PATUNAY na malapit na ang halalan sa bayang ito. Naglipana na ang mga tarpaulin na nagsasaad ng iba’t-ibang proyekto ng mga politiko upang masabing may ginawa ito sa distritong nasasakupan. Sa Lunsod ng Quezon makikikita ang ‘di mabilang na pagbabandera ng mga proyekto partikular ang 1st term Congressman ng District IV.
Sinasabit ng mga disipulo nito ang mga banderang tarpaulin kahit sa kawad ng kuryente’y hindi pinalampas upang ipakita ang mga proyektong nagawa at gagawin sa termino bilang Congressman. Ngunit sa totoo lang walang makitang tuwirang proyekto na masasabing may pakinabang si Mang Juan at ang mga anak nito. O’ talagang malapit na ang halalan at kailangang muling magpabida upang magrehistro ang ngalan nito sa mga botante ng distrito kwatro. Pero tila sala ang galaw ng kinatawan sa puntong ito.
Sa isang banda ng D IV, mababasa sa mga tarpaulin na nakasabit sa kawad ng kuryente ang proyektong pag-aayos ng kakalsadahan at drainage na wala namang problema at maayos na ginagamit ng mga motorista at ng balana. Tukuyin natin ang isang barangay, ang Brgy. Krus na Ligas na talagang tampulan ng mga pulitiko mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Makikita ang mga nakasabit na tarpaulin na tumutukoy sa pagpapaayos ng kakalsadahan na kahit maganda ang kondisyon ng kalsada at walang problema’y binubungkal, ginigiba at binabago ang ayos ng drainage system. Walang nakitang dahilan si Mang Juan upang gibain ito at isaayos ang maayos na lansangan, ito ba ang bulok ang serbisyo ni Cong.
Matagal na sa pulitika si Cong sa lunsod subalit ito ang kauna-unahang pagkakataon na naluklok ito bilang representante ng distrito IV ng lunsod sa kongreso. Tila hindi natuto sa karanasan si Cong na mahalaga ang kagalingan panlipunan proyekto sa halip na gibain ang maayos na kakalsadahan. Wala kahit isang anak ni Mang Juan ang nagreklamo sa kalagayan ng kanilang laruan este kalye.
Ano ang meron sa proyektong ito upang unahin. Malaking pondo ba ang usapin dito? At para saan at kanino ang pag-aayos na ito o ito ba’y “ in-aid of re-election” ? Ito ang tanong ni Mang Juan, kaya hinahanap nito ang District Engineer ng distrito IV, dahil hindi niya mawari kung paano tinasa ng mga DPWH ang proyekto at nabigyan ng go signal upang ipatupad ang proyekto.
Sa suring pagtanaw lang, tila hindi sapat ang dahilan upang ipagiba at ipaayos muli ang kalsadang maayos. Hoy, District Engineer ng Distrito IV, ayusin ang trabaho at huwag magsunod-sunuran sa bugok na serbisyo ni Cong, may nangangamoy na, gayla.
District Engineer, binabaan ba ang lugar ng proyekto at masasabi kailangan ng baguhin ang kakalsadahan sa Brgy. Krus na Ligas para umabot sa desisyon na ituloy ang bugok na serbisyo? Ito ba’y sinangayunan sa merito ng project proposal o sinayawan upang hindi magtampo si Cong at baka mailipat ng pwesto.
Hindi nanaig dito ang tamang galaw upang sang-ayunan ang proyekto mukhang nauna ang paghigop sa pundilyo ni Cong. Tila ‘di mo ginamit ang mabuting karunungan at tinalo ng ambisyon na manatili sa pwesto. Ang maling pagpapasya ang naglagay sa iyo sa maselan na kalagayan. Sec. Villar paki background check si District Engineer ng DIV, mukhang inuna ang ambisyon sa halip ng kagalingan ng mamamayan. Walang samaan ng loob, pagmali-mali di dapat gawin, di po ba?
Sa proyekto, ano naman ang lakip na kilos ng barangay Krus na Ligas Council, lalo na ang Kapitan nito? Ano ang nagtulak dito upang pumayag sa ganitong proyekto na talaga namang mas malaki ang perwisyo sa halip na serbisyo. Batid ng mga taong barangay ang kalagayan ng lugar at ang pagbibigay daan sa ganitong uri ng Bugok na Serbisyo’y talagang nakakaduda na may kamutan ng likod para sa halalan. O bulag kayo sa tunay na kailangan ng inyong nasasakupan sa maraming kadahilanan.
Mailap ang ikalawang termino kung ang uri ng liderato’y inuuna ang kapakanan pang sarili. Ang mabuting proyekto’y yung nararamdaman ng mga tao lalo ng mga anak ni Mang Juan na ang kailanga’y ang trabaho na marangal at walang kinikilingan. Sa konseho ng barangay, mag-isip-isip at gumalaw ng tama para sa inyong nasasakupan at hindi proyektong nais ni congressman.
Sa Cong ng distrito, matagal ka na sa serbisyo sa distrito IV, huwag sayangin ang pagkakataon na gumawa ng mga proyektong tunay na may pakinabang sa nasasakupan. Huwag maghanap ng mga proyektong ibinabandera na hindi mo alam na kinaiinisan ng mga tao. Pulsuhan si Mang Juan kung ano ang dapat at kung ano ang kailangan nito. Tandaan na maraming marunong mag-isip sa Distritong iyong kinakatawan.
Hindi na panahon na gigibain ang maayos at muling aayusin. Dama ng mga botante na tila naghahanda ka na para sa ikalawang termino sa kongreso. Mag isip-isip, bugok ang serbisyong inilalatag para kay Mang Juan. May isang taon pa upang mahuli ang kiliti ng tao sa distrito na talaga namang nagigiliwan sa sabungerong gusto kang labanan. Ang maayos na serbisyo ang mag-aangat sa iyo, ang bugok mong serbisyong inumpisahan, baka ibig baguhin at nagiging perwisyo..
Sa mga nabangit sa itaas sanay batuhin kayo ng tamang pagpapasya na kahit sino pa ang may gusto kung ‘di naman mainam para sa tao, eh isantabi. Serbisyong Subok ang kailangan at ‘di Bugok na Serbisyo sa Distrito IV…..
Maraming Salamat po!!!
The post Bugok na serbisyo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: