Facebook

Bong Go: Bilisan pamimigay ng ‘ayuda’ sa apektado ng ECQ

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang naging desisyon ng pamahalaan na bigyan ng special financial assistance ang mga residente ng Iloilo province, Iloilo City, Cagayan de Oro City at Gingoog City, Misamis Oriental na naapektuhan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine restrictions noong Hulyo 16 hanggang 31 na nag-extend hanggang Agosto 7.

Ang pondo ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis program ng Department of Social Welfare and Development na ililipat sa concerned local governments na siya namang mamamahala ng distribuyon ng ayuda.

“Nakikiusap ako sa gobyerno na bilisan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng ECQ sa lugar nila. Siguraduhin dapat na nakarating sa mga nangangailangan ang ayuda na inilaan sa kanila,” sabi ni Go.

Ang quarantine status sa mga nasabing lugar ay base sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Kasunod nito’y inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang national government ay magkakalaoob ng ayuda sa mga apektadong LGUs.

Bilang vice chair ng Senate committee on finance, personal na umapela si Go sa lahat ng implementing agencies na bilisan ang paglalabas ng Supplemental Amelioration Program kasunod ng paglalagay sa ECQ sa mga tinukoy na critical areas.

Ipinaliwanag ng senador na bahagi ng misyon ng gobyerno na mailigtas ang buhay sa pamamagitan ng pagtugon sa kagutumunan at kahirapan lalo ngayong panahon ng krisis.

“Ako naman, bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang prayoridad natin ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat diyan ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin po ang gutom at kahirapan,” sabi ni Go.

“Dahil kinailangan magdeklara ng ECQ, dapat lang na ibigay rin natin ang anumang tulong na kaya nating ibigay para sa mga tao. Habang pinipilit nating manatili sila sa bahay, siguraduhin rin nating ligtas sila at may pang-kain sa kanilang pamilya,” idinagdag niya.

Samantala, iginiit din ni Go sa executive department na tiyaking mabibigyan din ng ayuda ang “poorest of the poor” na labis na maaapektuhan ng ECQ sa NCR simula August 6 hanggang 20.

“Ang apela ko sa mga ahensya ng gobyerno ay siguraduhing merong sapat na pondo para mabigyan ng ayuda ang mga pinakamahihirap at pinakanangangailangan na kababayan natin sa mga lugar na magiging under ng ECQ.”

“Tandaan natin na may mga pamilyang pinapakain ang mga kababayan nating pansamantalang mawawalan ng kabuhayan, lalo na ang mga daily wage earners at mga isang kahig, isang tuka. Kaya dapat handa ang gobyerno na mabigyan sila ng pantawid kahit konti. Habang nilalabanan natin ang COVID-19, dapat tugunan din natin ang gutom at kahirapan na epekto nito,” ayon sa mambabatas.

The post Bong Go: Bilisan pamimigay ng ‘ayuda’ sa apektado ng ECQ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Bilisan pamimigay ng ‘ayuda’ sa apektado ng ECQ Bong Go: Bilisan pamimigay ng ‘ayuda’ sa apektado ng ECQ Reviewed by misfitgympal on Hulyo 31, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.