkaing pizza na idineliber ng mga rider ay ibinahagi sa mga empleyado upang mapagsaluhan. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)
The post 5 DELIVERY RIDERS NA-SCAM, MGA INORDER NA PAGKAIN IPINADALA KAY ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: