DINAKIP ang isang barangay kagawad sa Maynila ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at kasabwat nito sa pagbebenta ng vaccine slot sa isang pampublikong eskuwelahan sa lungsod.
Kinilala ang naaresto na sina Arturo Magtalas, barangay kagawad; at kasabwat na si Benjie Montaos.
Sa ulat, naaresto ang dalawa sa entrapment operation sa General Vicente Lim Elementary School sa Barangay 106, Tondo noong Sabado.
Ayon sa report, ibinibenta ng dalawa ang vaccine slots sa mga manggagawang Chinese sa Philippine offshore gaming operators (POGO).
Ikinasa ng NBI Special Action Unit ang operasyon nang makatanggap ng impormasyon na nagbebenta ng 10 vaccine slots si Montaos sa halagang P6,000 bawat vial.
Ayon sa NBI, naaresto ang dalawa habang iniaabot ang vaccination stubs sa ahente ng NBI na nagpanggap na magpapabakuna. Nakuha rin sa kanila ang marked money.
Sinabi pa ng NBI, inatasan ng dalawa ang mga magpapabakuna na magrehistro sa Manila City Hall upang mabigyan ng QR codes.
Kakasuhan ng graft at paglabag sa Anti-Red Tape Act sina Magtalas at Montaos.
Mahaharap din si Magtalas sa hiwalay na reklamo para sa paglabag ng Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Nitong July 23, naaresto rin si Mary ‘Rosebud” Ong at kanyang mga kasabwat dahil din sa pagbebenta ng vaccine slots sa mga Chinese national sa Pasay City.(Jocelyn Domenden)
The post Bgy. kagawad sa Maynila, 1 pa timbog sa ‘vaccine slot for sale’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: