Facebook

Bong Go sa mga ospital: Ibigay ang lahat ng tulong medikal sa mahihirap

BINATI ni Senator Christopher “Bong” Go ang mamamayan ng Surigao del Sur sa pagkakaroon ng unang Malasakit Center sa Lianga District Hospital sa Lianga town na binuksan noong Sabado.

Ang ika-128 Malasakit Center ay siya namang ikaapat sa Caraga region, kasunod ng nasa Siargao Island Medical Center, Caraga Regional Hospital sa Surigao City sa Surigao del Norte, at sa Butuan Medical Center sa Butuan City, Agusan del Norte.

“Masaya ako na mayroon na tayong 128 na Malasakit Center na handang tumulong sa mga Pilipino. Kakabukas lang natin last week sa Siargao Island sa Surigao del Norte. So, natutuwa ako na nadagdagan ang locations sa Mindanao at patuloy ang pagbubukas natin sa buong bansa,” ayon kay Go.

Layon ng Malasakit Center na ang medical assistance programs ng pamahalaan ay maging accessible sa lahat sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa iisang bubong ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang pangunahing misyon nito ay mabawasan, kundi man mailibre, ang hospital bill sa pinakamamabang halaga ng mahihirap na pasyente, sa ilalim ng Malasakit Centers Act of 2019 na iniakda at inisponsoran sa Senado ni Go.

Kaya naman labis ang pakiusap ni Go sa mga ospital na ibigay ang lahat ng posibleng tulong medikal sa mga mahihirap na pasyente upang hindi sila mahirapan hanggang sa tulungang makarekober sa sakit.

“Para ito sa mga poor at indigent patients. Pakiusap sa mga hospital staff at social workers, tulungan ninyo ang mga kababayan nating mahihirap. Huwag niyo silang pababayaan. Bihira naman pupunta ang mga mayayaman sa mga pampublikong ospital. Ang pupunta dito ay ‘yung mga mahihirap na walang matakbuhan,” apela ni Go.

Hiniling din ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, sa mga pampublikong ospital na gamitan nang maayos ang kanilang pondo sa indigent patients.

Inalok naman niya ng tulong ang mga pasyente na kinakailangang mailipat sa mas malalalaking ospital sa Metro Manila o sa Davao City.

“Kung kulang pa ang tulong ng mga ahensya, (may) pondo rin ang Office of the President dyan. Wala nang dahilan para hindi natin sila tulungan. Gamitin niyo ang pera ng gobyerno sa mga kapos palad natin na pasyente,” sabi ni Go.

“Ngayon, kung may hindi kayang operahan diyan, magsabi lang kayo at kami na ni Pangulong (Rodrigo Duterte) ang sasalo sa kanila. Kaya ayaw magpa-check up at lumalala ang kondisyon ng maraming Pilipino dahil wala silang pambayad. Magtutulungan tayo para masalba sila. Iyan naman ang trabaho namin, ang makatulong,” anang senador.

Pinasalamatan ng senador ang medical community sa lahat ng kanilang pagsisikap at sakripisyo sa panahon ng pandemya.

Tiniyak din niya na ginagawa ng pambansang pamahalaan ang lahat para mapabilis ang rollout ng COVID-19 vaccination program sa buong bansa.

Sinabi ng senator na ang mga bakunado ay hindi lamang protektado sa COVID-19 kundi maging sa iba pang malalang sakit.

“Habang patuloy tayong nagbabakuna, ‘wag tayo maging kumpiyansa dahil delikado itong COVID-19. Target natin ma-achieve ang population protection this year at ang herd immunity by early next year para unti-unti na natin fully mabuksan ang ekonomiya. Iyan ang hiling namin palagi ni Pangulong Duterte.”

“Ang importante ay buhay tayo at malampasan natin ang pandemyang ito. Kailangan natin magmalasakit at magbayanihan. Hindi namin kaya ng Pangulo ito kung hindi tayo magtutulungan,” ayon pa sa senador.

The post Bong Go sa mga ospital: Ibigay ang lahat ng tulong medikal sa mahihirap appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa mga ospital: Ibigay ang lahat ng tulong medikal sa mahihirap Bong Go sa mga ospital: Ibigay ang lahat ng tulong medikal sa mahihirap Reviewed by misfitgympal on Hulyo 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.