PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong President Rodrigo Duterte sa pagdedeklara sa June 19 bilang Filipino Social Workers’ Day, kumikilala sa hindi matatawarang papel ng social workers sa pagpo-promote ng karapatan ng mahihirap at vulnerable sectors.
“Sinusuportahan at kinokomendahan ko ang deklarasyon ng June 19 bilang Filipino Social Workers’ Day upang magsilbing paalala sa lahat ng mga Pilipino sa serbisyo na iginagawad sa lipunan ng ating mga magigiting at masisipag na social workers,” ayon kay Go.
“Sa gitna ng pandemya, hindi po tumigil ang ating social workers na magtrabaho upang gampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang mga kababayan. Napakaliit na bagay po nito kumpara sa mga sakripisyo nila, lalu na sa gitna ng kasalukuyang pandemya,” idinagdag ng senador.
Pinasalamatan din ni Go ang social workers sa ginagawang pagtiyak na mapagsilbihan ang mga Filipino na nasa mahirap at liblib na komunidad.
Partikular niyang kinilala ang mga social worker na dumadalo sa pangangailangan ng mga pasyente at benepisyaryo sa 125 Malasakit Centers na naitayo sa buong bansa.
“May mga social workers at personnel na nasa mga Malasakit Centers para tumulong sa ating mga kababayan. Kung hindi po dahil sa kanila, hindi magiging buo at makararating sa ating mga kababayan ang serbisyo galing sa mga center na ito,” ani Go.
Nilagdaan noong June 25, ang Proclamation No. 1176 ay nag-aatas sa Department of Social Welfare and Development na pangunahan ang pagsasagawa o paggunita sa Filipino Social Workers’ Day.
“Sa mga panahong ito kung saan andyan ang banta sa kalusugan at buhay ng ating mga mamamayan, pinili ng mga kawani ng pamahalaan na magsilbi sa bayan. Imbes na uunahin nila ang kapakanan ng kanilang pamilya, ninais nilang patuloy na magtrabaho sa kani-kanilang mga opisina upang hindi maputol ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa lahat.”
“Nararapat lamang na kilalanin at bigyan ng pagpapahalaga ang mga sakripisyong ito,” ayon sa senador.
The post Pagdedeklara sa June 19 bilang Filipino Social Workers’ Day, pinuri ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: