IGINIGIIT sa amin ng ilang netizen na tatakbo si Leni Robredo sa panguluhan sa 2022. Kapag tinatanong ko kung ano ang basehan ng kanilang pananaw, wala silang ibinibigay na paliwanag. Basta tatakbo, ang pakutya nilang sinabi sa amin. Basta maghintay kayo at magdedesisyon siya sa hinaharap. Susme, pinaghintay pa kami sa wala. Tinatawanan namin ang ganyang salita dahil alam namin na mga panatikong tagasuporta ni Leni ang nagsasalita ng ganyan. Hindi sila iba sa mga DDS. “Kayo na lang ang maghintay,” ang sagot namin.
Kung biglang umiba ang ihip ng hangin at magdesisyon bigla si Leni na tumakbo, batid namin sa kaibuturan ng aming puso na pupulutin siya sa kangkungan. Hindi siya mananalo at hindi sapat ang boto ng mga panatiko para dalhin siya sa tugatog ng tagumpay. Hindi desisyon ni Leni kung tatakbo o hindi ang kailangan sa pukpukang labanan.
Kailangan ang sapat na paghahanda sa halalan sa 2022 dahil hindi ordinaryong puwersa ang mga kalaban. Sila ang puwersa ng kadiliman; sila ang mga kampon ng kasamaan at nabubuhay sila sa paggawa ng kasamaan. May organisasyon sila at sa kanila ang Comelec at burukrasya. Hawak nila ang kaban ng bayan na maaaring gamitin upang manatili sa pwesto. Hindi puede ang “pakipot politics” sa ganyang labanan.
Samantala, walang paghahanda ang Liberal Party para sumabak sa 2022. Si Leni na mismo ang nagsabi at umamin na nawalan ng tao ang Liberal Party at sumama sa naghaharing koalisyon dahil nandoon ang biyaya. Sa salitang balbal, pinindeho ang Liberal Party ng mga dating kasama. May katwiran na magdalawang isip si Leni sa bigat ng laban. Ito ang dahilan kung nagsasalawahan siya na sumabak.
Ngunit mas may katwiran si Sonny Trillanes na hindi dapat tumalikod sa laban. Kung totoong lider ang isang pulitiko, huwag tumalikod at, sa halip, harapin ang bigat ng laban. Kahit sa liga ng barangay sa basketball, hindi pwede na basta hindi sisipot sa gabi ng laro at mananalo pa. Ang koponan na hindi sumipot at lumaban ay idineklarang talo sa default. Hindi naiintindihan ni Leni Robredo iyan.
Kung magdesisyon siya na tumakbo at lumaban, paano mananalo si Leni sa ilalim ng Liberal Party na walang ginawang party rebuilding para sa 2022? Wala itong party recruitment dahil hindi ito nangalap ng bagong kasapi na magpapalakas sa lapian. Dahil wala itong bagong kasapi, walang party education sa mga kasapi. Paano mauunawaan ng mga kasapi ang ibig sabihin ng demokrasya at mga kalayaan na tinatamasa natin?
Walang party assignment sa mga kasapi. Wala nabalitang party committee na binubuo para sa ibang atas ng lapian para sa susunod na halalan. Bukod diyan, hindi nangalap ng pondo ang lapian para sa susunod na halalan. Sa maikli, walang fund-raising ang lapian. Hindi nila masabi ng tahasan kung may sapat na pondo sila na maaaring gamitin upang sumabak sa 2022.
Walang ginawa si Leni bilang chairman ng Liberal Party lalo na sa paghahanda. Isang taon ang kanyang sinayang para sa anumang paghahanda. Ipinagmamalaki pa nga niya na wala siyang paghahanda. Tahasan namin sinasabi na hindi ito liderato para sa isang lapian na may matingkad na bahagi sa kasaysayan ng bansa. Hindi ganito ang sumabak sa 2022.
Kung ihahambing ang Liberal Party ni Leni sa ibang grupo at lapian, mayroon silang mga sinusunod na plano. May sarili silang istratehiya at taktika para sa laban. May mga malilinaw na paghahanda sa 2022. Hindi tulad ni Leni na ipinagmamalaki pa na wala siyang paghahanda. Hindi estratehiya ang pinaghihintay kahit mga kakampi sa kanyang desisyon kung tatakbo o hindi. Kawalang galang ito sa kanila.
Tama ang kaibigan namin na kolumnista na si Dante Zamora. Kung bantulot tumakbo ang sinasabing pinakamalakas na kandidato ng oposisyom, lipat tayo ng taya, aniya. Doon tayo sa Astig, aniya. Kilala sa sanlibutan ang binanggit na Astig ng kaibigang Dante Zamora.
***
DAHIL nahalal na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) si Bishop Pablo David ng Diocese of Caloocan, nakikita namin ang napakalaking papel na ginagampanan ng Obispo sa kasaysayan. Tama ang kaibigan na kolumnista na si Bobot Fradejas na tungkulin niya na siguraduhin na malinis, malaya, at matapat ang halalan sa 2022. Papel ni Bishop Ambo na maging pangunahing saksi sa santambak na karumaldumal na patayan sa kanyang lugar kaugnay ng madugo at bigong digmaan kontra droga ni Duterte.
Maraming datos at dokumento na hawak si Bishop Ambo. Hindi kami magtaka kung iharap niya ang mga ito sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC). Magsisimula na kasi ang pagsisiyasat ng ICC kaugnay sa sakdal na crimes against humanity na iniharap sa ICC ni Sonny Trillanes ay Gary Alejano laban kay Duterte at mga kasakapat na sina Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, Dick Gordon, Jose Calida at iba pa. Sumulong ang sakdal at kinatigan ang information na isinumite nina Trillanes at Alejano sa ICC. Inaasahan na ito ang magdomina sa mga balita sa panahon ng kampanya sa halalan.
***
HINDI biro ang nangyayari sa naghaharing koalisyon ni Duterte. Unti-unti itong nalulusaw at nahahati dahil sa magkatunggaling ambisyon ng ilang personalidad sa halalan sa 2022. Unang kumawala si Mane Pacquiao kay Duterte at koalisyon at naglayag mag-isa katulong si Kokok Pimentel sa kanilang paksyon sa PDP-Laban. Umaastang oposisyonista kahit hindi niya ganap na nauunawaan ang pinagsasabi at ipinaglalaban niya. Kakatwa pero totoo na nakikipag-boksing si Mane sa larangan ng pulitika.
Naglayag na rin mag-isa si Sara Duterte. Itinatwa ang ama at Bong Go sa ngalan ng ambisyon at pulitika. Ginamit ang Hugpong ng Pagkakaisa na hindi malaman kung lapian o party list group, nakipag-alyansa siya kay GMA at asawa, Ronnie Puno, Narsing Santiago, at sino-sino pang mga kilalang political operator. Samantala, naiwan si Duterte at ipinagtutulakan ang kanyang personal na pinili – Bong Go. Wala naman taker kay Bong Go maliban sa pakyon ng PDP-Laban na pinangungunahan ng isang utusan, si Ponso Cusi.
May mga biro kay Bong Go mula sa mga netizen. Hindi umano mananalo si Bong Go sa 2022 dahil wala siyang winning face. Hindi sa panig ng panalo ang kanyang mukha. Hindi naming alam kung totoo. Subukan na lang sa 2022. Samantala, nangunguna sa ilang survey si Sara, ngunit may mga paninindigan na hindi naililipat ang kamandag ng ama sa anak na kilalang bugnutin, o spoiled brat. Tingnan natin.
***
QUOTE UNQUOTE: “The Aquinos never sought to extend their stay, even by a minute. They saw power as a burden, not a perk. Quite a contrast to all this noise about ‘continuity’ and ‘equilibrium’ we are hearing nowadays.” – John Molo, netizen
“If the rule of Ferdinand and Imelda Marcos was called a ‘Conjugal Dictatorship,’ can we call the rule of Rodrigo Duterte and Bong Go a ‘Bromance Dictatorship?’” – Sajid Sinsuat Glang, netizen
“I disagree with Bebot Bello’s words to abolish Bar Exams. What should be abolished is the grading system. Passed or failed na lang.” – PL, netizen
The post Walang panalo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: