TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na ang pagsisikap ng pamahalaan upang malabanan ang pandemya ay nakabase lahat sa “good science” at sa maayos na pamamaraan habang unti-unting nire-relax ang travel restrictions sa mga indibidwal na “fully vaccinated” na.
“Calibrated po lahat ng approach ng gobyerno. Bawat araw po pinag-uusapan, pinag-aaralan. It is based on good science always at tinitingnan naman natin,” sabi ni Go sa groundbreaking ceremony ng Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police Housing Project sa Pulangbato, Cebu City.
“May mga improvements naman nangyayari not only dito sa ating bansa kundi pati na rin po sa ibang bansa. Pinag-aaralan po ‘yan ng ating mga experts. Halimbawa, ‘yung local tourist magtravel daw sila ipapakita lang po na you must be vaccinated with two doses na pwede na kayo mag travel without RT-PCR. ‘Yan po ay pinag-aaralan ng gobyerno.
Sinabi ni Go na kapag bakunado na ang isang indibiwal ay maaring protektado na siya sa virus at maluwag nang makabibiyahe saan man niya gustuhin.
Ang mga fully vaccinated people ay kinakailangan na lamang magsumite ng vaccination card para sa inter-zonal travel gayundin sa intra-zonal mobility sa ilalim ng binagong travel protocols ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases Resolution No. 124-5 na inilabas noong July 4.
Nangangahulugan ito na inaalis na rin ang negative swab test requirement.
Ang mga fully vaccinated na kabilang sa Compassionate Special Permit o Emergency Use Authorization List na isyu ng Philippine Food and Drug Administration o Emergency Use Listing ng World Health Organization ay covered ng bagong protocols.
Kaya naman muling ipinalala ni Go sa lahat ng Filipino na magpabakuna habang unti-unting ibinabalik ng gobyerno ang physical mobility pati ang pagbubukas ng pintuan para sa ligtas na pagbibiyahe.
“Mga kababayan ko, makinig kayong mabuti, kung gusto niyo na po makalabas, gusto niyo na po maka-travel, eh di magpabakuna na po kayo. Kita niyo ngayon, hindi niyo na kailangan magpa-test,” anang senador.
“’Yung bakuna isang saksak lang, ‘yung test sa ilong ninyo. Masakit ang ilong ninyo, panay kalikot sa ilong ninyo, tapos masakit pa talaga. Ngayon na bakunado na kayo, hindi niyo kailangan i-test, makaka-travel na kayo,” idinagdag ng senador.
“Pinag-aaralan naman po ang lahat. Dati parang 14 days quarantine period, ngayon pwede nang seven days pag bakunado ka na,” sinabi pa niya.
Ngunit habang niluluwagan ang quarantine protocols, iginiit ni Go na nananatiling prayoridad ng gobyerno ang health and safety ng Filipino kaya hiniling niya na manatiling mapagbantay at nakikipagtulungan sa mga awtoridad.
“Unti-unting bubuksan ang ating quarantine protocols pero tandaan lang po natin parati nasa isipan po namin sa gobyerno ang kalusugan at buhay po ng bawat Pilipino.”
“Unahin po natin ang buhay dahil isang beses lang tayo dadaan sa mundong ito. Before anything else, safety first po ng Pilipino,” ani Go.
Nakiusap si Go sa lahat na huwag magalit sa gobyerno kung paulit-ulit ang quarantine restrictions dahil para ito sa kapakanan ng bawat Pilipino.
The post Bong Go: Kapag bakunado ka, makabibiyahe ka! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: