Facebook

896 bgy. sa Maynila, pinaghahanda sa posibleng ECQ

BINIGYANG direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno si Barangay Bureau director Romy Bagay na maglabas ng memorandum sa 896 na punong barangay sa lungsod na nag-uutos sa kanilang maghanda sa posibleng pagpapatupad enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 Delta variant.

Ang nasabing memo na ipinalabas isang araw bago nag-anunsyo ang Malacañang ng general community quarantine (GCQ) status sa National Capital Region (NCR) mula Aug. 1 hanggang 7 ay nagsasaad na ang mga gustong magpabakuna ay papayagan na lumabas ng kanilang bahay kahit walang quarantine passes, basta maipakita lamang nila ang kanilang QR codes at waivers.

Ang mga quarantine passes ay hindi na kailangan pa ng pirma ng Manila Police District station commander na siyang may hurisdiksyon sa lugar kung saan nakatira ang magpapabakuna, dagdag pa ng alkalde.

Sa nasabi ring memo na naka-addressed hindi lamang sa punong barangay kundi maging sa miyembro ng Sangguniang Barangay at iba pang opisyal ng barangay, ay sinabi ni Bagay na gusto ng alkalde hikayatin ng mga punong barangay ang lahat ng kanilang nasasakupan na magpabakuna na hanggat maaga.

“To further carry out this directive, you are to extend all possible assistance to your constituents who wish to get vaccinated,” sabi ni Bagay

Sa kaso ng ECQ, sinabi ni Bagay na isang quarantine pass na odd-even scheme ang ibibigay sa bawat pamilya at tanging ang mga authorized persons outside residence o APOR ang papayagang lumabas ng kanilang bahay alinsunod sa regulasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF)

Ang mga quarantine pass na nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 ay papayagang lumabas upang bumili ng kanilang pangangailangan sa mga itinakdang oras sa araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes at mula alas 5 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali tuwing Linggo.

Ang mga nagtatapos naman ng 2,4,6, 8 at 0 ay maaring lumabas ng Martes, Huwebes at Sabado at mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng hapon ng Linggo.

Samantala ay pinagsabihan din ni Moreno si MPD chief BGen. Leo Francisco na ihanda ang lahat ng mga station commanders at police community precincts para sa pagpapatupad ng regulasyon kaugnay ng posibleng pagbalik sa ECQ.

Ibinigay ni Moreno ang direktiba sa pulong na ginawa nila Vice Mayor Honey Lacuna sa City Hall kasama ang ang mga kinauukulang pinuno ng mga local government units.

Bukod kay Bagay at Francisco, kasama rin sa pulong sina Manila Disaster Risk Reduction Office chief Arnel Angeles, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at mga direktor ng mga city-run hospitals na sina Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center Director Dr. Ted Martin at Justice Abad Santos General Hospital Director Dr. Merle Sacdalan.

Sa nasabing pulong ay nagbigay ng utos si Moreno na layuning pigilan ang pagkalat ng COVID-19 Delta variant sa lungsod.

Klinaro ni Bagay na ang inilabas na memo ay bilang paghahanda lamang at nauukol sa mga taga-Maynila, ito ay matapos na ang nasabing memo ay umikot sa social media kung saan nagtatanomg ang marami kung ito ay para din sa iba pang bahagi ng Metro Manila. (ANDI GARCIA)

The post 896 bgy. sa Maynila, pinaghahanda sa posibleng ECQ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
896 bgy. sa Maynila, pinaghahanda sa posibleng ECQ 896 bgy. sa Maynila, pinaghahanda sa posibleng ECQ Reviewed by misfitgympal on Hulyo 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.