HINDI namin alam kung saan napulot ni Harry Roque ang baluktot na katwiran tungkol sa sakdal na crimes against humanity na kasalukuyang hinaharap ni Rodrigo at mga kasapakat sa International Criminal Court (ICC). Ayon kay Roque, susulong ang sakdal na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano kontra Duterte at mga kasabwat “kung tutulong ang gobyerno ni Duterte” sa pagsisiyasat ng ICC.
Mali si Roque sa kanyang katwiran. Hindi niya naiintindihan ang kanyang sinasabi tungkol sa sakdal. Bagaman hindi katandaan ang disiplina ng international criminal law at ngayon pa lang umuubong ang international criminal system na tampok ang international criminal tribunal, o hukuman sa mga usaping kriminal ng mga lider ng iba’t-ibang bansa, patuloy na umimbulog sa larangan ng pandaigdigang katarungan ang mga hukuman kontra mga abusadong lider.
Hindi alam ni Roque ang nangyari kay Slobodan Milosevic, dating presidente ng Serbia, na dinakip at dinala sa International Criminal Tribunal on the former Yugoslavia (ICTY) sa siyudad ng The Hague sa Netherlands upang managot sa mga sakdal na crimes against humanity, war crimes, at genocide. Bagaman mahilig ipangalandakan ni Harry Roque ang sarili bilang isang dalubhasa sa international law, mukhang mangmang siya sa kapalaran ni Milosevic.
Binuo ng United Nations noong 2000 ang ICTY bilang hukuman upang managot si Milosevic na pinagbintangan na nagpapatay sa daan-daang libo sibilyan sa Bosnia-Herzegovina, Croatia, at Kosova, mga republika ng sumabog na dating Yugoslavia. Tumagal ng mahigit tatlong taon (2002-2006) ang paglilitis kay Milosevic at natigil lamang ito nang mamatay siya dahil sa atake sa puso. Makasaysayan ang paglilitis kay Milosevic sa The Hague.
Marami ang nag-akala na walang mangyayari sa mga sakdal laban kay Milosevic at kasangkot sa “ethnic cleansing” sa dating Yugoslavia. Napakalakas niya noong nasa rurok siya ng kapangyarihan. Gumuho ang lahat ng bumagsak si Milosevic sa poder at napalitan. Sa huli, ang mismong presidente na pumalit sa kanya ang nagpadakip sa kanya at ipinadala siya sa The Hague upang litisin.
Hindi madali ang pagdakip kay Milosevic, sa totoo lang. Nagtulong-tulong ang mga mauunlad na bansa na pawang nag-alok ng tulong sa Serbia upang matuloy ang paglilitis. Umabot sa $1 bilyon ang official development assistance (ODA) na ibinigay ng mga mauunlad na bansa sa Serbia at iba pang bahagi ng bumagsak na Yugoslavia. May alok rin nag awing kasapi ng European Union ang Serbia at isa itong bagay na nag-enganyo sa liderato ng Serbia upang isuko si Milosevic. Sino ang ayaw ng kaunlaran sa kabuhayan?
Isinakripisyo nila si Milosevic na sa kanilang pananaw ay isang kriminal at mamamatay-tao sa ngalan ng pag-unlad at pagbangon muli ng mga bahagi ng dating Yugoslavia na nilumpo ng digmaan na tumagal ng halos sampung taon. Hindi namin alam kung batid ni Harry Roque ang nangyari sa Serbia at Milosevic. Hindi nakipagtulungan si Milosevic at lubhang mabangis laban sa hukuman na lumilitis sa kanya. Ganyan ang asal ng amo ni Harry Roque. Ayaw makipagtulungan sa ICC bagman may isang taon na lamang siya sa poder.
Kahit ibando ni Harry Roque ang sarili bilang dalubhasa sa international law, hindi siya sineseryoso ng mga kapwa abugado. Ngunit kung pagbabatayan ang kanyang mga pinagsasabi sa publiko, maraming hindi alam si Harry Roque. Hindi siya nagbabasa kahit marami sa mga kaalaman ang nasa public domain at madaling mabasa sa Internet. Kaunting tiyaga lang at mababasa ang mga detalye sa digmaan sa Yugoslavia.
Umabot sa 160 ang mga taong dinala sa ICTY at 60 sa kanila ang mananagot sa kanilang krimen at naparusahan. Itinayo rin ng United Nations ang International Criminal Tribunal for Rwanda bilang hukuman upang panagutin ang mga sangkot sa pagpapatay sa mahigit 800,000 na kasapi sa liping Tutsi na kalaban ng liping Hutu sa bansang Rwanda. Tulad ng ICTY, marami ang dinala sa hukuman at naparusahan sa Rwanda.
***
Lingid sa kaalaman ni Duterte at mga kasapakat na tulad ni Alan Peter Cayetano, Jose Calida, Bato dela Rosa, Dick Gordon, Vitaliano Aguirre, at iba pa, patuloy na pumaimbulog ang sistema ng pandaigdigang katarungan at maging ang international criminal law. Palatandaan ang pagkakaroon ng mga hukumang pandaigdigan upang papanagutin ang maysala sa malawakang krimen at paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Ito ang martsa ng kasaysayan, sa maikling usapan.
Hindi natapos ang misyon ng mga hukuman pandaigdigan sa dating Yugoslavia at Rwanda. Habang dinidinig ang mga paglabag sa kanilang mga mamamayan, binubuo ng maraming bansa sa ilalim ng isang tratado, Rome Statute, ang International Criminal Court (ICC) upang huwag abalahin ang United Nations sa mga malawakang krimen ng kanilang lider. Binuo ang ICC noon 2002 bilang institusyon na lilitis sa mga krimen ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa kanilang mga mamamayan. Isa ang Filipinas na sumang-ayon at nagratipika sa ICC.
Tumiwalag ang Filipinas sa Rome Statute noong 2019 nang makita ni Duterte at mga kasabwat na sumusulong ang sakdal na iniharap ni Trillanes at Alejano laban sa kanila sa ICC. Sa kanyang huling ulat, binanggit ni Fatou Bensouda, ang nagretirong hepe ng ICC Office of the Prosecutor, na may batayan na paniwala na si Duterte ang may pakana sa malawakang patayan sa kanyang madugo ngunit bigong giyera kontra droga.
Ngayon, hinihintay ang desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC upang umpisahan ang pormal na imbestigasyon kay Duterte at mga kasapakat. Maaaring abutin ng Setyembre ang desisyon at ito ang kinatatakutan ni Duterte at mga kasabwat. Kung sakaling bumaba ang desisyon, maaaring malabas ng summons ang ICC upang ilabas ng gobyerno ni Duterte ang mga dokumento na kaugnay sa mga patayan. Maaari maglabas ng arrest order upang dakpin si Duterte at mga kasama.
Samantala, sinabi ni Raul Pangalangan, isang manananggol na dating mahistrado sa ICC, na hindi dahilan ang pagtiwalag ng Filipinas upang hindi matuloy ang mga sakdal na iniharap ni Trillanes at Alejano kay Duterte at kasabwat. Sa maikli, walang kawala si Duterte at kasabwat sa kanilang krimen. Haharapin iyon kahit hindi makipagtulungan ang gobyerno.
***
MUKHANG hindi pinayuhan ng malapit kay Duterte tungkol sa martsa ng kasaysayan. Nag-iba na ang panahon. Hindi na pwede na basta pupuksain ng isang lider ang sariling mamamayan sa ngalan ng anumang simulain.
Mahaharap si Duterte at mga kasapakat sa isang masalimuot na usapin kahit hindi sila makipagtulungan sa ICC. Alam ng ICC ang gagawin kung ang mga inihabla ay hindi nakikipagtulungan. Nasa kanila ang mga detalye ng pinaggagawa ni Duterte. Hindi kailangan na ipunin ang lahat ng mga EJK para sa isang “megatrial.” Pipili lamang ng ilang kaso sa mga EJK upang idiin si Duterte. Hindi masaya ang kanyang haharapin, sa totoo lang.
The post Baluktot na katwiran appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: