NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na tulungan ang pamahalaan na matukoy, makasuhan at maparusahan ang mga korap na pampublikong opisyal sa pamamagitan ng pagrereport sa kanilang mga iligal na gawain sa ahensiya ng gobyerno.
Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng akusasyon ni Senator Manny Pacquiao na lumala raw ang korapsyon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kung meron po kayong nalalaman na mga corrupt na opisyal, isumbong nyo po sa PACC (Presidential Anti-Corruption Commission), isumbong nyo po kay Pangulong (Rodrigo) Duterte. Ako naman po, bilang senador, kaisa po tayo d’yan para labanan ang korapsyon sa gobyerno,” sabi ni Go matapos niyang bistihan ang mga nasunugan sa San Rafael Village, Navotas City.
“Isa po yan sa ipinangako ni Pangulong Duterte, nung unang araw ng kanyang termino, labanan ang korapsyon sa gobyerno, labanan ang iligal na droga, labanan ang kriminalidad. Itong korapsyon, halos linggu-linggo may pinapangalanan si Pangulo. Halos linggu-linggo, meron siyang dini-dismiss. Halos linggu-linggo, meron pong mga suspindido,” idinagdag niya.
Ayon sa senador, ang tanggapan ng Pangulo at ang kanyang opisina ay laging bukas at handang makinig sa mga sumbong na katiwalian laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Bagama’t sadyang mahirap na masupil ang korapsyon, idinagdag ni Go na hindi kailanman kukusintihin ni Pangulong Duterte ang katiwalian, kung sino man ang may sala o masagasaan.
“Bukas po ang aming tanggapan. Kapag merong nababalitaan, sinisibak po ‘yan ni Pangulong Duterte at hindi po tayo titigil. Ako po ay naniniwala kay Pangulong Duterte na seryoso po siya na labanan ang korapsyon. Seryoso po tayo na labanan ang korapsyon sa gobyerno.”
“Kahit na tumulong ka nung kampanya, kahit na kaibigan ka namin ni Pangulong Duterte, kapag pumasok ka sa korapsyon, sibak ka. Wala pong sinasanto si Pangulong Duterte,” anang senador.
Kaya naman hinamon ni Go ang mga nag-aakusa, gaya ni Pacquiao, na pangalanan ang mga korap, upang maimbestigahan ng concerned agencies at sila ay maparusahan.
“Tukuyin n’yo po. Seryoso po itong kampanya laban sa korapsyon sa gobyerno. Labanan ang korapsyon sa gobyerno. Iisa po tayo dyan. Magkaisa po tayo labanan ang korapsyon,” ayon sa mambabatas.
The post Bong Go sa publiko: Mga korap sa gobyerno, ituro nyo! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: