STA. ELENA, Camarines Norte – Nadiskubre ang bangkay ng isang babae sa loob ng inabandonang kotse sa gilid ng Maharlika Highway, Barangay Don Tomas, Santa Elena, Camarines Norte, Linggo ng umaga.
Sa ulat, nasa advance stage of decomposition na ang bangkay kaya napansin ng mga residente sa lugar ang masangsang na amoy na nagmumula sa kotse.
Ayon sa mga residente, Huwebes, Hulyo 22, ng madaling araw pa nila napansin ang kotse sa gilid ng highway.
Akala, anila, nasiraan lamang ang sasakyan at iniwan doon ng may-ari.
Noong Sabado, nagtaka ang mga residente dahil wala pang kumukuha sa kotse.
Hanggang nitong Linggo ng umaga ay nilapitan na ang kotse ng isang residente dahil sa masangsang na amoy na nagmumula rito. Nang silipin ang loob ng sasakyan, nakita ang bangkay.
Sa report ng Santa Elena Municipal Police Station (MPS), may rekord sa border checkpoint ng Camarines Norte ang pagpasok ng kotse sa probinsya July 19, 2021, lulan ang dalawang tao.
Kasama ang mga kinatawan ng PNP Explosive Ordinance Disposal unit, sinuri muna ng mga awtoridad ang kotse bago ito binuksan upang matiyak na ligtas ito.
Sa pagsisiyasat ng SOCO sa crime scene, nakita ang mga ID at iba pang dokumento sa bag ng babae.
Nakita sa isang ID ang pangalang Mary Ann Galicia Esguerra ng Barangay San Andres, Cainta, Rizal.
Nitong Linggo ng hapon, positibong kinilala ng kanyang kaanak ang biktima na natagpuan sa loob ng inabandonang kotse.
Nagtungo sa Santa Elena MPS ang kaanak at kinilala ang bangkay na si Mary Ann Galicia Esguerra ng Paracale, Camarines Norte.
Ayon sa mga pulis, ilang araw nang hinahanap si Mary Ann.
Isinailalim sa autopsy nitong Lunes, July 26, ang labi ni Mary Ann upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.
Inaalam narin kung sino ang huling kasama ng biktima nang huli itong makitang buhay pa.
The post Bangkay ng babae nadiskubre sa loob ng kotse appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: