UMAKYAT na sa 50 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa pagbagsak ng dambuhalang military plane sa Patikul, Sulu nitong Linggo.
Ayon kay Major General Edgard Arevalo, spokesman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), natagpuan na ng mga otoridad ang labi ng lima pang pasaherong nawawala.
Sa report, 47 sa mga namatay ay mga sundalo at 3 ang silbilyan (magkapatid na batang lalaki at buntis na babae sa nawasak nilang bahay).
Sinabi ni Arevalo na ang 32 sa mga na-rescue ay kasalukuyan pang nasa hospital.
Nabatid na lumagpas sa runway ang naturang erop-lano, C-130 o cargo plane ng AFP, nitong Linggo ng umaga sa Patikul.
Sinabi ni Arevalo na beterano ang mga piloto ng bagong bili na C-130 Hercules. Katunayan, aniya, kabilang sila sa nagde-deliver ng mga gamit para sa paggamot ng Covid-19 patients sa iba’t ibang dako ng bansa.
Karamihan sa mga sunda-long sakay ng eroplano ay katatapos lang mag-training at dapat idadagdag sila sa puwersa ng Army 11th Infantry Division.
Samantala, ayon sa salaysay ng isa sa mga testigo na si Alicia Jamdan, residente ng Barangay Bangkal, nasaksihan nila ang paglapag ng eroplano sa runway ngunit hindi aniya nakalabas ang landing gear nito.
Dahil dito, bumawi muna ng lipad ang piloto para sa ikalawang pagtatangka, ngunit kulang ang buwelo nito kaya nag-overshoot at nahulog sa bulubunduking bahagi ng lugar.
Dagdag pa ni Alicia, nagpagewang-gewang pa ang eroplano at iba na ang tunog ng makina nito.
Kasabay ng pagbagsak ng eroplano ay nadamay ang ilang kabahayan sa trahediya.
May mga nakakita na may ilang sakay ng eroplano ang tumalon bago sumayad sa lupa ang dambuhalang aircraft.
Nagmula ang eroplano sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City sakay ang mga sundalo na katatapos lamang ng training sa Camp Osito Bahian sa Malaybalay City, Bukidnon sa ilalim ng 4th Infantry Division.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.
The post C-130 TRAGEDY: LANDING GEAR SUMABLAY, 50 NA PATAY! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: