NAPAKALAKI ba ng kita sa jueteng?
Natanong ko lang dahil nagulat naman ako sa P250,000 na lingguhang tara, o padulas, ang hiningi umano ng isang taong “Esing” kung tawagin mula sa isang kilalang “bookie queen”.
Ang hinirit ng alyas Esing na ‘yan ay tumaas ng P100,000 umano mula sa dating P150,000 kada linggo mula kay alyas “Renel”.
Natapos na ang jueteng ni alyas Renel sa Lungsod ng Caloocan makaraang maglabas ng direktiba si Mayor Oscar “Oca” Malapitan kay Colonel Samuel Mina, hepe ng yunit ng Philippine National Police (PNP) sa Caloocan.
Kaya, natapos ang maliligayang araw ng nasabing Renel.
Nabawasan ang kanyang kita.
Pero, hindi naman tuluyang walang kita si alyas Renel dahil ang balita ko ay namamayagpag pa rin ang kanyang negosyong jueteng sa lalawigan ng Rizal.
Pihadong kikita ang jueteng na ‘yan dahil 1 – 40 ang pagpipiliang kumbinasyon ng mga numero upang tumama ang mananaya.
Pokaragat na ‘yan!
Nakatitiyak akong napakalaki ng lingguhang tara ni alyas Renel sa kolektor ng opisyal ng PNP sa Rizal dahil mayroong isang lungsod at 13 bayan.
Ang lawak ng latag ng iligal na sugal ng naturang alyas Renel.
Kahit na natanggal si Renel sa Caloocan dahil sa sobrang buwisit ni Malapitan, saglit lang napatigil ang jueteng sa lungsod.
Balik na rin sa trabaho sina alyas “Tisay” at alyas “Boyong”.
Maligayang-maligayan na naman ang dalawa dahil siguradong kikita uli sila.
Pokaragat na ‘yan!
Ayon sa ilang sources, inaprubahan ang jueteng ng beterano sa bookies na itago nating kyut na alyas na “Bagger”.
Hindi ko alam kung magkano usapan nina alyas Bagger at ng tatay ng amo ni Mak-Mak.
Nang makarating ang impormasyon sa Northern Police District (NPD), agad kumonekta ang binabanggit kong Esing sa kampo ni alyas Bagger.
Ito ay upang iparating ang “demand” na P250,000 kada linggo ang tara.
Siyempre, hindi nagtagumpay ang misyon ni alyas Esing.
Pumalya na nga, nasigawan pa siya ng amo ni Bagger.
‘Yong amo ni Bagger ay opisyal din ng PNP.
Ang laki naman kasi ipinakokolekta ng opisyal ng NPD.
Sino ba ang opisyal na ito?
Ayaw sabihin ng ilang source dahil malalaman ko raw.
Pokaragat na yan!
Kung hinarang si Esing na bata ng pulis sa NPD, ibig sabihin nagalit ‘yung opisyal ng PNP dahil mababawasan ang kita ni alyas Bagger at ang kita n’ya.
Iba ‘yung para sa tatay ng amo ni Makmak.
Ibig sabihin malakihan ang kita sa jueteng, lalo na kung Peryahan ng Bayan ang gamit, pero 1 – 40 ang kumbinasyon ng mga tatayaang numero kaysa 1 – 36 lang na siyang itinakda ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Palagay ko, natumbok ng opisyal sa NPD na kayang-kaya ang lingguhang P250,000 dahil mahirap manalo sa larong 1 – 40.
The post Alyas ‘Esing’ lingguhang P250,000 ang hiningi para sa NPD official appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: