Facebook

Bagac Mayor Ramil del Rosario kaibigan ng Empress Poultry Farm

MAINIT na parang ‘hot pandesal’ ang Police Files Tonite sa ilang bahagi ng bayan ng Bagac sa Bataan makaraang isiwalat at talakayin dito sa BIGWAS! nitong Hulyo 11 ang reklamo ng halos 2,000 residente sa Barangay Binukawan laban sa EMPRESS Poultry Farm

Ang partikular na reklamo ng mga residente ay tungkol sa sobrang perwisyong dulot sa kanila ng napakaraming langaw sa nasabing barangay dahil sa EMPRESS Poultry Farm.

Para sa kaalaman ni Mayor Ramil del Rosario, napakasama ng epekto ng langaw sa kalusuan ng mga tao.

Walang pinipili ang langaw, matanda man, o bata, mayaman, o mahirap.

Ngunit, walang aksyon ang mga opisyal ng Barangay Binukawan at maging ang alkalde ng Bagac na si Mayor Ramil del Rosario.

Pokaragat na ‘yan!

Ipinarating sa BIGWAS! na ang may-ari ng EMPRESS Poultry Farm na ang apelyido raw ay “Banzon” ay kaibigan ni Mayor Del Rosario.

Si Banzon din umano ang natitsismis na may-ari ng Royal Crowne Hotel na matatagpuan din sa Bagac.

Ano naman kaya ang pagmamay-ari ni Mayor Ramil del Rosario?

Mga lupa?! Resort?!

Wala namang masamang maging kaibigan ng alkalde ang negosyanteng si Banzon.

Walang problema kahit na maging kaibigan ni Del Rosario maging ang bilyonaryong negosyanteng si “Jose Acuzar”.

Ang masama ay kung sadyang benalewala at ipinagpalit ni Del Rosario sa may-ari ng EMPRESS Poultry Farm ang mga residente na nagluklok sa kanya sa kapangyarihan noong eleksiyon.

At ang higit na masama ay kung patuloy na magbingi-bingihan at magbulag-bulagan si Mayor Del Rosario sa hinaing ng mga residente ng Barangay Binukawan.

Pokaragat na ‘yan!

Sana po, huwag ‘dumayo’ at ‘lumusob’ sa munisipyo hanggang opisina ni Mayor Ramil del Rosario ang mga langaw.

Sana po, huwag pasukin ang dalawang butas ng ilong ni Mayor Ramil del Rosario ng mga langaw, sa gayon hindi niya maramdamasa kalusugan ng tao ang direktang perwisyo ng mga langaw na nagkuta sa paligid ng EMPRESS Poultry Farn.

Banggit ng mga residente sa Barangay Binukawan, kagyat nilang suliranin ang mga langaw, sapagkat sapul na sapul ang kanilang kapaligiran at kalusugan.

Dati, hindi problema ng mga residente ang mga langaw dahil hindi naman nilalangaw ang kanilang barangay.

Nagsimulang kahiligang mag-ikot at tumambay araw-araw ang mga langaw sa Barangay Binukawan nang magkaroon ng EMPRESS Poultry Farm sa nasabing lugar.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon sa mga residente, napatigil ang operasyon ng EMPRESS Poultry Farm noong 2018 dahil ipanasara ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) maraang matiyak nitong matibay at malakas ang mga ebidensiya sa paglabag sa mga batas patungkol sa Clean Water Act, National Zonal Code, National Sanitation Code, kakulangan ng mga permiso sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, at iba pang alituntuning magbibigay ng proteksyon sa kalusugan ng mga residente ng apektadong lugar.

Pagkaraan ng ilang buwan, bukas na uli ang EMPRESS Poultry Farm.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi na ipinarating ng mga residente sa barangay ang kanilang suliranin at reklamo tungkol sa pesteng langaw dahil wala silang mapapala rito.

Hindi naman daw umaaksyon ang barangay hinggil sa kanilang reklamo.

Nang iparating nila sa pamahalaang bayan ang kanilang reklamo, itinuro ang barangay.

Hindi raw lumagda ang kapitan sa dokumento laban sa EMPRESS Poultry Farm, dahilan upang hindi umaksyon ang pamahalaang bayan ng Bagac na pinamumunuan ni Mayor Ramil del Rosario.

Sino ba ang kapitan ninyo’t hindi kumikilos?

Huwag na ninyong ihalal ang taong ‘yan sa Disyembre 2022!

Pokaragat na ‘yan!

Mula 2018, walang nangyari dahil walang aksyon ang barangay, walang aksyon ang alkalde.

Hindi na umaksyon ang DENR.

Ayon sa mga residente, napakarami nang nagkakasakit sa kanila.

Tapos, ang nag-iisang sapa sa kanilang lugar ay ‘nalason’ na ng mga langaw dahil dito raw itinatapos ang kung anu-anong parte ng mga kinatay na manok.

Pokaragat na ‘yan!

Ayaw kong husgahang kontra-mamamayan at walang malasakit kahit katiting si Mayor Ramil del Rosario dahil sa labis niyang pagmamahal sa negosyanteng si Banzon at pagmamalasakit sa negosyo ng EMPRESS Poultry Farm.

Ngunit, ipinabatid din sa akin ng mga taong mayroong nalalaman sa pamahalaang bayan ng Bagac na maraming kawani rito na ang kategorya ay “Job Order” (J.O.) ang hindi pa sumasahod.

Ang katwiran umano ng administrayon ni Del Rosario ay “walang pera” ang pamahalaang lokal.

Pokaragat na ‘yan!

Inililinaw ko po, hindi ko inaaway si Mayor Ramil del Rosario, sa halip siya ay kinukumbinsi kong umaksyon para sa interes at kagalingan ng mga residente ng Barangay Binukawan.

Aksyonan na rin ni Del Rosario ang problema sa sahod ng mga kawani na J.O. ang istatus.

The post Bagac Mayor Ramil del Rosario kaibigan ng Empress Poultry Farm appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bagac Mayor Ramil del Rosario kaibigan ng Empress Poultry Farm Bagac Mayor Ramil del Rosario kaibigan ng Empress Poultry Farm Reviewed by misfitgympal on Hulyo 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.