NAGPAALALA kahapon ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) sa publiko na hindi pa rin dapat na maging kampante at magpabaya kahit pa nasa low-risk classification na ang COVID-19 situation sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nananatili pa rin ang banta ng sakit kaya’t dapat pa ring maging maingat ang mga mamamayan upang hindi dapuan nito.
Sinabi pa nito na marami pa ring rehiyon sa bansa ang nakapagtatala nang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit.
Nauna rito, noong Huwebes, sinabi ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman na ang bansa ay nasa low national risk classification na sa COVID-19 matapos na makapagtala ng -9% na two-week growth rate mula Hunyo 13 hanggang 26 at 5.42 na average daily attack rate (ADAR).
Ang national utilization rates naman umano ng mga hospital na nasa 46.51% at intensive care unit beds na nasa 55.24%, ay nasa safe zone na rin.
Sinabi naman ni Vergeire na ang low-risk classification ay hindi naman dapat na i-advertise at hindi rin ito dapat na maging dahilan upang maging kampante ang mga Pinoy.
Nangangahulugan lamang ito na nama-manage ng bansa ang pagtaas ng COVID-19 cases ngunit marami pa ring lugar ang dapat na i-monitor.
Paglilinaw pa niya, hindi nila idinideklara na nasa low risk na ang bansa at sa halip, ito ay factual figure lamang na kanilang iprinisinta base sa kanilang mga parameters.
“The national picture would show na yes we are at the low risk based on the two-week growth rate and the average attack rate,” sabi ni Vergeire, sa Laging Handa press briefing. “Pero kung titingnan natin ang bawat rehiyon sa ating bansa makikita natin na may mga rehiyon na pataas ang kaso. So this low-risk classification should not be advertised or hindi dapat ma-encourage ang aming kababayan na maging complacent.”
“Nasabi lang na ito ang factual na figure na we are at low risk. Katulad ng sinasabi natin patuloy na sinasabi na, tama na ang situation ay fragile at this point kaya tuloy-tuloy ang pag-ingat,” dagdap pa nito.
Idinagdag pa ni Vergeire na ang sitwasyon ay maselan pa rin at kinakailangan pa rin ng mga Pinoy na istriktong tumalima sa ipinaiiral na minimum public health standards (MPHS) upang magpatuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. (ANDI GARCIA)
The post Publiko, ‘di dapat magpabaya kahit low-risk na ang classification ng bansa sa COVID-19 – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: